Pahayag

Pinakamataas na parangal kay Kasamang Basavaraju, martir ng mamamayang Indian, bayani ng pandaigdigang proletaryo

, ,

Mataas na itinatanghal ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga Pulang bandila nito para bigyang-pugay at ibigay pinakamataas na pagkilala kay Kasamang Basavaraju (Nambala Keshava Rao), pangkalahatang kalihim ng Communist Party of India (Maoist), na nag-alay ng sukdulang sakripisyo sa pakikibaka para sa rebolusyonaryong adhikain ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan ng India, at sa adhikain ng pandaigdigang proletaryo.

Kasama ang 26 na iba pang mga rebolusyonaryong mandirigma, si Kasamang Basavaraju, 70, ay pinaslang noong Mayo 21 ng mersenaryong tropa ng pasistang rehimeng Modi sa kagubatan ng Abhujmad, sa hangganan ng mga distrito ng Narayanpur-Bijapur-Dantewada sa estado ng Chhattisgarh.
Gumamit ang mga pasista ng labis-labis na pwersang militar para isagawa ang madugong krimen. Ang masaker ay lansakang pagpapakitang-gilas sa layuning sindakin ang mamamayan ng India, para pwersahin silang yumuko at sumuko sa imperyalismo at terorismo ng estado.

Isinagawa ng pasistang rehimeng Modi ang brutal na maramihag pagpaslang sa layuning mapakita ng lakas, subalit higit lamang nitong inilantad ang kabulukan ng naghaharing sistema at ang lumalalim na pampulitikang krisis nito. Kinakatangian ito ng tumitinding pagkakahiwalay ng rehimeng Modi, na bumaling na sa lantad na paghaharing terorista at tumitinding monopolisasyon sa kapangyarihan, sa desperasyon nitong supilin ang paglakas ng armado at hindi armadong pakikibaka ng malawak na masang Indian laban sa pang-aaping panlipunan at pang-ekonomya.

Sa nagdaang mga taon, inilunsad nito ang Operation Kagaar, isang matinding kampanya ng terorismo, na kinatampukan ng pagpapakat ng puu-puong libong tropang pangkombat at pwersa ng pulis sa desperadong pagtatangka na kamkamin ang lupain ng mamamamayang Adivasi, na tinadtad ng mga kampo at detatsment ng militar, para bigyang-daan ang mga imperyalista at lokal na malalaking kapitalista na dambungin ang yaman ng lupa. Sa utos ni Modi, nagsagawa ang mga reaksyunaryong pwersa ng mga kampanya ng aerial bombing gamit ang mga drone at jet fighter na ibinigay ng US at Israel, at sunud-sunod na mga masaker kapwa sa mga gerilyang mandirigma at sibilyan.

Isang katulad na kampanya ng todong panunupil na idinidirehe ng US ang isinagawa sa Pilipinas, gamit ang parehong estratehiya ng paggamit ng napakalakas na pwersang militar, sa imbing pagtatangka na sindakin ang mamamayan at wakasan ang kanilang armado at hindi armadong paglaban. Saanman isinasagawa ng mga armadong pasista ang kanilang karahasan, kasunod nito ang naglalaway na mga multinasyunal na korporasyong Amerikano, dala ang kanilang mga makina, sabik na sakupin ang mga lupain. Gayunpaman, habang dumarami ang kalupitan at brutalidad ng mga reaksyunaryong pwersa laban sa masang magsasaka at minoryang mamamayan, lalo rin silang kinamumuhian ng mamamayan, na walang ibang pagpipilian kundi ang tumangan ng armas at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at buhay.

Nagbubunyi ang mga pasista sa pagkamatay ni Kasamang Basavaraju. Ang katotohanan, nangangatog ang kanilang tuhod sa takot na ang kanyang kamataya’y mag-uudyok ng galit at magbibigay inspirasyon sa mas malakas na rebolusyonaryong paglaban ng milyun-milyong manggagawa, malaproletaryo, masang magsasaka, mga Adivasi, at iba pang progresibong sektor ng India, na lahat ay pinag-alayan ni Kasamang Basavaraju ng kanyang diwa at lakas.

Lubos na nagkakamali ang pasistang rehimeng Modi at kanyang mga imperyalistang amo sa pag-aakalang ang pagkamatay ni Kasamang Basavaraju ay magdudulot ng pagkatalo ng CPI (Maoist) at ng digmaang bayan sa India. Nang nabubuhay pa, pinamunuan, tinuruan, at pinatatag niya ang libu-libong mga komunistang kadre at rebolusyonaryong mandirigma (Naxalites). Sa kamatayan, ang kanyang kabayanihan at pagkamartir ay tiyak na magbibigay inspirasyon sa mas marami pa na lumaban nang walang takot, at nang may mas matibay na determinasyon na isulong at ipagtagumpay ang digmaang bayan.

Ipinapaabot ng PKP ang taos-pusong pakikiramay sa pamunuan at buong kasapian ng CPI (Maoist) at ng People’s Liberation Guerrilla Army (PLGA) sa pagkawala ng kanilang mahal na kasama at pinuno. Nagpupugay kami sa hindi masusukat na ambag ni Kasamang Basavaraju, lalo na sa pagtatatag ng PLGA noong 2000 at sa pamumuno dito sa maraming tagumpay sa pagbubuo ng mga rebolusyonaryong base at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pwersang pasista. Humalili siya sa pamumuno ni Kasamang Ganapathy noong 2018 at nagsilbi bilang pangkalahatang kalihim mula noon.

Nakikiisa ang PKP sa CPI (Maoist) at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa India sa habampanahong pag-aaalala kay Kasamang Basavaraju. Nagniningning ngayon ang kanyang pangalan sa hanay ng mga imortal na bayani ng epikong digmang bayan sa India at ng mga rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang paglaya at sosyalismo sa buong mundo. Sa pagdadala ng sulo ng armadong pakikibaka sa India, tinulungan ni Kasamang Basavaraju na tanglawan ang landas ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, lalo na sa mga nagdaang dekada ng mga kabiguan at pagkatalo ng mga pwersang sosyalista sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil dito, si Kasamang Basavaraju ay palaging aalalahanin bilang isang bayani ng pandaigdigang proletaryo.

Lubos ang aming tiwala na ang Komite Sentral ng CPI (Maoist) ay agad na pipili ng isang pinunong simpantay ang husay kay Kasamang Basavaraju upang akuin ang hinawakan niyang mga responsibilidad. Kumpyansa kami na sa pagsasama ng karunungan ng mga nakatatandang kadre at ng sigla at talino ng mga nakababatang kadre, mapangingibabawan ng CPI (Maoist) ang lahat ng pagsubok, magpapatuloy sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, at magkakamit ng higit pang tagumpay sa digmang bayan sa India.

Mabuhay ang alaala ni Kasamang Basavaraju, martir ng mamamayang Indian, bayani ng pandaigdigang proletaryo!

Mabuhay ang digmang bayan sa India!

Mabuhay ang People Liberation Guerrilla Army!

Mabuhay ang Communist Party of India (Maoist)!

Pinakamataas na parangal kay Kasamang Basavaraju, martir ng mamamayang Indian, bayani ng pandaigdigang proletaryo