Para sa mga martir ng Rebolusyon ng Toboso, Negros Occidental; Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay!
Sa araw ng pagdadalamhati, mas tumitibay ang loob ng masang inaapi.
Taas kamao, at taos pusong nakikiramay ang NDF-Laguna at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan—sa lahat ng kapamilya, kasama, at masang anakpawis na buong panahong pinaglingkuran ng mga pulang hukbong nabuwal sa labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19. Sa pag-alala sa mga martir ng Toboso, ramdam namin ang bigat ng kanilang pagkawala ngunit higit naming panghahawakan ang liwanag na kanilang iniwan.
Sa gitna ng kadilimang dulot ng mas lumalalang pandaigdigang krisis, pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka, pandarambong ng dayuhan sa likas-yaman ng bansa, katiwalian, at pasistang panunupil sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, lalo na sa mamamayan ng Negros Occidental —hinawan ng mga martir ng Toboso ang landas ng digmang bayan upang siyang tahaking daan sa pagbabago at pagkakamit ng kalayaan. Sa kabila ng hirap, panganib at sakripisyo sa pagre-rebolusyon, buong loob at mapagkumbaba silang sumalig sa masa.
Ang kanilang mga sakripisyo ay naging apoy na hindi mamamatay ang dingas at patuloy na magbibigay-lakas sa aping mamamayan upang ipaglaban ang katarungan, karapatan, at kalayaan. Sa bawat araw na lumilipas, malinaw na ang kanilang pagkabuwal ay hindi pagwawakas, bagkus ay panibagong umagang bitbit ang mas matatag na paninindigan para sa pagsulong ng Rebolusyon.
Mga kasama, hindi kayo kailanman malilimot ng masang inyong pinaglingkuran at ng armadong rebolusyong inyong mahigpit na tinanganan. Mananatili ang inyong diwa at alaala sa mga kabundukan at kaparangan ng Negros at buong bayan. Tiyak tayong maraming panibagong salinlahi ng rebolusyon ang susunod sa inyong mga yapak at hahawak ng sandatang inyong nabitawan upang ipagpatuloy ang paghawi ng daan tungo sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.
Sa mga araw na tila kumakapal ang ulap sa paligid ng Toboso, magiging ginintuang tanglaw ang inyong alaala. Sapagkat magtangka man ang naghaharing uri na baluktutin ang katotohanan at takutin ang taumbayan, hinding-hindi nila malilinlang ang masang Negrense na siyang buhay na patunay sa kabutihan ng mga Pulang Hukbo sa bayan ng Toboso. Ang katotohanan ay tumitindig kapag may alaala at ang alaala ay lalong gumuguhit ng landas kapag may layunin.
Kaya naman, sa linggo ng paggunita sa mga martir ng rebolusyon, panatang ipagpapatuloy namin ang pakikibaka para sa tunay na pagbabago at pagkakapantay-pantay ng uri. Ipagtatanggol ang karapatan ng mamamayan laban sa pagsasamantala, panunupil, at kawalan ng hustisya. Iaalay ang panahon, lakas, at paninindigan sa pagbuo ng mas malakas at nagkakaisang hanay; sa pamamagitan ng pagmumulat, pago-organisa, at pagpapakilos kung saan ito pinakakailangan. Ang inyong katapangan ay aming gabay; at ang inyong kabayanihan ay aming inspirasyon sa bawat pagpupunyagi.
Para sa mga martir ng rebolusyon sa buong dako ng daigdig, ang inyong alaala ay mananatili, at ang inyong pamana ay magsisilbing lakas upang ibayong sumulong sa landas ng Demokratikong Rebolusyong Bayan.
Dakilain ang buhay ng mga martir ng Toboso!
Dakilain ang lahat ng martir ng rebolusuong Pilipino!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang mamamayang nakikibaka!