Pinangarap ko ring maging Guro

Pinangarap ko ring maging Guro
Kuwento mula sa iba’t ibang karanasan ni Ka Kobi, Balangay Ka Trina
Kabataang Makabayan Demokratiko a Tignayan dagiti Agtutubo iti Kordilyera

Noong bata pa lang ako, lagi na akong sinasabihan ng mga pinsan at mga kalaro ko na magaling daw akong magturo. Maliban kasi sa bahay-bahayan, ang paborito naming laro noon ay titser-titseran. Laging ako ang titser, dahil ako ang pinakamatanda at ako ang may malakas na kagustuhan na magturo. Nang mag-highschool naman ako, mas lalong lumakas ang kagustuhan kong magturo noong isang araw na nagreport ako.

Sinabihan ako ng teacher ko sa English na magaling daw akong magturo, at bagay ko raw maging teacher. Kaya mula sa murang edad hanggang sa magbinata ako, ang naging pangarap ko na talaga ay maging isang guro.

Fulfilling kasi sa akin ang pagtuturo. Napakasaya kapag alam mong may natututunan ang mga estudyante mo. At mas lalong masaya sa pakiramdam tuwing na-a-appreciate ka ng mga estudyante at nagpapaabot sila ng kanilang mga pasasalamat at pagmamahal. Kaso hindi naman kasi nakakain ang pagmamahal.

Noong magko-kolehiyo na ako, tinanong ako ng aking magulang kung anong kurso ang gusto kong kunin. Awtomatiko ang sagot ko, “gusto ko pong kumuha ng Education.” Agad naman na tumanggi sa aking kahilingan ang tatay. “Huwag kang mag-ti-teacher. Mababa ang suweldo mo kapag nag-teacher ka.” Ang gusto kasi ng tatay, kumuha ako ng engineering o kaya isang pre-med course. Pero ang gusto ko talaga noon ay pagtuturo.

Nagtanong ako sa mga kakilala kong naging guro–mga guro ko noong hayskul at elementarya. Sa aking pagtatanong, napatunayan ko lang na tama nga ang tatay. Mababa ang suweldo ng pagiging guro, mapapribado man o pampubliko. Mas mababa ang makukuha mo kapag teacher ka sa isang pampribadong eskwelahan. Samantala, tatagal ka naman sa isang ranggo na may mababang suweldo kapag naging teacher ka sa pampublikong paaralan. Maliban doon, ang ilan sa kanila ay gumagampan ng lagpas sa hinihingi ng kanilang trabaho–taga-benta ng yema ng school admin, taga-linis ng mga room at kubeta, minsan din ay taga-luto sa canteen. Ang ilan naman, malapit sa kubeta at amoy ang sangsang hanggang sa faculty room. Tuwing eleksyon naman, ang mga public school teachers ay kakarampot ang suweldo sa pagbabantay ng boto. Kaya marami rin sa kanila ang humahanap ng mga sideline maliban sa pagiging guro. Ang iba ay naghahanap ng online jobs pagkatapos ng shift nila. Ang ilan ay nagbebenta ng mga damit, mga pagkain (na sila ang nagluluto), at mga pampaganda.

Nakakalungkot, sa totoo lang. Ang sabi nga ng isa, “Mahal ko ang mga estudyante ko. Kaya nga ako naging teacher e. Pero nung naging teacher ako, para akong naging janitress, chef, nutritionist, yaya, at magulang sa mga anak ng iba. Ang kaibahan nga lang, kaunti ang suweldo. Wala kaming maiuwing matino sa mga anak namin.” Marami ang galit na mga public school teachers dahil matagal na rin nilang hinihiling sa gobyerno ang pagpapataas ng kanilang sweldo. Pero mas marami rin ang malungkot.

Umuwi ako ng bahay nang nanlulumo. Gusto ko ring maging teacher, gusto ko ring magturo. Pero ang sinasabi ng karamihan sa mga guro, mahirap ang maging teacher sa lipunang ito.

Iba ang kinuha kong kurso sa kolehiyo. Related sa medicine ang kinuha ko, ‘yung gusto ng tatay. Masaya siya sa pinili ko, pero medyo ilang ako sa kinuha ko. Makakayanan ko ba ito? Mapapanindigan ko kaya ito?

Nagbago ang lahat nang isang araw ay inaya ako ng isa kong kaibigan na um-attend ng isang diskusyon patungkol sa sitwasyon ng mga guro sa syudad kung saan ako nag-aaral. Doon nila mas napalawig lahat ng mga nararanasan ng mga guro sa syudad, at maging sa mga liblib na lugar. Magkakadugtong ang nararanasan ng mga guro sa lugar na kinalakihan ko sa mga nararanasan ng mga guro sa iba pang lugar. Mula noon, lagi na akong pumupunta sa mga diskusyon–ngayon, hindi na lang tungkol sa mga guro kung hindi tungkol na rin sa kalagayan ng mga manggagawa, mga manggagawang medikal, mga estudyante, mga kababaihan at mga magsasaka.

