Pahayag

Payo ng NPA kay Mayor Ates Tuazon: ang posturang anti-komunista ay pagpapatiwakal

Kinikilala ng rebolusyonaryong kilusan ang kapangahasan ni incumbent Masbate City Mayor at kumakakandidatong pagkagubernador ng prubinsya na banggain ang paghahari ng mga Kho. Subalit may ilang obserbasyon at matapat na puna ang kilusan na maaaring pakinggan ni Mayor Tuazon para sa kanyang pampulitikang reputasyon.

Kapansin-pansin ang partisipasyon ni Mayor Tuazon sa kampanya ng paninira laban sa rebolusyonaryong kilusan. Laman ng kanyang talumpati sa isang graduation ceremony ang pag-discourage sa mga kabataan na sumapi sa NPA at armadong pakikibaka. Mistula ring kabahagi ng kanyang pangangampanya ang pagdalo sa mga aktibidad ng militar, tulad sa naganap na peace rally noong November 30, 2024 sa Barangay Biyong, Masbate City.

Kung taos-pusong pumopostura si Mayor Tuazon bilang seryosong alternatibo sa tiwali, kontra-magsasaka at warlord na pamamalakad ni Gov. Kho, hinihikayat namin siyang umatras sa kanyang aktibong partisipasyon sa kampanyang kontra-insurhensya.

Una, sa lantarang pagpapalaganap ng mga pahayag at sentimyentong kontra-NPA, nagiging malinaw na wala siyang pinagkaiba kay Gov. Antonio Kho. Sa pagsuporta sa kampanyang kontra-NPA, nangangahulugang sinusuportahan niya ang pang-aagaw ng lupa, abusong militar at pagpatay sa mga magsasaka. Dapat tandaan ni Mayor Ates na ang kurapsyon at pagkagahaman ng mga Kho sa poder ay nakasandig sa isinagawang gera kontra-NPA ni Kho sa prubinsya.

Pangalawa, lalong hindi makakatulong ang lantarang anti-komunista at maka-militar na paninindigan ni Mayor Tuazon sa kanyang kandidatura. Dapat mabatid ni Mayor Tuazon na ang kasaysayan ng Masbate ay naipundar sa pagsuporta ng mga Masbatenyo sa rebolusyonaryong kilusan.

Hangga’t may naghihirap, hindi mawawala ang NPA. Dumaan man sa pagsubok ang pagkakaisa ng mga Masbatenyo at Hukbo, hindi na mabubunot pa nang sinuman, maging ni Mayor Tuazon, ang malalim nang pagkakaugat ng kilusan at ng rebolusyonaryong prinsipyo sa buhay ng mga Masbatenyo. Sa katunayan, ang paglahok ni Mayor Tuazon sa kampanyang paninira sa NPA ay patunay na kinikilala niya ang lawak ng naabot at impluwensya ng kilusan sa mga Masbatenyo.

Samantala, nangangamba kami sa kinabukasan ng pampulitikang karera ng mga Tuazon. Dalawa lang ang kahahantungan ng halalang 2025 para sa pamilyang Tuazon: ang maagaw ang paghahari mula sa mga Kho, o ang matulad sa mga malalaking pulitikong tulad ng mga Lanete at Bravo na unti-unti nang nawawala sa kapangyarihan at nagbenta na ng kanilang reputasyon sa mga Kho.

Liban pa, lalong ikapapahamak ni Mayor Tuazon ang pagdikit sa mga militar. Alam ni Mayor Tuazon ang taksil na katangian ng militar. Tiyak na tataya ang militar sa kung sino ang mas malamang na manalo sa halalang 2025. Sa kasong ito, tiyak na sa bandang huli ay ilalaglag lang siya ng militar.

Anu’t anuman, maaaring piliin ni Mayor Socrates Tuazon ang pumanig sa inaaping mamamayan. Makabuluhan ang kanyang magiging paninindigan laban sa lumalalang abusong militar, pang-aagaw ng lupa at pagpatay ng mga militar sa sibilyan. Dapat rin niyang panindigan ang pagbatikos sa kurapsyon ng mga Kho.

Sa huli, nais na ipabatid ng NPA-Masbate kay Mayor Tuazon. Totoong malamok sa kagubatan, totoong may panahong kailangang magbawas sa paggamit ng cellphone ang nga kasama para sa kanilang seguridad. Totoong may panahong nagugutom. Totoong may pagkakataong nangunguliila sa pamilya. Totoo ang sakripisyo at kahirapan at lahat ng iyan ay handang harapin ng Hukbo, maging ang pag-alay ng sariling buhay, mapaglingkuran lamang ang mga Masbatenyo at maipaunawa sa kanilang tanging sa paglahok sa digmang bayan masosolusyunan ang kahirapang hindi kailanman malulutas ng bulok na sistemang kinapapalooban ni Mayor Tuazon, sampu ng iba pang naghaharing-uri sa bansa.

Payo ng NPA kay Mayor Ates Tuazon: ang posturang anti-komunista ay pagpapatiwakal