Pinagpupugayan at lubos na sinusuportahan ng rebolusyonaryong konseho ng mga unyon ang Oslo Joint Statement at ang lahat ng pakikibaka’t mga aksyon sa landas ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!
Malugod na tinatanggap ng Revolutionary Council of Trade Unions–National Democratic Front–Laguna (RCTU-NDF-Laguna) ang kagaganap lamang na Oslo Joint Statement na pinirmahan ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng mga representante ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas noong Nobyembre 23 sa Oslo, Norway. Nilalaman nito ang pagnanais ng dalawang panig na bumuo ng mga kundisyon upang muling tahakin ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.
Ipinababatid ng RCTU-NDF-Laguna at lahat ng rebolusyonaryong manggagawa at mamamayang Lagunense ang nag-aalab na suporta sa NDFP sa patuloy nitong pagtataguyod sa demokratikong interes ng mga manggagawa at ng masang anakpawis sa paglikha ng mga puntos na ihahapag sa usapang pangkapayapaan na nakabalangkas sa pagpawi ng mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan. Buo rin ang tiwala ng mga manggagawa na tunay na irerepresenta ng negotiating panel ng NDFP ang malawak na hanay ng masang anakpawis sa pagharap sa katunggali nitong rehimeng US-Marcos Jr.
Para sa mga manggagawang Lagunense napapanahon ang usapang pangkapayapaan sa kabila ng tumitinding kahirapang binabata ng mga pamilya nila at lahat ng mamamayan. Inaasahan nilang matugunan ang kanilang matagal nang hinihinging nakabubuhay na sahod. Patuloy na umiiral ang barat at di-nakabubuhay na pasahod sa hanay ng mga manggagawa habang lumalangoy ang mga dambuhalang kapitalista sa yamang ninanakaw nila mula sa labis na halagang nililikha ng mga manggagawa. Samantala, ang pinakasaligang alyado ng mga manggagawa na mga magsasaka ay patuloy na inaagawan ng lupa, binubusabos at inaapi sa gitna ng mas tumitinding pyudal at malapyudal na pagsasamantala, pangangamkam ng kanilang mga lupain ng mga malalaking kumprador-panginoong maylupa kasama ang mga land use conversion para sa mga proyekto ng reaksyunaryong gubyerno. Kinikitil ang kabuhayan sa kanayunan dahil lalaging kasabay nito ang mararahas na operasyong militar at walang patumanggang paglabag sa mga karapatang pantao ng mga buhong na AFP at PNP laban sa mga magsasaka at mga pambansang minorya. Ito ang mga kundisyon na nagpapanatili sa pagiging wasto ng digmang bayan na isinusulong ng rebolusyonarong pwersa ng mamamayan. At sa ganun, umaasa ang buong pwersa ng RCTU-NDF – Laguna na seryosong mapag-uusapan at mabigyan ng kalutasan ang tunay na ugat ng armadong labanan sa bansa.
Anim na taon ang nakalipas nuong huling pumasok sa usapang pangkapayapaan sa ilalim ng uhaw sa dugong matandang Duterte. Kabaliktaran, sa halip na makipagtulungan, pataksil nitong sinira at mas lalong pinalabo ang posibilidad na magkaroon ng negosasyon sa pagitan ng NDFP at GRP sa pamamagitan ng pagpapasidhi ng pasistang paninibasib laluna sa hanay ng mga rebolusyonaryo at maging sa mga ligal na demokratikong pwersa. Pagkatapos ideklara ng matandang Duterte na inbalido na ang usapang pangkapayapaan noong 2017, tinatakang terorista ang CPP-NPA-NDFP at inihasik nito sa buong bansa ang maruming gyerang kontra-rebolusyonaryo’t kontra-mamamayan na Joint Campaign Plan Kapanatagan na nagdulot ng malubhang pagkaligalig at delubyo sa kanayunan at kalunsuran. Itinakwil ng rehimen ng matandang Duterte ang mga naunang kasunduan tulad ng JASIG at CAHRIHL at parang asong ulol ang mga pwersa nitong tinugis, pinatay at ibinilanggo ang mga NDF Consultant. Inaasahan ng mga manggagawang Lagunense na hindi na mauulit ang ganitong kataksilan sa usapang pangkapayapaan.
Ganonman, dapat na maging mapagmatyag ang NDFP sa anumang pataksil na hakbang ng GRP. Batid ng mga manggagawa sa probinsya na maraming balakid na kahaharapin sa daan tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa katarungan. Hindi magbabago ang layunin ng mga naghaharing uring panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at imperyalismong amo nila na pahinain ang rebolusyonaryong kilusang masa at durugin ang Bagong Hukbong Bayan.
Bagamat kinikililala ng buong RCTU-NDF-Laguna na positibo ang Oslo Joint Statement bilang isa sa mga paunang hakbangin, hamon kay Marcos Jr na palayain ang mga NDFP Consultants na ipinabilanggo ng mga nagdaang rehimen, ibasura ang terrorist designation kay Luis Jalandoni at sa CPP-NPA-NDF mismo, at higit sa lahat, palayain ang nasa 800 mga bilanggong pulitikal na nagdurusa sa mga gawa-gawang kaso. Dapat ding tuluyang ibasura ang anti-mamamayang mga patakaran na ipinatutupad ng rehimeng Duterte tulad ng Executive Order 70, Memorandum Order 32, Anti-Terror Law, at buwagin ang NTF-ELCAC na nagpatupad ng mga kriminal na gawaing labis-labis na nagyuyurak sa karapatang pantao. Magiging pusitibo at mapapatunayan lamang ang pagkakaiba ng rehimeng Marcos Jr. kung kaniyang magagawa ang mga kritikal na puntong ito na inilinaw sa pormal na pagsisimula ng usapang pangkapayapaan.
Lubos na kinikilala, sinusuportahan at nakikiisa ang RCTU-NDF-Laguna sa pagsusulong ng usapang pangkapayaan, sa kabilang banda mananantiling matibay ang paninindigan nito para sa armadong paglaban bilang pangunahing anyo ng pakikibaka para sa pagkakamit ng mga mas solido at matagalang demokratikong kahilingan ng masang anakpawis na matagal nang nakabaon sa napakatinding kahirapan. Matatag na naninindigan ang RCTU-NDF-Laguna para sa mas masiglang pagpapalaganap sa mas maraming pulang unyon sa mga pabrika na magiging susi sa pagkamit sa mga pundamental na kahilingan ng mga manggagawa sa usaping sahod, seguridad sa trabaho at iba pang mga benipisyo sa pamumuno ng dakilang Partido Komunista ng Pilipinas. Walang puknat din kaming magpapataas ng ideolohiya ng mga manggagawa sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang sila ay mamulat sa kanilang papel bilang proletaryadong mangunguna sa rebolusyon. Inaasahan naming kahit matuloy ang usapang pangkapayapaan, hindi matitigil ang pagpapasampa ng mga manggagawa sa kanayunan ng Timog-Katagalugan upang lalong palakasin at patatagin ang Bagong Hukbong Bayan at upang iabante ang Demokratikong Rebolusyong Bayan sa mas mataas na antas. ###