Pahayag

Pinakamainit na sinasalubong ng PKM-Laguna ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan habang patuloy na isinusulong ang agraryong rebolusyon sa kanayunan!

, ,

Malugod na binabati ng mga balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid sa Laguna ang Oslo Joint Statement na pinirmahan ng dalawang partido sa digmang sibil sa bansa, ang Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kumakatawan sa mga rebolusyonaryo at demokratikong uri’t sektor sa lipunan, laluna sa aming mga magsasaka.

Ang Oslo Joint Statement ay isang mahalagang hakbang tungo sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Lubos na inaasahan naming masang magsasaka na sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayaaan mabibigyang daan ang masinsing pag-uusap hinggil sa pagtataguyod ng mga tunay na repormang agraryo at mga suliraning lumulukob sa aming hapis na kalagayan sa paghahari ng talamak na pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan.

Ang digmang bayan sa bansa na namamayagpag sa loob ng 55 taon sa esensya ay pangunahing digmang magsasaka. Ang daan-taong pag-iral ng pyudalismo sa bansa ang ugat ng aliping katayuan at kawalang katarungan sa hanay ng mga magsasaka. Laganap hanggang sa kasulukuyan ang problema ng kawalan ng lupang sasakahin. Natitipon ito sa kamay ng mga panginoong-may-lupa (PML) na siyang mayor na kumokontrol dito. Sa Laguna, ang isa sa pinakamalaking hacienda ay hawak ng pamilyang Yulo. Ito ay may lawak na 7,100 ektarya at sumasakop sa apat na bayan ng Calamba, Cabuyao, Sta. Rosa, at Biñan. Kontrolado ng uring PML at malalaking burgesya kumprador ang reaksyunaryong gubyerno at sa pamamagitan nito ay natitiyak na papabor at maglilingkod para sa kanilang kapakanan ang mga programa ng reaksyunaryong gubyerno, maging ang desisyon ng mga reaksyunaryong korte. Talamak ang pagpapalayas sa mga magsasaka sa lupain ng mga Yulo alinsunod sa mga anti-magsasakang land-use conversion. Ibinebenta ang lupain sa mga malalaking burgesyang kumprador tulad ng Ayala. Kinukumbert ang mga lupain bilang golf course, subdivision, industrial park, at iba pang komersyal na gamit, ngunit wala itong kapakinabangan sa aming mga magsasaka. Paano kami makapagtatanim sa mga kongkretong kalsada at mga aspalto na tinatayuan ng naglalakihang gusali? Gutom ang aabutin namin kung ito ay magpapatuloy. Katunayan, laganap sa buong probinsya ang kumbersyon ng mga lupain. Sukdulang paliit nang paliit ang matataniman para sa kinasanayan na mga produktong tulad ng palay, niyog, mga prutas at iba pang pagkain. Panahon ng rehimeng US-Duterte prinoyekto na ang pagtatayo ng mga relis hanggang Bicol, ng floating solar panel sa Lawa ng Laguna, ng mga mapaminsalang Dam tulad ng sa Ahunan at sa Belisama, ng mga proyektong ekoturismo, pabahay at iba pangproyekto ng reaksyonaryong gobyerno na umaagaw sa karapatan sa lupa ng libo-libong magsasakang Lagunense. Mas masahol pa, winawasak ng mga proyektong ito ang likas yaman, kalikasan at kabuhayan ng malawak na masa ng mamamayan. Sa ganito, apektado rin ang produksyon sa buong bansa. Subalit ang tugon ng reaksyonaryong gubyerno sa krisis sa kabuhayan ay importasyon ng mga produktong agrikultural na lalong nagpapalugi sa kabuhayan ng mga magsasaka. Ang mga polisiyang may kinalaman sa importasyon ng pagkain tulad ng Rice Tarrification Law ay malaking batong ipinupukpok ng gobyerno sa amin na lalong naglulugmok sa kahirapan. Masyadong mailap kamtin ang mga programa at patakaran na tunay na makapagpapabago sa kalidad ng aming buhay.

