Papanagutin sina Marcos at Duterte sa malulubhang krimen sa digma sa Pilipinas
Sa gitna ng umuusad na kaso ni Rodrigo Duterte laban sa sangkatauhan buhat ng madugong gera kontra-iligal na droga, nararapat ding papanagutin si Duterte, kasama ang kasalukuyang presidente ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos Jr, dating US president Joe Biden at ang mga gubyerno ng Pilipinas at US, sa mga krimen sa digma at iba pang mga paglabag sa internasyunal na makataong batas na naganap sa Pilipinas.
Matatandaang noong Mayo 17-18, 2024, naganap ang pagtitipon ng International People’s Tribunal (IPT) na nagtapos sa hatol na maysala ang mga akusadong sina Marcos Jr, Rodrigo Duterte, ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, Biden at gubyerno ng US sa lahat ng mga paratang na krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas. Tampok sa mga krimen ay pagpatay at/o pagmasaker ng mga sibilyan; pagdukot, pagpapahirap at iba pang hindi makataong pagtrato sa mga sibilyan, hors de combat at armadong katunggali; pag-atake sa mga sibilyan at kanilang mga kagamitan; pwersahang pagpapalikas sa mga sibilyan; paghahasik ng teror sa mga sibilyan; paghaharang sa humanitarian aid; at paglabag sa batas ng proporsyonalidad na nagdudulot ng labis na pinsala sa target at sa kalikasan.
Dalawang taon na ang lumipas nang ilabas ang hatol subalit patuloy na namamayagpag ang impyunidad sa ilalim ng papatinding kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II. Tahasang pagsasantabi sa hatol ang pagbuo ng rehimeng US-Marcos II ng bagong kontra-“insurhensyang” programa na National Action Plan for Unity Peace and Development (NAP-UPD) isang taon makalipas ang hatol ng IPT. Ipinagpatuloy ng NAP-UPD ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa bansa pati ang mga krimen sa digma. Walang pakundangang idinadamay ang mga sibilyan sa kurso ng mga operasyong militar at pulis at pilit ninonormalisa ang mga pagpatay sa bisa ng terror-tagging at iba pang maniobra sa reaksyunaryong batas para bigyang-matwid ang mga paratang na terorista ang mga progresibo, kritiko at rebolusyonaryong pwersa.
Patunay ng nagpapatuloy na pagtalikod ng estado sa mga internasyunal na makataong batas ang kagaganap lamang na masaker sa Toboso sa Negros Occidental na nagresulta sa pagkamatay ng 19 katao, siyam na sibilyan ang idinamay sa pang-aatake ng pasistang militar ng estado. Pinatunayan ito mismo ni Dr. Raquel Fortun, ang ekspertong nagsuri sa mga bangkay kung saan kalakhan sa mga tama ay sa likod taliwas sa paratang ng militar na nakipagpalitan ng putok ang mga biktima. Binanggit niya rin na may isang biktima na posibleng hindi namatay sa tama ng baril kundi naubusan ng dugo dahil pinabayaan ng mga militar at pinagkaitang magamot. Nalantad din na nagkaroon ng mga paglabag sa karapatan ng mga Pulang mandirigma na wala nang kapasidad na lumaban o hors de combat. Patay na nga, tila dinodoble pa ang pagpatay ng estado sa mga biktima sa pambabalasubas sa kanilang mga labi. Pinagpyestahan ng mga trolls ng NTF-ELCAC ang mga labi ng mga biktima sa social media. Dinanas din ng mga grupong nagsasagawa ng independyenteng imbestigasyon at humanitarian mission sa apektadong lugar ang panghaharas at intimidasyon mula sa mga pwersang panseguridad ng estado.
