Pulang saludo sa dakilang rebolusyonaryong buhay ni Ka Maria Malaya!
Taas-kamao at buong pusong nagpupugay ang MGC-BHB TK kay Myrna Sularte, mas kilala bilang Ka Maria Malaya, isang magiting na Pulang kumander at tapat na kadre ng PKP na namartir sa isang labanan sa Barangay Pianing, Butuan City noong Pebrero 12. Siya ay Kagawad ng Komite Sentral ng PKP, kasapi ng Kawanihang Pampulitika at Kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Northeast Mindanao at Komisyon sa Mindanao. Ibinigay niya ang higit 50 taon ng kanyang buhay sa rebolusyon—isang panahon ng walang patlang at walang pag-iimbot na paglilingkod sa interes ng masang api’t pinagsasamantalahan.
Nararapat bigyan ng pagkilala ngayong Buwan ng Kababaihan si Ka Maria at lahat ng mga huwarang babaeng nag-alay ng kanilang lakas, talino at sariling buhay sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Sa nakaraang taon, kabilang dito ang mga martir ng TK na sina Junalice Isita, Gladys Cassandra Mendoza, Rosemarie Gayadan at Divine Sureta. Bilang mga babae, nilampasan at binasag nila ang ipinataw na kaapihan at mababang pagtingin ng patriyarkal na malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino upang abutin ang kanilang pinakamataas na potensyal bilang mga indibidwal at rebolusyonaryo. Kahanay sila ng mga bayani tulad nina Tandang Sora at Gabriela Silang na habambuhay nang nakaukit ang kadakilaan sa kolektibong pag-alaala ng sambayanang Pilipino.
Siksik, liglig at umaapaw sa inspirasyon ang iniwang buhay at pakikibaka ni Ka Maria. Nagmula sa isang pamilya ng panggitnang magsasaka sa Agusan del Sur, Mindanao, nabuksan ang kanyang mata sa matinding kabulukan ng lipunang Pilipino sa panahon ng malagim na paghahari ni Marcos Sr. Sapul nang mamulat at maorganisa, hindi siya tumigil sa pagtupad ng mahahalagang tungkulin sa rebolusyon sa kanayunan man o kalunsuran. Kumilos siya mula sa kanluran hanggang hilagang silangang bahagi ng Mindanao. Kabilang siya sa mga namuno sa pagputok ng mga kilusang masa para sa pagtatanggol ng lupang ninuno ng mga Lumad mula sa mapangwasak na mina at iba pang proyekto; sa mga kampanyang militar ng Bagong Hukbong Bayan upang parusahan ang mga gahamang kaaway sa uri at pasistang tropa ng GRP; at sa pagpapalakas at pagpapanday ng rebolusyonaryong baseng masa sa gitna ng brutal na gerang supresyon na inilulunsad ng imperyalismong US at GRP laban sa PKP-BHB-NDFP.
Kahanga-hanga nang maging bahagi sa pagkakamit ng lahat ng tinuran at sa maniningning na tagumpay sa Mindanao na nag-ambag sa pagsusulong ng rebolusyon sa pambansang saklaw, ngunit higit na naging kahanga-hanga ang paggampan dito ni Ka Maria dahil ginawa niya ito sa harap ng mga personal na karamdaman at pagsubok. Higit dalawang dekada niyang pinakitunguhan ang sakit na kanser at mga tinamong sugat sa mga labanan kasabay ng pakikihamok sa pasistang kaaway at tuluy-tuloy na pagdidirehe sa pakikibakang masa. Itinaguyod niya rin ang isang rebolusyonaryong pamilya katuwang ang kabiyak na si Jorge “Ka Oris” Madlos at sa katunaya’y nagtagumpay na isalin ang diwa ng rebolusyonaryong pakikibaka sa kanilang salinlahi. Sa panahon ng pagkaulila dahil sa kalupitan ng estado kay Ka Oris at kanyang anak, hindi nanaig ang pighati, bagkus patuloy na nagningas ang apoy ng paglaban sa kanyang dibdib. Hanggang sa huling sandali, pinanindigan ni Ka Maria ang kawastuhan ng pinili niyang buhay at bokasyon.
Mahal na mahal at itinatangi ng katutubong Lumad, masang magsasaka, manggagawa at iba pang aping uri’t sektor lalo ng mamamayan ng Mindanao si Ka Maria dahil sa kanyang dalisay na paglilingkod sa kanila. Sa laksang mamamayan at sa mga Pulang mandirigmang matagal niyang kapiling ay nagsilbi siyang ina, guro, kaibigan, tagapagtanggol at matatag na pinuno. Tunay na mahirap punan ang puwang na kanyang iniwan sa puso ng mamamayan, ngunit ang kawalang ito ay hindi kailanman magiging dahilan upang tumigil o magupo ang rebolusyon. Hanggat nananatili ang mga kundisyon ng pang-aapi’t pagsasamantala, hindi papanaw ang himagsikan, sa halip ay yayabong sa ibayong pagtindi ng krisis at pandarahas ng estado.
Mangmang ang reaksyunaryong estado sa pagsasabing ang pagkamatay ni Ka Maria ay lilikha ng “vacuum” sa pamumuno at dudulo sa pagwawakas ng rebolusyon. Mayroong tatangan sa mga iniwang tungkulin ni Ka Maria at sa napakarami pang hamon na dapat batahin sa yugtong ito ng pagwawasto ng rebolusyonaryong kilusan. Umusbong na ang mga bagong lider at ibayong dumarami ang aping mamamayang nahahamig na lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon. Kasama rito ang mga babaeng doble ang pasakit kaya’t doble rin ang motibasyong isulong ang rebolusyon upang malikha ang isang tunay na makatarungang lipunan.
Muli, ngayong Buwan ng Kababaihan, itaas ang mga nakakuyom na kamao at mga hawak na baril sa pagbibigay ng Pulang saludo kay Ka Maria at sa lahat ng babaeng rebolusyonaryong martir.
Mabuhay ang rebolusyonaryong kababaihan!