Pagkatapos kong makapunta sa maraming diskusyon, nabigyan ako ng pagkakataon na muling magturo ng tunay na kalagayan ng lipunan. Nagturo ako sa mga kapwa ko mag-aaral, sa mga komunidad ng mga maralitang lunsod, mga manggagawa sa minahan, mga call center agents, at marami pang iba. Ngunit ang pinakanagustuhan kong karanasan sa pagtuturo ay noong nasubukan kong magturo sa mga komunidad sa liblib na lugar.

Tuwang-tuwa sila na mayroong nagtungong guro sa kanilang komunidad. Dalawa o tatlo lang kasi ang guro sa kanilang barangay. At bago pa makapunta sa partikular na baryo na pinuntahan namin, kailangan pa nilang umakyat sa mga bundok at tumawid sa mga ilog at batis nang tatlo hanggang apat na oras. Kailangan din ng mga guro na magpunta sa iba pang baryo na sakop ng kanilang barangay. Dahil sa ganoong kalagayan, paminsan-minsan lang nakakapunta ang mga guro sa kanilang baryo. At dahil sa hirap, marami na rin ang umalis na mga guro.

Masaya sila, lalo na ang mga bata, noong nagturo kami ng pagbabasa sa Tagalog at English, pagbibilang at pagco-compute at marami pang iba. Nakipaglaro rin kami sa kanila at inilibot kami sa kanilang baryo. Sa aming pagkukuwentuhan, natanong ko, “Kaya sino ang madalas na nagpupunta sa inyo para turuan kayo?” Nagulat ako sa sinabi ng isang magulang, “mga hukbo, mga NPA.”

“Hindi po ba kayo natatakot sa kanila?” ang tanong ko. Ang sagot nila, “Bakit naman kami matatakot kung sila ang nagtuturo sa mga anak namin, at tumutulong sila sa gawaing bukid? Mababait naman sila, ang iba pa nga ay galing dito sa aming baryo. Kung may kinatatakutan kami, mas sa militar yun. Sila ang kumukuha ng mga manok namin. Laging lasing at hindi magalang. Nananakot pa.”

“E ano pong tinuturo sa inyo ng mga hukbo?” halos pabulong kong tanong dahil baka may makarinig.

“Marami,” sabi ng isang magulang. “Tungkol sa magandang produksyon ng palay. Pagbabasa para malaman namin ang laman ng mga pinapapirma sa amin ng mga militar at ng mga kompanyang gustong mag-mina rito. Tinuturuan din nila kami ng mga kanta. At tinuruan din nila kami ng kasaysayan at kung paano ang problema dito sa baryo ay parte ng malaking problema sa buong Pilipinas.”

Nagulat ako sa sinabi ng magulang na iyon. Sa totoo lang, hindi ko inakalang ganoon ang kanilang pagtingin sa NPA. Dahil doon, nagbago rin ang pagtingin ko sa kanila. Marami pa kaming tinuro, at marami ring nai-kuwento ang mga taga-komunidad. Kaya medyo malungkot noong kinailangan na naming umalis para bumalik sa syudad. Doon ko pinangako sa sarili ko na babalik ako muli roon.

Noong pagkabalik ko sa syudad, narekrut ako sa KM-DATAKO, isang organisasyon na sumusuporta sa layunin ng armadong pakikibaka. Naging madali ang pagsang-ayon ko sa pagsali dahil nakita ko na tunay ang kanilang pinaglalaban, at namulat din ako sa mga sinabi ng mga taga-komunidad patungkol sa hukbo. Ako ang nagdesisyon na sumali, at hindi ako na-brainwash. Hindi katulad ng sinasabi ng mga nangba-black propaganda.

Nang magtapos ako sa aking kurso, napagdesisyonan ko na maging isang doktor (na sideline din ang pagtuturo) sa komunidad kung saan kami nagturo. Naging mabigat sa aking tatay ang aking desisyon, pero buo ang loob ko. Gusto kong magbalik ng utang-na-loob sa kailangan kong pagsilbihan–ang mamamayan.

Nang nalaman ng mga kamag-anak ko na pupunta ako sa mabundok na parte ng Pilipinas para mag-doktor, ang sabi nila, “Kaya mag-e-NPA ka na rin niyan?”

Kung dati siguro, ang isasagot ko ay tawa lang.

Pero ngayon, may lakas na loob ko ring masasabi na, “Bakit hindi?”

Pinangarap ko ring maging Guro