Gunitain ang ika-51 taon ng deklarasyon ng Batas Militar, Puspusang labanan ang pasismo at terorismo ng pahirap na estado!
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas-Timog Katagalugan (PKP-TK) sa lahat ng makabayan, demokratikong pwersa at buong sambayanang Pilipino sa paggunita ngayong Setyembre 21, araw ng deklarasyon ng Batas Militar na naghudyat sa 14-taong madilim na kasaysayan ng pasistang paghahari ng diktadurang US-Marcos Sr.
Taas-kamaong nagpupugay ang PKP-TK sa lahat ng mga martir at sa mamamayang nakibaka sa kalupitan ng Batas Militar. Nakaukit sa bato ang maningning nilang kasaysayan ng paglaban at di malilimutan ang kanilang mga sakripisyo at pag-aalay ng buhay gaano pa man ito pilit burahin ng pangkating Marcos-Duterte sa kolektibong gunita ng mamamayang Pilipino na nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Hindi dapat palampasin ang imbing pakana ng rehimeng US-Marcos-Duterte sa panibagong distorsyon sa kasaysayan ng bansa sa inilabas na kasulatan ng Bureau of Curriculum Development (BCD) na palitan ang “Diktadurang Marcos” sa kinapon na salitang “diktadura” na lamang sa nirebisang kurikulum sa Araling Panlipunan para sa mga mag-aaral ng Grade 6. Layunin nitong abstraktong pag-aralan at labusawin ang konseptong diktadura para itanghal na bayani si Marcos Sr. at ipawalang-sala siya sa madugong krimen ng pagpatay, pagmasaker, pagbilanggo, pagtortyur, sapilitang pagwala at iba pang paglabag sa karapatang tao at pinakamalaking kaso ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Malaking insulto at pagbudbod ito ng asin sa sugat ng libu-libong kapamilyang biktima ng mga Marcos na hanggang ngayon ay hindi pa nakakamit ang tunay na hustisya.
Napakahalagang muli’t muling alalahanin ang mapait na karanasan ng bayan sa ilalim ng Batas Militar at gawing tuntungan sa patuloy, puspusan at lahatang-panig na pagtakwil at paglaban dito. Walang ipinagkaiba kung umastang diktador ang mga batang Marcos at Duterte sa kani-kanilang pasistang ama. Nagkakaisa sila sa pagpapatupad ng walang habas na pasismo at panlilinlang laban sa mamamayan.
Todo nilang ginagamit ang mga instrumento ng makauring panunupil ng estado — AFP-PNP-CAFGU, korte, bilangguan, at mga batas — upang patahimikin, sindakin at kontrolin ang mamamayan. Tampok ang mga batas na Anti-Terrorism Law, National ID System, Sim Card Registration Act para ipatupad ang kamay-na-bakal at patatagin ang surveillance state. Hindi maitago ang pagkainip ni Marcos Jr. sa patuloy na pagkabalam ng pag-isyu ng PSA ng digital ID cards sa buktot na pagdadahilan na para umano sa mabilis na serbisyo sa mamamayan.
Nauna pa rito ang pag-institusyunalisa ng paghaharing civilian-military junta sa anyo ng NTF-Elcac na gumagamit ng whole of nation approach na tahasang nakapangingibabaw sa sibilyang awtoridad at malaganap na ginagamit ang red-tagging at/o terrorist-tagging laban sa mga kritiko ng rehimen, progresibo at mga demokratikong pwersa. Sa tabing nito, baluktot na ikinakatwiran ang walang habas na militarisasyon sa kanayunan maging sa kalunsuran at malawakang kampanya ng pekeng pagpapasuko sa sibilyang populasyon.
Habang ang mamamayan ay sadlak sa labis na kahirapan at kagutuman, garapalan at walang kabusugan nilang ibinubulsa ang pondo ng bayan. Ang napakalalaking confidential & intelligence funds na kinokopo ng mga opisina ng presidente, bise presidente at maging ng iba pang mga ahensya gaya ng DepEd, DILG, DND at iba pa habang higit na binabawasan ang mga inilalaan na pondo sa mga batayang serbisyong panlipunan ay tanda ng sobrang pagkabulok ng pasistang estadong malakolonyal at malapyudal.
Talamak din ang pagiging utak diktador at korap sa loob ng reaksyunaryong gubyerno na kamakailan ay nagpahayag na huwag nang ipaalam sa publiko ang mga anomalyang nadiskubre ng Commission on Audit (COA) sa mga paggamit ng pampublikong pondo ng mga ahensya ng gubyerno at maging sa malisyosong paggamit ng confidential funds para pagtakpan ang mga kalokohan at pagkagahaman ng mga ito. Sa panahon ni Marcos Jr, sunod-sunod ang mga desisyon ng reaksyunaryong korte sa pag-abswelto sa mga kaso ng pandarambong ng pamilyang Marcos at kanilang kaalyado. Walang-kahihiyang ipinagpatuloy rin ni Marcos Jr. ang tatak ng labis na paggasta para sa maluluhong byahe at piging ng inang si Imelda.
