Para kay BGen. Melencio Ragudo at buong 203rd Brigade: Kailanma'y di magagapi ng inyong terorismo ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Mindoreño
Pagkamuhi ng mamamayang Mindoreño, madugong rekord ng paglabag sa karapatang tao at kabiguan ng kontra-rebolusyonaryong digma laban sa nakikibakang Mindoreño: Ito ang kahiya-hiyang legasiyang minana ni Melencio Ragudo—ang pinakabagong punong kumander ng 203rd Infantry Brigade.
Nitong Marso 15, sa isang seremonyang tiyak na pinagwaldasan ng pondo ng mamamayan, pormal na ipinasa kay Ragudo ang pamumuno sa 203rd Brigade at sa teroristang kampanya nito sa Mindoro. Kataas-taasang tungkulin ngayon ni Ragudo na isakatuparan ang pagdurog sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB) at buong rebolusyonaryong kilusan sa isla. Sa harap ng pagngingitngit ng rehimeng US-Marcos II na ganap nang durugin ang rebolusyon sa Pilipinas, tiyak na demosyon o pabastang pagsipa mula sa pwesto ang naghihintay kay Ragudo sa oras na siya’y mabigo sa pagtupad sa hibang na pangarap ng kanyang mga amo. Nauna na si Randolph Cabangbang sa ganitong kapalaran matapos mabigo sa pagdurog sa BHB sa isla sa taong 2024.
Bago ang promosyon sa ranggo ni Ragudo, iginawad muna kay Col. Eric Guevarra ang Military Merit Medal para sa kanyang pamumuno sa brigada bilang pansamantalang kumander bago si Ragudo. Ano, sa katunayan, ang “kahanga-hangang kontribusyon” nitong si Guevarra at ginagawaran ng medalya? Ito’y walang iba kundi ang matinding teroristang atakeng pinakawalan laban sa mamamayang Mindoreño matapos matalo ng BHB ang mga tropa ng 203rd Brigade sa sunod-sunod na labanan mula Pebrero. Gaya ng pagkilala ng AFP kay Guevarra para sa kanyang pagiging mahusay na terorista, kinikilala at matatandaan ng mga Mindoreño si Guevarra para sa aerial straffing at bombing sa bayan ng Mansalay at Pola sa Oriental Mindoro, pagpatay sa isang sibilyan sa isang pinekeng labanan, paglikha ng mga pekeng labanan, panlilinlang at pamimilit sa masa upang giyahan ang mga militar sa kanilang operasyong kombat, pagpataw ng batas militar at lubusang pagsikil sa kalayaan ng mga sibilyan sa mga bayan kung saan naganap ang pinakahuling mga labanan sa isla at iba pang porma ng paglabag sa karapatang tao ng mga Mindoreño. Ang medalyang iginawad kay Guevarra ay inutang na dugo na sa malao’t madali ay sisingilin ng mamamayang Mindoreño.
Matapos nito ay natanggap ni Ragudo ang pinakainaasam-asam ng mga militar na pagtaas ng ranggo. Ang pag-angat kay Ragudo bilang brigadier general ay pagkilala diumano sa kanyang “kakayahan sa pamumuno at dedikasyon sa serbisyo.” Nangangahulugan lamang ito na subok na si Ragudo sa pamumuno sa pasistang pwersa sa paghahasik ng teror sa hanay ng mamamayan sa ngalan ng paglilingkod sa interes ng mga panginoong maylupa-malaking burgesya kumprador (PML-MBK), mga burukrata-kapitalista at imperyalismong US. Patunay rito ang rekord ni Ragudo bilang kumander ng 80th Infantry Batallion, 59th IB, at bilang chief of staff ng 3rd ID na nagtala ng libo libong biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao sa Rizal, Batangas, at sa Kabisayaan.
