Pinakamataas na pagpupugay kay kasamang Isagani 'Ka Ringo' Isita–martir ng Sambayanang Pilipino!

Ipinapaabot ng Apolonio Mendoza Command ang mahigpit na pakikiisa at pakikiramay sa pamilya, kaanak, kasama at sa mamamayang nagmamahal kay Isagani ‘Ka Ringo’ Isita na namartir sa reyd ng magkasanib na elemento ng 59th Infantry Batallion ng AFP at PNP sa Brgy. Lutucan Malabag, Sariaya, Quezon noong madaling araw ng Hulyo 30, 2023.

Pinakamataas na pulang saludo ang iniaalay ng rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ng Quezon sa mabuting anak ng bayan na si Ka Ringo. Hindi matutumbasan ang kanyang naging dakilang ambag sa pagbangon, pagpapalawak at pagpapalakas sa lahatang panig na gawain ng rebolusyon.

Patunay ang naging buhay at kamatayang pakikibaka ni Ka Ringo na walang-kabuluhan ang deklarasyon ng pasistang AFP-PNP na naubos na ang rebolusyonaryong kilusan. Ganito rin ang deklarasyon ni Gov. Helen Tan na “insurgency free” na ang lalawigan.

Ang sumisidhing damdamin ng mamamayan laban sa ugat ng lumalalang krisis sa ekonomiya na nasasalamin sa nararanasan na mataas na presyo ng bilihin, mababang presyo ng produktong bukid at mababang sahod, at tumitinding mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng pasistang AFP-PNP, ang naipunla ni Ka Ringo na siyang yayabong at magpapatuloy ng kanyang sinimulang adhikain. Ito ang dahilan upang ipagpatuloy ng mamamayan ang pagtangan ng armas na nabitawan ni Ka Ringo at magnais na baguhin ang lipunan.

Napatunayan ni Ka Ringo ang kawastuhan at kabuluhan ng armadong pakikibaka at ang tibay ng paninindigan at prinsipyo sa kabila ng mga hirap at sakripisyo. Nabuo at napatunayan ni Ka Ringo ang pagiging tunay na rebolusyonaryo.

Hindi kailanman makakalimutan ng sambayanan ang buhay at kamatayang pakikibaka ni Ka Ringo. Magsisilbi itong inspirasyon upang buong lakas at tapang na suungin ang landas ng makatarungang digmaan na maghahatid sa sambayanang Pilipino tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala at pang-aapi.

Di-Magagapi ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

Mag-Armas! Sumapi sa NPA!

Pinakamataas na pagpupugay kay kasamang Isagani 'Ka Ringo' Isita–martir ng Sambayanang Pilipino!