Katulad ng kanyang amang diktador na itinalaga ang sarili bilang kalihim ng Department of National Defense upang mapalakas ang kontrol sa armadong pwersa, hinawakan naman ni Marcos Jr. ang Department of Agriculture para tiyakin diumano ang seguridad sa pagkain. Sa halip na malutas ang malawakang kagutuman sa bansa, higit pang namaluktot sa gutom ang masang anakpawis sa kanyang mga patakarang neoliberal na labis na nakasalig sa importasyon ng mga yaring produkto at pag-eeksport ng mga hilaw na materyales at semi-manupakturang produkto. Dahil dito, nabansagan ang Pilipinas bilang nangungunang bansa na nag-iimport ng bigas. Nahigitan pa nito ang China na hindi hamak na mas malaki ang populasyon kaysa ating bansa.
Nahaharap ngayon ang bansa sa ibayong krisis at ligalig dahil sa pagsunod ng rehimeng Marcos II sa dikta at imposisyon ng imperyalistang globalisasyon. Sumasawsaw naman si Imee Marcos sa pagsasabing dapat nang ipataw ang batas militar para maresolba ang krisis sa pagkain.
Samantala, dismayado na ang masang magsasaka sa kawalan ng ayuda at unti-unting pagpatay ng lokal na produksyon. Sa halip na isaayos ang bagsak ng agrikultura sa bansa, inuna niya pang protektahan ang dayuhang importer at mga malalaking kumprador-panginoong maylupa na sangkot sa smuggling at hoarding ng bigas na kumikita ng limpak-limpak.
Insulto naman sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan ang kakarampot na inaprubahang P35 na pagtaas sa minimum wage, napakalayo sa hinihingi nilang dagdag na P750. Sa harap ng tumitinding kahirapan dulot ng hindi mapigilang pasirit ng presyo ng bigas, petrolyo at serbisyo, walang babaguhin ang limos ng gobyerno sa mahirap pa sa dagang pamumuhay ng masang manggagawa.
Dahil sa makauring galit at pangkamuhi ng pamilyang Marcos at mga kroni nila sa anti-diktadura at demokratikong pwersa na nagpatalsik sa kanila sa kapangyarihan, gigil na gigil siyang tapusin ang rebolusyonaryong kilusan at gawing “insurgency free” ang buong bansa sa loob ng kanyang termino.
Ngayon pa lang, dapat nang itigil ni Marcos ang kanyang pangarap na wakasan ang “insurhensya” sa bansa. Noon ngang maliit at mahina pa ang rebolusyonaryong kilusan ay bigo ang kitlin sa usbong na kampanya ng kanyang ama, ngayon pa bang malalim nang nakaugat sa masa ang marami at matibay na muog na kilusan sa buong kapuluan?
Ang hambog na deklarasyon ng reaksyunaryong estado ng estratehikong tagumpay laban sa rebolusyonaryong kilusan at pag-anunsyo nitong tuldukan ang lokal na armadong tungalian ay hudyat ng higit na pagtindi ng pasismo at terorismo laban sa mamamayan. Pangita kung paano labis na nangangayupapa ang rehimeng Marcos-Duterte sa imperyalismong US para makakuha ng ayuda at pondo sa kontra-rebolusyonaryong digma, kapalit ng pang-ekonomyang interes at hegemonya sa Asia-Pacific upang palibutan ang katunggaling imperyalistang China.
Ito ang mukha ng “bagong lipunan” ng isang Marcos, isang gubyernong nagsisilbi para lamang sa kanilang among imperyalismong US at mga kauri sa naghaharing paksyong Marcos-Arroyo-Duterte para sa pagpapalawak ng kapangyarihan, pansariling pagpapayaman, luho’t kaligayahan sa harap ng walang kaparis na kahirapan at kaapihan ng mamamayan.
Nanawagan ang PKP-TK sa lahat ng anti-imperyalista, demokratikong pwersa at sa buong sambayanan na lahatang-panig na lumaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan at interes. Makatarungan ang inilulunsad nating digmang bayan para biguin ang teroristang pang-aatake ng pasistang estado. Pinatunayan ng matagumpay na taktikal na opensiba ng New People’s Army sa Quezon nitong buwan, na makalipas ang tatlong buwan na deklarasyon na “insurgency free” na ang lalawigan, ay hindi kailanman nagmaliw ang suporta ng masa sa kanilang Partido at Pulang hukbo.
Tiyak tayo na lagi’t laging maaliwalas ang kinabukasan. Sa gitna ng mga balakid sa ating daan, determinado ang Partido, Hukbong Bayan at mamamayan na maninidigan at ipagtagumpay ang rebolusyon.
Ito ang hustisya na hinihintay ng sambayanang Pilipino upang pawiin ang bangungot na dala ng Batas Militar.###