Pahayag

Pasistang atake ng 203rd brigade, binigo ng NPA Mindoro

Binabati ng Melito Glor Command (MGC)-NPA Southern Tagalog ang magigiting na Pulang kumander at mandirigma ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro sa pagbigo sa pang-aatake ng 203rd Brigade noong Hulyo 11 sa Sityo Lukban, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro, bandang 6:05 ng umaga. Tatlo ang patay sa hanay ng 203rd Brigade habang ligtas na nakaatras ang yunit ng LdGC.

Ang naganap na labanan ay resulta ng matinding panghahalihaw ng 203rd Brigade sa mga bayan ng Mansalay, Bulalacao at Roxas bilang desperadong hakbang na “malipol” ang rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro. Tuluy-tuloy ang mga operasyong militar sa mga naturang bayan kabilang ang San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro. Sa katunayan, nagpakalat pa ito ng pekeng labanan sa Barangay Benli, Bulalacao noong Hunyo 25 para bigyang matwid ang pagpapakat ng malaking tropa. Ito ay imbing pakana ng kaaway upang isalba ang sarili sa kahihiyan sa paulit-ulit na kabiguang kamtin ang itinakdang deadline ng pagwawakas sa rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa.

Napakalaking karuwagan ng AFP na ibaling sa mamamayan ang kanilang galit sa kabiguang madurog ang NPA sa Mindoro. Matapos ang labanan, nagpalipad ang 203rd Brigade ng blackhawk helicopter at dalawa pang heligunship na nagdulot ng takot at teror sa lokalidad. Iligal na inaresto at sinampahan naman ng gawa-gawang kaso si G. Itaw Agrumyan, ang sityo lider ng Lukban. Noong Hulyo 13 naman, ikinulong sa Roxas City Jail ang mag-anak na Mangyan-Hanunuo, kasama ang dalawa nilang pasahero na nagbabyahe sa Sityo Tambangan, San Roque, Bulalacao. Kabilang sa hinuli ang isang 12-taong na anak na lalaki at 8-taong anak na babae. Dinaganan ng retooled community support program (RCSP) ang mga komunidad ng Mangyan na Sityo Dagum, Barangay Benli sa Bulalacao at iba pang katabing bayan. Ang mga lugar na ito ay pinaglalawayan ng mga dayuhang kumpanyang mina at quarry kasabwat ang mga lokal na burukrata na mahigpit na tinututulan ng mamamayan.

Marapat lamang na patuloy na lumaban ang bayan para igiit ang kanilang karapatan. Kailangang tapatan ang pasismo at terorismo ng rebolusyonaryong paglaban upang ipagtanggol ang mamamayan. Makatarungan ang paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon upang bigwasan ang pasistang tropa ng estado.

Nararapat ilunsad ang mga taktikal na opensiba para biguin ang atake ng palalong kaaway at samsamin ang kanilang armas. Ipagwagi ang digmang bayan at ihatid ito sa tagumpay!

Pasistang atake ng 203rd brigade, binigo ng NPA Mindoro