Tulad sa Negros, hindi nalibre ang rehiyong Timog Katagalugan sa mga krimen sa digma ng AFP at punong-kumander nitong si Marcos Jr. Nagpatuloy ang mga kaso ng pambobomba sa komunidad ng mga magsasaka sa kanayunan na nagresulta sa malawakang paglikas ng mamamayan, pagkawasak ng kanilang mga pananim at iba pang pinagmumulan ng kabuhayan at pagkasira ng kapaligiran. Nitong Enero, binomba ng apat na attack helicopter ng AFP ang mga kabundukan ng Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro matapos ang labanan sa pagitan ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro. Napaslang dito ang dalawang batang Mangyan na inilingid sa publiko. Daan-daang mga Mangyan Iraya ang napilitang lumikas habang pinagkaitan sila ng tulong mula sa mga grupong makatao. Kinontrol ng AFP ang daloy ng impormasyon at binaluktot ang kalagayan ng masang Mangyan at mga magsasakang Mindoreño gamit ang bayarang trolls at mamamahayag. Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang panghahalihaw ng mga berdugong militar sa mga kanayunan ng Timog Katagalugan kung saan mayroong nakapakat na 32-34 panagupang batalyon ng AFP. Habang madalang ang mga titser, doktor at iba pang propesyon na naggagawad ng serbisyong panlipunan sa bayan, mayroong 1 sundalo na nakatutok sa 1,188 mamamayan sa buong rehiyon.
Lahat nang ito ay naisasakatuparan ng GRP sa pamamagitan ng dambuhalang suporta mula sa gubyerno ng imperyalismong US. Sa nagdaan patuloy na dumarami ang ipinapasok na “ayuda” sa tabing ng pakikipagtulungan at modernisasyon. Ngayong 2026, pinasok ng Pilipinas ang kasunduang pagtanggap ng $2.5 bilyon na ibibigay hanggang 2030 o $500 milyon kada taon. Noong 2024, tinatayang $719.9 milyon ang natanggap na tulong militar. Madulas itong naipasok gamit ang palusot na pakikipagtulungan at pagdedepensa laban sa China. Ngunit sa kabila nito, tunay nga bang pumipihit sa eksternal na depensa ang bansa gayong sa aktwal ay nakabuhos ang mga rekursong militar sa pagsupil ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan? Ang pag-iimbak ng armas ay kapwa nagsisilbi sa GRP at imperyalismong US kung saan habang pilit na sinusupil ng mga ito ang rebolusyonaryong pwersa ay kasabay na nakakapagposisyon ang US bilang bahagi ng nilulutong gera laban sa China sa Asia Pacific.
Pinatunayan ng reaksyunaryong gubyerno na kinakandili nito ang mga mamamatay-tao at kriminal kagaya nina Ronald “Bato” dela Rosa, Duterte at Marcos Jr. Ang kanilang lakas ng loob na maghasik ng teror at karahasan ay hinugot mula sa proteksyon at artipisyal na lakas mula sa imperyalismong US. Marapat na patuloy na makibaka ang lahat ng mga makabayan at demokratikong pwersa upang igiit ang hustisya at papanagutin ang mga pusakal na kriminal. Pakatatandaang higit na nakalalamang ang lakas ng pagkakaisa ng mamamayan sa tigreng papel na ipinapakita ng mga buhong na pasista at imperyalista. Isang panimulang tagumpay ang pagpipiit at pagkakasakdal ni Duterte sa International Criminal Court. Dapat magsilbing inspirasyon at hugutan ng aral ang nakamit ditong tagumpay upang patuloy na usigin at papanagutin sina Marcos, ang GRP at ang gubyerno ng US sa kanilang mga krimen sa digma sa bisa ng hatol ng IPT.
Ang CPP-NPA-NDFP, bilang pwersang belligerent o katapat na gubyerno ng GRP ay kinikilala sa buong daigdig bilang isang lehitimong pwersang naglulunsad ng armadong digma. Bilang isang pwersang nakikidigma para sa pagtatanggol sa mamamayan, binibigyan nito ng pinakamataas na pangangalaga ang karapatan kapwa ng mamamayan at maging ng mga kalahok sa digmaan. Mayroon itong sariling mga panuntunang pandigma na ipinatutupad na pangunahing magsasaalang-alang sa kapakanan at karapatan ng mga sibilyan at umaalinsunod sa lahat ng panuntunang itinakda sa pandaidigang saklaw. Kabaligtaran ng AFP-PNP-CAFGU na mersenaryong tuta ng imperyalismo, tapat na tinutupad ng rebolusyonaryong pwersa sa pamumuno ng CPP ang mga alituntunin sa digma at patakaran ng internasyunal na makataong batas. Isinusulong nito ang makatarungang digma upang wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng reaksyunaryong gubyerno at itayo ang tunay na lipunang nagtataguyod ng kalayaan, demokrasya at hustisya.