Pinaiigting ng atake ng Ukraine sa Russia sa utos ng US ang gera at nagbabanta ng mas malawak na sigalot
Lubos na kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang imperyalistang gubyerno ng US sa pagpapatindi nito sa gera sa Ukraine nang ipinag-utos nito noong nakaraang linggo ang paggamit sa Army Tactical Missile System (ATACMs) na bigay ng US upang sumalakay sa kaloob-looban ng Russia.
Ang utos, na itinabing sa pagbibigay ng “awtorisasyon” na gamitin ang mga sandata ng US, ay mabilis na ipinatupad ng gubyerno ni Zelensky nang tinira nito ng hindi bababa sa anim na long-range missile ang isang pasilidad ng militar sa rehiyon ng Bryansk, higit sa 110 kilometro sa loob ng teritoryo ng Russia. Ayon sa Russia, napabagsak nito ang lima sa anim na misayl.
Sa sumunod na araw, tinira ng Ukraine ng ilang Storm Shadow (SCALP) na misayl na ipinagkaloob ng UK na tumama sa rehiyon ng Kurtsk ng Russia. Bago nito, “pinahintulutan” din ng US ang UK na payagan ang Ukraine na gamitin ang mga misayl na SCALP. Noon ding Nobyembre 20, pinayagan ng gubyerno ni Biden ang Ukraine na gamitin ang mga anti-personnel landmine, mga sandatang ipinagbabawal sa ilalim ng Ottawa Treaty.
Ang ipinag-utos ng US na pagtira ng misayl noong Nobyembre 19 at 20 ay nag-udyok sa Russia na gumanti sa pamamagitan ng pagtira ng mga misayl na “Oreshnik”, isang medium-range na multi-warhead na misayl na hypersoniko noong Nobyembre 21, na tumama sa mga industriya sa rehiyong Dnipro ng Ukraine na gumagawa ng mga misayl. Naniniwala ang mga ekspertong militar na sa paggamit ng Oreshnik na nagdala lamang ng karaniwang warhead kahit may kakayahan itong magdala ng nukleyar, ipinakikita lamang ng Russia ang kanyang kakayahan bilang babala sa US laban sa karagdagang pagpapalala ng gera.
Sa pag-uutos sa Ukraine na tumira ng mga misayl, malinaw na malinaw na ipinakita ng imperyalistang US na ang digmaan sa Ukraine ay isang proxy war na kanilang pinangungunahan laban sa imperyalistang kalaban nitong Russia. Ang pagkahayok sa digmaan ng imperyalistang US ay walang pakundangang nagpapalala sa kaguluhan sa Ukraine at nagtataas sa panganib na tuwirang madawit sa gera ang ibang bansa, kabilang ang US mismo at ang mga kaalyado nito sa NATO.
Patuloy na pinalalawig ng US ang gera at sinasagkaan ang pagkamit ng isang mapayapang resolusyon sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga sandata sa Ukraine at pag-uutos na tirahin ang Russia. Ang digmaan sa Ukraine ay nagdulot ng malawakang pagkawasak, at pagpuksa sa laksa-laksang buhay at pagbalda sa laksa-laksang mga manggagawa at mamamayan ng Ukraine at Russia, na ipinupwesto sa unahang hanay ng magkabilang panig.
Nakikiisa ang Partido at sambayanang Pilipino sa kanilang komun na agarang maipatupad ang mapayapang resolusyon sa sigalot. Dapat muling balikan ng magkabilang panig ang Kasunduang Minsk noong 2015 (ang Minsk II na pinagkasunduan kasama ang Germany at France) na kinabibilangan ng pagkilala sa awtonomiya ng rehiyong Donbass, upang mapayapang sabayang umiral ang Ukraine at Russia.
Nananawagan ang Partido sa mamamayan ng buong daigdig na manindigan laban sa panggagatong ng imperyalistang US ng gera sa Ukraine, pati na sa Middle East, at sa pag-uudyok ng mga armadong sigalot sa Asia, na lumilikha ng panganib ng malawakang apoy ng gera na magdudulot ng malubhang pagdurusa sa mamamayan sa buong mundo.