Pulang Saludo Para sa Tunay na Hukbo ng Mamamayang Pilipino!
Sa ika-52 na anibersaryo ng NPA, pinagpupugayan natin ang mga martir ng sambayanan na walang pag-iimbot na inalay ang kanilang buhay para sa pagpapalaya ng bayan. Ipinagpupunyagi natin ang mga pulang kumander at mga mandirigma na patuloy at matapang na nakikibaka para sa ating dakilang misyon na ipagtatagumpay ang digmang bayan!
Sa loob ng limampu’t dalawang taon ay hindi kailanman nagpatigil ang NPA, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa pagtatanggol sa mamamayan at paglaban sa mapaniil na sistema. Malinaw na nailatag ang pinagkaiba ng NPA sa hukbo ng reaksyunaryong gobyernnong AFP at PNP. Ang NPA ay nagsilbi hindi para sa interes ng mga naghaharing uri, kung hindi buong panahon itong nag-oorganisa, kumikilos at lumalaban para sa interes at kagalingan ng mga Pilipinong matagal nang pinagsasamantalahan. Dahil sa ganitong katangian, hindi nakakapagtaka na ito ay maging benepisyaryo ng walang hanggang pagtitiwala, pagmamahal at suporta ng sambayanang Pilipino. Ipinakita rin nito ang walang kapares na pagpapatupad ng mulat na disiplina sa harap ng hirap at pasakit alang-alang sa buong pusong paglilingkod sa masang anakpawis. Ito ang ilan lamang sa mga katangian ng isang hukbong hindi kailan man matatalo ng mga bayarang sundalo ng reaksyunaryong pamahalaan.
Sa ilalim ng teroristang rehimen ni Duterte, lalong naghihikahos ang mamamayan sa mabilis na lumalalang krisis sa kalusugan, ekonomya at sa rumaragasang pasismo ng estado. Di nalalayo sa buong bansa, isang taon matapos magsimula ang pandemya ay labis pa rin ang kahirapang dinaranas ng mga mamamayan sa kabundukan ng Kordilyera. Gutom ang dinaranas ngayon ng mga magsasakang nalugi ang lupang sakahan dahil sa lockdown at sunod-sunod na kalamidad. Maraming manggagawa namang kung hindi nawalan ng trabaho ay nanatiling ipinagkakasya ang kakarumpot na kita sa araw-araw. Hindi na nga sapat ang kinikita ay ipinapagkait pa ng gobyerno ang ayudang nararapat sa kanila sa kabila ng limpak limpak na utang.
Patuloy ang karahasang inihahasik sa mga komunidad upang bigyang daan ang mga mapandambong at mapanirang proyekto ng mga malalaking dayuhan at lokal na kapitalista. Niloloko na lang din ng AFP at PNP ang kanilang mga sarili sa pwersahang pagpapasuko ng mga sibilyan na kasapi daw ng NPA sa ilalim ng barangay development program ng NTF-ELCAC na sa esensya ay pangungurakot ng mga opisyal ng pamahalaan. Imbis na tugunan ang mga kagyat na pangangailangan ng bansa sa bakuna at suporta ay prayoridad ng rehimeng Duterte na siguraduhing mananalo sa eleksyon ang kanyang mga kasapakat na kaparehong tuta ng mga imperyalista.
Sunod-sunod din ang pagpopost ng black propaganda sa social media maging sa iba’t ibang lugar dito sa rehiyon upang sirain ang pangalan ng CPP-NPA-NDF. Sa Kamaynilaan, gumamit pa ng mga kabaong para siraan ang rebolusyonaryong kilusan. Ginamit pa ang mukha at pangalan ng isa sa mga martir ng Hukbo sa Ilocos Sur noong nakaraang taon. Sa syudad ng Baguio, naglunsad ng “protesta laban sa CPP-NPA” ang mga binayaran nilang puwersa. Ngunit wala nang maloloko ang rehimeng Duterte dahil hindi sapat ang mga tarpaulin at mga poster para sirain ang tiwala ng masa sa tunay na hukbo ng mamamayan. Imbes na madurog ay patuloy na lumalakas ang ating hukbo dahil sa pagkalantad ng kabulukan ng estado at mas papalalang sitwasyong nagtutulak sa sambayanang Pilipinong magrebolusyon.
Nararapat ang tema ngayong taon na hindi pagagapi dahil nakakatiyak tayo na ang buong rebolusyonaryong kilusan ay hindi pagagapi at sa totoo’y magpapatuloy na biguin ang reaksyunaryong rehimen. Ang kadakilaan ng bawat martir at ng mga pulang kumander at mandirigma ang siyang nagsisilbing inspirasyon sa pagpapatuloy at ubos-kayang pagpapatupad ng ating rebolusyonaryong tungkulin.
Hamon sa lahat ng kabataan na patuloy na lumaban at manindigan sa kabila ng papatinding krisis at pasismo.
Ating tupdin ang ating makasaysayang papel sa pagbabagong panlipunan at ilaan ang buong lakas, talino at enerhiya sa pagsapi sa NPA! Masikhay at sama-sama nating kamtin ang ibayo pang mga tagumpay!
Pinakamataas na pagpupugay sa 52 taon ng di-matatawarang paglilingkod sa sambayanan.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!