Statement

Programang SPLIT, huwad na tugon ng rehimeng Marcos sa kawalang lupa

,

Pakitang-gilas ang isinagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Region 8 na pamumudmod ng mga titulo sa mahigit 2,000 magsasaka sa Samar at Northern Samar noong Enero 5. Sa ilalim ng programang Support to Parcelization of Lands for Individual (SPLIT) ng rehimeng Marcos, wala namang bagong lupang ipinamimigay, bagkus pinagbiyak-biyak lang ang mga kolektibong certificate of land ownership award (CLOA) at lalong ibinukas ang mga lupa sa pang-aagaw ng mga panginoong maylupa at korporasyon.

Palusot ng DAR para sa namamayaning problema ng kawalang lupa, walang seguridad sa lupa ang mga magsasaka dahil wala silang titulo. Kaya ang mga lupang dati nang may CLOA at ipinamigay sa bisa ng CARP at CARPER ay muling “ipamimigay” sa pamamagitan ng pagbibiyak nito sa mga indibidwalisadong titulo. At tulad ng mga naunang huwad na programa sa reporma sa lupa, hindi pa rin kasali sa distribusyon ang malalawak na kalupaan at korporasyon ng pinakamalalaking panginoong maylupa. Batay pa lamang rito, malinaw na huwad na reporma sa lupa ang SPLIT.

Ang parcelization na ito, ayon sa DAR, ay para raw mapaunlad ng magsasaka ang kanilang produksyon, dahil maaari na nilang isanla, mapaupa o maibenta ang kanilang lupa kapalit ng pambili ng makina, binhi at abono. Pero kahit wala pang SPLIT, isinasanla, pinapaupahan at binebenta na talaga ng mga magsasaka ang katiting na lupang meron sila, dahil madalas naman silang lubog sa utang sa harap ng barat pagbili sa kanilang produkto, pagkalugi, sunud-sunod na hambalos ng kalamidad at kawalang kumpensasyon o suporta ng gubyerno. Ito ang kalagayang nagtutulak sa kanila na isuko ang kanilang lupa sa mga malalaking panginoong maylupa, komersyante at usurero bilang pambayad-utang. Ito ang dahilan kung bakit walo sa bawat 10 magsasaka sa bansa ang walang sariling lupa, at kung bakit sa Eastern Visayas umaabot ito ng hanggang siyam sa 10 magsasaka.

Sinabi rin mismo ng DAR na ang pagbibiyak ng mga kolektibong CLOA sa mga parsela ay mapanghikayat sa dayuhang mamumuhunan, na ang totoo ay nais kumita mula sa pagtatanim ng mga cash crop. Samantala, hindi nailalaan ang agrikultural na lupa sa pagkaing kailangan ng mamamayan.

Kaya hindi rin nakapagtataka na pinopondohan ng World Bank ang programang SPLIT, bagkus sa anyo ng pautang na kailangan ding bayaran ng Pilipinas sa loob ng 39.5 taon. Ang natitirang 22% ay manggagaling sa DAR, na kung tutuusin ay pinopondohan ng pera ng bayan. Sa esensya, buong babalikatin ng taumbayan ang pagpopondo sa isang programa na humihikayat lang sa pang-aagaw ng kanilang lupa.

Naging sapilitan ang pagpapatupad ng SPLIT; wala itong pagkunsidera sa kagustuhan ng mga benepisyaryo ng CLOA. Sinabi mismo ng DAR-8 regional director Richard Yu na kapag hindi pumayag ang ilang kasapi ng isang kolektibong CLOA na maisali sa parcelization, bibiyakin pa rin ito. Sa ibang bahagi ng bansa, mga sundalo mismo ang nagbabahay-bahay para pwersahin ang mga magsasaka na sumang-ayon sa parcelization. Nire-red tag at pinasusurender ang mga lider-masa na tumutuligsa sa SPLIT. Dahil sa pagkabiyak ng mga kolektibong CLOA, napahihina ang pagkakaisa ng mga magsasaka laban sa mga nais mang-agaw ng kanilang lupa, at gayudin ang mga nakagawiang praktis sa kooperasyon tulad ng bayanihan.

Imbis na sirain ang monopolyo sa lupa na siyang ugat ng kawalang lupa sa bansa, lalo pa itong pinagtitibay ng SPLIT. Dapat itong tuligsain at pursigidong labanan ng masang magsasaka. Dapat nilang palakasin ang kanilang mga asosasyon, labanan ang mga pagtatangkang hatiin ang kanilang ranggo, at sama-samang isulong ang tunay na repormang agraryo.

Sa mga lugar kung saan naitayo ang Pulang kapangyarihang pampulitika, susi ang papel ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa para ipagtanggol ang mga tagumpay ng pakikibakang magsasaka sa larangan ng agraryong rebolusyon, tulad ng libreng pamamahagi ng lupa na naisagawa na sa mga larangang gerilya sa Eastern Visayas. Ang rebolusyong agraryo ang tunay na naglalayong sirain ang monopolyo sa lupa na dahilan ng pananamantala sa mga magsasaka at ng atrasadong agrikultura at ekonomiya ng Pilipinas.

Programang SPLIT, huwad na tugon ng rehimeng Marcos sa kawalang lupa