Pahayag

Pulang saludo sa rebolusyonaryong kababaihang Pilipino! Isulong ang digmang bayan tungo sa pagwawakas sa lahat ng anyo ng pang-aapi!

Sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, binibigyang-pugay ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan sa Eastern Visayas ang rebolusyonaryong kababaihang Pilipino. Saludo kami sa matapang nilang pagpupunyagi sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka, na siyang tanging tatapos sa burgis-pyudal na kulturang ipinapataw ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Pinakamataas na saludo ang ibinibigay natin sa Pulang mandirigmang kababaihan na inialay ang buong buhay sa paglilingkod sa bayan, tulad nina Wilma Austria (Ka Bagong Tao), Helenita Pardalis (Ka Elay), Maria Norie Cedang Adelantar (Ka Tutri), Delia Rosco Rotamula (Ka Kanay), Ka Kara, at Ka Ali. Kumawala sila sa mga kahong itinatakda ng lipunang patriyarkal, at isinulong ang pakikibaka para palayain hindi lang ang mga babae kundi ang lahat ng mamamayang api at pinagsasamantalahan. Gunitain natin ang makulay na buhay nila at ng lahat ng kababaihang ipinaglaban ang pantay na karapatan at kalayaan mula sa kapitalismo at imperyalismo.

Ang kanilang militanteng diwa at rebolusyonaryong optimismo ay naipamana nila sa bagong dugo ng rebolusyonaryong kababaihan sa rehiyon. Sa loob at labas ng BHB, patuloy na binibigo ng kababaihan ang todo-gyera ng rehimeng US-Marcos. Matapang na itinatakwil ng mga Pulang mandirigma ang huwad na kapayapaan ng programang amnestiya, gayundin ang kampanyang pagpapasuko na tumatarget sa mga pamilya at kabataan.

Bukal sa loob ang pagsuporta ng kababaihan sa rebolusyonaryong pakikibaka dahil dito, natatamasa nila ang pantay na pagtingin at nakalalahok sila sa pagbabago ng lipunan, hindi tulad ng sistemang malakolonyal at malapyudal na itinuturing sila bilang mahina, alipin o kalakal.

Habang tumitindi ang pang-aapi at pagsasamantala sa kababaihan, paparami sa kanila ang nahihikayat na tanganan ang armas at isulong ang digmang bayan. Dapat nilang palakasin at palawakin pa ang kanilang organisadong hanay, at balikatin ang mas mabibigat na tungkulin para ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan at sosyalistang konstruksyon tungo sa pagwawakas sa lahat ng anyo ng pang-aapi.

Kababaihan, lugar mo ay sa rebolusyon! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at baguhin ang lipunan!

Pulang saludo sa rebolusyonaryong kababaihang Pilipino! Isulong ang digmang bayan tungo sa pagwawakas sa lahat ng anyo ng pang-aapi!