Dahil bulok ang mga palisiya ng gubyerno tanging ang lakas ng kilusang masa naming mga magsasaka ang aming sandata upang igiit at ipagtanggol ang aming mga karapatan sa lupa at kabuhayan. Subalit ito ay marahas na sinusupil ng reaksyonaryong mga rehimen noon at magpahanggang sa ngayon. Kaming mga magsasaka ay naging biktima ng mga kalupitan ng mga berdugo ng pasistang naghaharing estado.

Mahalaga sa amin na maging mapagbantay, mapanuri at titiyakin na ang kapakinabangan ng mga magsasaka ay tunay na nangunguna sa proseso ng usapang pangkapayapaan. Hindi na dapat maulit ang panggugulat ni Duterte nang siya ay pataksil na umatras sa pagsulong ng CASER sa nagdaang usapang pangkapayapaan. Matapos nito, naging masaker king si Duterte ng mga pesante. Halos 22 kaso ng masaker sa hanay ng magsasaka ang kanyang isinagawa. Parang kamatayang umiikot at naghahasik ng lagim sa kanayunan. Labas pa rito ang tuloy-tuloy na pambobomba at panganganyon sa kanayunan. Ngayong papasok tayo sa panibagong usapan, alam natin na si Marcos II ay kinatawan at kumakatawan mismo sa interes ng mga naghaharing-uri kaya’t anumang oras ay maaari siyang bumitaw at gayahin ang ginawa ng traydor na berdugong si Duterte.

Tanging ang Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan (BHB) at National Democratic Front of the Philippines ang aming maaasahang nagtaguyod at nakikipaglaban para sa aming interes para sa lupa, karapatan at demokrasya. Ipinapangako naming hindi kami titigil at titiyakin namin ang paglikha ng malawak, malalim at hindi matutuyuang bukal ng suporta para sa sandatahang pakikibaka. Titiyakin naming magmulat, mag-organisa, magpakilos at maramihang magpasampa sa Bagong Hukbong Bayan ng mga pinakamabubuting anak ng magsasaka dahil alam namin na ang demokratikong rebolusyong bayan ay aming digmaan.

Alam namin na digmang bayan ay aming natatangi at di magagaping sandata laban sa pagsasamantalang pyudal at mala-pyudal at sa pagtatagumpay ng rebolusyong agraryo.

Ngayong may pagkakataon upang mabuksan ang usapang pangkapayapaan, nasa mataas na diwa ang hanay ng rebolusyonaryong magsasaka. Nawa ay maging daan ito para lumakas ang kampanya sa pagbabasura ng mga anti-magsasakang palisiya at maisulong ang tunay na reporma sa lupa. Kung matuloy ang usapang pangkapayapaan, hamon sa kilusang magsasakang sabayan ito ng malawakang pagkilos ng mga magsasaka upang ipatambol ang isyu sa kanayunan at labanan ang pandarahas ng AFP-PNP at iba pang alipures ng mga naghaharing panginoong maylupa-kumprador at mga burukratang pulitikong nang-aapi sa amin.

Ang pagkamit at pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo ang kakambal upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon upang makaalpas sa krisis ang bayan at makapagkamit ng kaunlaran at kasaganaan.

May 77 taon nang nagdurusa ang uring magsasaka sa ilalim ng mga rehimen ng republika mula 1946. Kaya malaki ang inaasahan naming mga magsasaka na tunay at sinsero ang pagsusulong ng dalawang panig sa usapang pangkapayapaan tungo sa repormang agraryo. Sa isang banda, patuloy na iaabante ng mga rebolusyonaryong magsasaka ang digmang bayan sa kanayunan dahil tunay na sa armadong pakikibaka lamang at pagdadala ng 12-puntong programa ng NDFP at ng PKM maisusulong ang tunay na reporma sa lupa, gayundin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. ##

Pinakamainit na sinasalubong ng PKM-Laguna ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan habang patuloy na isinusulong ang agraryong rebolusyon sa kanayunan!