Pahayag

Posibleng pagbubukas ng peace talks, tagumpay ng pakikibaka ng mamamayan

, ,

Sinusuportahan ng NDFP-ST at malawak na mamamayan sa rehiyon ang inilabas na Oslo Joint Statement ng Negotiating Panel ng NDFP at katapat nito sa GRP noong Nobyembre 23. Nagpupugay ang NDFP-ST sa kasalukuyang Negotiating Panel ng NDFP at kanilang mga katuwang na nagpursige na mabuksang muli ang peace talks. Ikinalulugod ito ng rebolusyonaryong pwersa sa Timog Katagalugan dahil nilikha nito ang kondisyon para manumbalik ang nabahurang peace talks dahil sa pagsabotahe ng uhaw-sa-dugong rehimeng US-Duterte.

Matatandaang arbitraryong itinigil ng tiranikong rehimeng US-Duterte ang peace talks noong 2017 at idineklarang “terorista” ang CPP-NPA-NDFP. Kasunod nito ang pagbuo ng NTF-ELCAC at pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act (ATA) sa layuning durugin ang rebolusyonaryong kilusan at supilin ang lehitimong pakikibaka ng mamamayan. Lahat nang ito’y ginawa ni Duterte sa kumpas ng imperyalismong US sa pamamagitan ng mga ahente nitong peace saboteurs na sina Delfin Lorenzana, Hermogenes Esperon at Eduardo Año. Bunsod nito, pitong taong napatigil ang peace talks at todo-todong nilabag ng GRP ang karapatang tao ng mamamayang Pilipino sa ngalan ng hibang na kontra-rebolusyonaryong gerang JCP Kapanatagan.

Nakikiisa ang NDFP-ST sa panawagan ng buong rebolusyonaryong kilusan na dapat alisin ng rehimeng US-Marcos II ang mga balakid sa peace talks—ang mga inilatag na bara at tinik ng naunang rehimeng Duterte. Isa sa dapat alisin ang deklarasyong “terorista” ang CPP-NPA-NDFP at mga consultant sa negosasyon. Itigil ang mga hungkag na panawagang “localized peace talks” upang maipwesto ang pormal na usapan ng magkabilang panig. Nararapat ding lansagin ang NTF-ELCAC na nangunguna sa walang patumanggang pang-aatake sa karapatan ng mamamayang nakikibaka, paninirang puri sa CPP-NPA-NDFP at kung gayon, lantarang hinahadlangan ang peace talks. Dapat ibasura ang ATA kasabay ng pagbuwag sa Anti-Terrorism Council.

Gayundin, dapat palayain ang mahigit 800 detenidong pulitikal, laluna ang mga may-edad at maysakit, maging ang mga dinakip na NDFP consultant para makalahok sa prosesong pangkapayapaan. Kaugnay nito, kabilang sa nararapat palayain sina Ernesto Lorenzo, NDFP consultant ng Timog Katagalugan at Jaime “Ka Diego” Padilla, tagapagsalita ng Melito Glor Command-NPA ST. Kapwa sila may edad na at may mga karamdaman kaya’t matagal nang ipinapanawagang palayain alinsunod sa International Humanitarian Law. Dapat ding palayain ang mga biktima ng iligal na pang-aaresto kagaya ng Palawan 6, Romblon 4, Mansalay 2, Atimonan 2, San Juan 3; mga aktibistang sina Alexandrea Pacalda, Erlindo Baez, Jr., Christian Relao at iba pa. Kailangang ibasura ang mga gawa-gawang kaso na nakasampa sa kanila lalo’t karamihan sa mga biktima ay hinuli sa proseso ng kanilang pagsisiyasat at pag-iimbestiga sa mga paglabag sa karapatang tao at kalagayang pang-ekonomiya ng mga magsasaka, manggagawa at katutubo.

Positibong bagay na kinilala sa Oslo Joint Statement na malalim na nakaugat ang armadong tunggalian sa daantaon nang sosyo-ekonomiko at pampulitikang suliranin ng bayan. Napapanahon para muling talakayin ang mga adyenda sa peace talks pangunahin ang Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms, na puso at laman ng negosasyon. Dapat mabigyang kalutasan ang malaon nang problema sa lupa ng mga magsasaka, atrasado at pagkabansot ng ekonomiya ng bansa at iba pang demokratikong kahilingan ng mamamayan.

Buong-buo ang suporta ng rebolusyonaryong mamamayan sa TK sa NDFP negotiating panel at naninindigan itong tanging sila lamang ang karapat-dapat na kumatawan sa kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas sa peace talks. Umaasa ang NDFP-ST na magiging mabunga ang mga panibagong pagsisikap para manumbalik ang peace talks. Dapat tugunan ito ng mamamayan ng ibayong pagpapalakas sa mga pakikibakang masa na nagigiit at nagtatambol ng kanilang demokratikong kahilingan. Magbalik-aral ang mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa sa kasaysayan at halaga ng peace talks sa pambansa demokratikong pakikibaka. Ipatambol ang NDFP 12-point program at ang programa ng demokratikong gubyernong bayan na alternatibo sa kasalukuyang bulok na malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan.

Bagamat paborable ang mga pangyayari para sa panunumbalik ng peace talks, dapat maging mapagbantay ang mamamayan sa anumang tusong pakana ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Hindi dapat mahulog ang rebolusyonaryong kilusan sa kapitulasyon na hangad ng imperyalismong US, ng mga militarista sa hanay ng AFP, GRP at mga kasabwat nitong lokal na malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Ang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay makakamit sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon.###

Posibleng pagbubukas ng peace talks, tagumpay ng pakikibaka ng mamamayan