Ang rekord ni Ragudo at kanyang pangakong “pagpapalakas sa operasyon ng brigada” ay nagpapahiwatig ng pag-igting ng kontra-rebolusyonaryong digma ng reaksyunaryong gubyerno sa isla ng Mindoro. Maasahan natin ang pagdami, paglaki at pagdalas ng mga focused military operations ng 203rd Brigade, pagdagsa sa mga komunidad ng mga yunit ng Retooled Community Support Program Operations (RCSPO) at 1st Civil-Military Operations (CMO) Company, pagsahol ng mga taktikang saywar ng armadong pwersa ng gubyerno at sukdulang pagkubabaw ng militar sa sibil na gubyerno gamit ang RTF at PTF-ELCAC. Lahat ng ito para sa layuning patahimikin at takutin ang mamamayang Mindoreño at igupo ang kanilang pag-suporta at paglahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Kung mamarapatin ni Ragudo ang isang pangaral: Mismong kasaysayan na at mga obhetibong kundisyon sa isla ng Mindoro ang nagtatakda na sadyang mabibigo ang estratehikong kampanyang pandudurog ng 203rd Brigade sa Partido, Hukbong Bayan at rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro.
Ang atrasadong ekonomya at pulitika sa isla ang nagtutulak sa mga Mindoreño na mag-rebolusyon. Ang kahirapan at kagutumang dinudulot ng kawalan ng lupa ng mga magsasaka’t katutubong Mangyan; ang panghihimasok ng mga mapandambong na dayuhang negosyo sa Mindoro, ang pagkapako ng sahod sa napakababang antas at kawalan ng nakabubuhay na trabaho’t kabuhayan; ang abot-langit na presyo ng mga bilihin na hindi mahabol ng lugmok na kita ng mamamayan; ang pagkait sa kanila ng batayang serbisyo gaya ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan; ang kawalan ng hustisya para sa libo-libong biktima ng terorismo ng AFP-PNP-CAFGU: Ang mga ito ang makatwirang batayan bakit sumasapi sa rebolusyon ang mga Mindoreño. Pagkat hindi kusang ipagkakaloob ng gubyerno ng mga PML-MBK at imperyalismong US ang kahilingan ng mamamayan para sa tunay na repormang agraryo, demokrasya at kalayaan mula sa dayuhang pagsasamantala at batid ito ng mamamayan, kusa rin nilang binabagtas ang landas ng paglaban.
Nakikibaka ang mga Mindoreño di lamang upang wakasan ang kasalukuyang sistema kundi upang itatag ang gubyerno at lipunang may tunay na pag-unlad, kalayaan at katarungan para sa mga uring api. Patuloy na nakikibaka ang mga Mindoreño sapagkat napatunayan na nilang nasa rebolusyon ang katubusan nila mula sa kahirapan at pang-aapi. Patuloy na nakikibaka ang mga Mindoreño sapagkat natamasa na nila ang panimulang mga tagumpay noong libreng napamahagi sa libo-libong magsasaka’t katutubo ang malawak na lupaing pastuhan na dating kontrolado ng mga PML sa balangkas ng rebolusyong agraryo noong dekada ’80. Patuloy na nakikibaka ang mga Mindoreño sapagkat natunghayan na nila ang isang gubyernong tunay na para sa masa nang maipunla ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan sa isla.
Imposibleng pigilan ang paghahangad ng mga Mindoreño para sa katarungan at kalayaan kaya imposible ring gupuin ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka. Anumang pagpapalit-palit ng mga punong terorista sa isla o presidente ng reaksyunaryong gubyerno, anumang estratehikong kontra-rebolusyonaryong kampanya, anumang pagdadagdag ng mga batalyon ng AFP-PNP-CAFGU at armas pandigma sa isla, hinding hindi magagapi ang demokratikong rebolusyong bayan sa Mindoro.
Sa gabay ng kilusang pagwawasto at ng Partido, determinado ang BHB Mindoro na pangibabawan ang mga kahinaan, harapin ang mga kahirapan at sakripisyo, biguin ang mga kampanya ng panunupil ng kaaway at pasiglahin ang armadong pakikibaka upang ipagtanggol ang mga Mindoreño at parusahan ang AFP-PNP-CAFGU na nang-aapi sa kanila. Sa parehong paraang nangako si Ragudo sa kanyang mga among uring mapagsamantala, mahigpit na pinanghahawakan ng mga Pulang kumander at mandirigma sa Mindoro ang aming sinumpaang tungkulin na isulong ang digmang bayan at paglingkuran ang sambayanan buhay man ay ialay kung kinakailangan.
Digmang bayan, sagot sa terorismo ng 203rd Brigade at rehimeng US-Marcos II!
Mamamayang Mindoreño, labanan ang marumi at madugong kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Marcos II!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!