Pahayag

Pulang saludo kay Jennifer "Ka Jenny" Paclita, kabataang Pulang mandirigma, minamahal na anak ng Samar!

,

Lubos na pinararangalan ng Arnulfo Ortiz Command si Jennifer “Ka Jenny” Paclita, kabataang Pulang mandirigma at minamahal na anak ng masang anakpawis sa Samar. Namatay si Ka Jenny sa armadong labanan kontra sa mga pasistang tropa ng 46th Infantry Battalion at 52nd IB noong Nobyembre 23 sa bayan ng Gandara. Napabibilang siya sa bantayog ng magigiting na martir ng rebolusyong Pilipino na aming pinararangalan sa anibersaryo ng Kabataang Makabayan (KM).

Ipinanganak si Ka Jenny noong Hunyo 19, 2007. Lolo at lola niya ang nagpalaki sa kanya na labis siyang minahal. Gayumpaman, dahil sa kahirapan, kinailangan niyang mamasukan bilang katulong para sustentuhan ang kanyang pag-aaral. Sa kanyang pagsisikap, nakatuntong siya ng Grade 9.

Ngunit patuloy siyang naghanap ng solusyon sa nakikitang kabulukan ng sistema ng lipunan. Hindi naging mahirap para sa kanya na maunaawan ang ugat ng kahirapan at ang demokratikong rebolusyong bayan bilang makatarungang solusyon. Kalaunan ay sumapi siya sa KM. Nang mag-18 anyos, nagdesisyon naman siyang maging Pulang mandirigma ng BHB.

Hindi siya kailanman nagkaroon ng problema sa paninindigan. Nang una siyang mapalaban, matapang niyang sinagupa ang pasistang kaaway. Hindi siya kinakitaan ng takot, sa halip ay nagpaalab pa ang karanasang ito sa kanyang diwang mapanlaban.

Mahigpit na tinunggali ni Ka Jenny ang panghihimok sa kanya ng kanyang pamilya na sumuko. Matibay siyang nanindigan na magpatuloy sa rebolusyon, habang sinisikap na maihabol ang kanyang pamilya sa antas ng pag-unawa niya sa pangangailangan ng armadong pakikibaka. Ilang beses niyang sinulatan ang kanyang ina para ilinaw kung bakit may rebolusyon at kung bakit kailangan ito. Paliwanag niya sa kanyang ina, “Kayo mismo ay biktima ng kahirapan, kaya hindi dapat mahirap unawain ang aking paliwanag. Bakit ako susuko, hindi naman ako kriminal? Dakila ang layunin na palayain ang sambayanan.”

Mahusay si Ka Jenny sa propaganda. Hindi siya mahiyain at madali siyang kinagiliwan ng kapwa kabataan at maging ng mga kasama at masang may edad na. Naging masigasig at masipag siya sa anumang tungkuling iatas sa kanya. Bukas at mapagkumbaba niyang tinanggap ang mga puna at payo sa kanya. Sa isang tulang iniakda niya, ipinakita niya ang malalim na pagsapol at pagkatuto sa esensya ng mga pangaral sa kanya ng mga kasama. Ipinamalas niya ang sumisibol na sigla ng kabataan habang kinikilala at itinagpo ito sa karunungan ng nakatatanda.

Marami ang umiyak at nalungkot sa napakaagang pagpanaw ni Ka Jenny. Sadyang nakapanghihinayang ang kanyang pagkawala, pero hindi nasayang ang kanyang buhay. Bagaman maikli lamang ito sa mundo ay napakabigat ng kabuluhan nito pagka’t inialay sa dakilang pakikibaka ng masang anakpawis na kanyang pinaglingkuran. Maikli man ang panahong iyon, hindi nito matatawaran ang kanyang kadakilaan. Hindi masasayang ang idinilig niyang dugo para sa pagpapalaya ng sambayanan. Sabi pa ni Ka Jenny, ang kabataan ang magpapatuloy sa pagtahak sa landas ng rebolusyon na naunang iginuhit ng matatandang kasama.

Nakikiramay kami sa kanyang pamilya at mga kasama sa pakikibaka. Inaalala namin siya bilang isang masayahin at palakaibigan na kasama. Masakit man ang pagkamatay niya, ang kabayanihan niya ay ‘di mamamatay kailanman. Ang diwa at aral ng kanyang pakikibaka ay hindi namin malilimutan. Sa anibersaryo ngayon ng KM, ang buhay ng kabataang si Ka Jenny ay magsisilbing maningning na halimbawa na ambag ng kabataan sa pagpapalaya ng bayan!

Pulang saludo kay Ka Jenny, para sa iyong makabuluhang paglilingkod sa bayan!

Pulang saludo kay Jennifer "Ka Jenny" Paclita, kabataang Pulang mandirigma, minamahal na anak ng Samar!