Planado at Sistematisado ang sunod-sunod na Sunog na Sumiklab sa Lalawigan ng Cavite

, ,

Mistula naging ‘fire capital’ ang lalawigan ng Cavite dahil sa dami ng naitatalang sunog nitong mga nakaraang linggo. Malaking bilang ng mga nasunugan ay matatagpuan sa syudad ng Bacoor na sinundan sa Imus at Kawit. Sa loob ng dalawang linggo, daan-daang pamilya at indibidwal na ang nawalan ng kanilang panirahan. Kasabay ng pagkawala ng kanilang tahanan, lubha rin na naperwisyo ang kanilang paghahanap-buhay ngayong dumaranas ng matinding krisis ang mamamayan.

Sa syudad ng Bacoor, nagsimula ang unang sunog noong Pebrero 7, 2024 sa baranggay Aniban 2, tabing-ilog. Naitalang 34 pamilya at 138 indibidwal ang nasalanta. Ang sumunod na sunog ay noong Pebrero 10, 2024 sa baranggay Niog, Purok 1, Manggahan St kung saan mahigit 25 kabahayan ang natupok at 91 pamilya ang naapektuhan. Sumunod rito ay ang sunog sa Barangay Niog, Purok 1, Sitio Silangan kung saan hindi bababa sa 50 kabahayan ang natupok ng sunog habang may 88 pamilya ang nasalanta at 1 kaswalti.

Bago pa ito, sumiklab rin ang sunog sa Baranggay Medicion 2-B, Tokwahan sa bayan ng Imus noong Enero 17, 2024 kung saan 11 pamilya ang naapektuhan. Sumunod rito ang sunog sa Baranggay Pulvorista sa Kawit kung saan naitalang 50 pamilya ang nasalanta. Sa mga nasabing baranggay, binubuo ang populasyon nito ng mga maralita. Nagkakataon na ang mga baranggay na ito ay may aktibong laban sa usapin ng kanilang panirikan.

Kaya, ang tumataas na trend ng sunog sa lalawigan ng Cavite, partikular sa syudad ng Bacoor ay bahagi ng dati-nang-galaw o taktikang “hot-demolition” ng nagsasabwatang mga Malalaking Burgesya Kumprador at Local Government Units (LGU) upang pwersahang palayasin ang mga maralita sa kanilang mga komunidad sa layuning mabigyang daan ang mga proyektong pang-imprastraktura na kadalasang pinagmamay-arian ng mga dayuhang namumuhunan at lokal na naghaharing-uri sa lalawigan. Simula pa man noong taong 2016 ay kasangkot na ang pamilyang Revilla sa mararaming isyu ng hot-demolitions sa syudad ng Bacoor. Sa partikular, kasangkot dito ang tinagurian ng mamamayang Kabitenyo na “reyna ng sunog” na si dating Mayora ng Bacoor City na si Lani Mercado-Revilla dahil hindi bababa sa 20 sunog ang naitala sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Mula pa kay Lani Mercado hanggang sa muling makaupo si Strike Revilla, ipinagpapatuloy ang mga malalaking proyekto sa mga baybay-dagat at mga komunidad ng maralita sa tabi ng highway. Ito ang kanilang tinatawag na ‘coastal management area’, ‘urban redevelopment and heritage preservation area’, ‘urban expansion area’ upang itayo ang ‘new urban and commercial district’ na nakabalangkas sa ilalim ng 10-year Comprehensive Land Use Plan (CLUP), 6-year Comprehensive Development Plan ng Bacoor LGU at panibagong nilabas ng rehimeng US-Marcos na Regional Development Plan. Dito, ipinagpatuloy ang mga operasyon ng reklamasyon sa siyam (9) na munisipalidad ng Cavite, ang pagtatayo ng malalaking establisyemento ng Business Processing Outsourcing (BPO) companies at ang pagtatayo ng malalaking road networks at commercial districts. Ngayon, ang mga komunidad sa Niog Bacoor, Tirona Bacoor-Kawit, Imus, Daang Hari Imus-Bacoor, Salitran Dasmariñas at Governors Drive ay mahahagip ng tinatayong Light Rail Transit System (LRT) Line-1 Cavite Extension. Ito ang mga erya kung saan sumiklab ang mga naitalang apoy.

Kaugnay dito ang sunog na sumiklab noong Disyembre 2023 sa Barangay Talaba 2, Bacoor Cavite kung saan apat (4) ang namatay. Kilala ito bilang isa sa mga baranggay na apektado ng Bacoor Diversion Road, Bacoor and Diamond Reclamation Project at maging ng LRT-1 Extension.

Nangangahulugang planado at sistematisado ang mga sunog. Taliwas ito sa ipinapalabas sa publiko na diumano’y isang ‘aksidente’ ang mga nangyayaring sunog. Sa pamamagitan ng pag-iimbestiga ng mga lokal na residente, nakakahanap ng mga galon ng gas at paminsa’y nahuhuli ng mga lokal ang mga may pakana ng pagsiklab ng sunog na gumagalaw sa lalim ng gabi, hapon o tanghaling tapat.

Bagamat nasunugan ng tirahan ang mamamayan, bumabalik ang mga maralita sa kanilang komunidad upang muling magtirik ng kanilang mga kabahayan. Kung kaya’y ginagamitan sila ng samu’t saring taktika para mapalayas. Isa rito ang pagtitirik ng mga private security goons sa loob ng komunidad, panghihimasok ng mga kapulisan sa komunidad, pagbabakod, bayaran para sa pagself-demolish, pagsasara ng mga daanan, drug raid operations at iba pa. Nagdudulot ito ng takot at pangamba sa mga maralita at mga mangingisda.

Dagdag pa rito, ang mga apektadong maralita ay basta-basta itatapon sa malalayong relocation areas na malayo sa kabuhayan ng mamamayan at may mataas na amortisasyon na hindi nakakayanang mabayaran ng mga lumilipat. Tanging ang mga ganid na malalaking dayuhang negosyante at lokal na naghaharing-uri lamang ang makikinabang sa mga proyektong ito. Nakakapagkamal at nakakapangurakot sila ng limpak-limpak na tubo kapalit ng kabuhayan at panirahan ng mamayan.

Ipinapanawagan ng National Democratic Front-Cavite (NDF-Cavite) sa lahat ng mamamayan na labanan at tutulan ang mga nakaambang proyektong sasagasa sa ating mga komunidad. Kasabay nito, dapat nating panagutin ang lahat ng kasangkot sa mga kaso ng hot-demolitions sa ating komunidad at higit sa lahat ay dapat panagutin ang rehimeng US-Marcos sa lahat ng krimen nito sa mamamayan ng Cavite. ###

Planado at Sistematisado ang sunod-sunod na Sunog na Sumiklab sa Lalawigan ng Cavite