Pahayag

Rebolusyon ang tanging solusyon sa korapsyon! Kabataang batangueño, digmang bayan ay isulong!

,

Sa ika-61 taon ng Kabataang Makabayan, patuloy kaming magpupursige para hamigin ang puu-puong kabataan na tumindig para igiit ang kanilang interes at kapakanan, itaas ang kanilang kamalayan at tupdin ang malalaking tungkulin at hamon sa makabagong panahon.

Sa diwa ng kilusang pagwawasto, sa tanglaw at inspirasyon ng tagapagtatag ng Kabataang Makabayan na si tagapangulong Jose Maria Sison, determinado kaming mahigpit na hawakan at isabuhay ang diwa na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

Hindi titigil at matatapos sa walkout ng libu-libong estudyante sa mga eskwelahan at paghugos sa lansangan ang pagtatambol sa kawalang malasakit at lansakang kapabayaan ng rehimeng US-Marcos II. Hindi titigil ang Kabataang Makabayan ng Batangas para isulong ang interes ng mga kabataan at iba pang aping uri at sektor, at tiyakin ang maaliwalas na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

Sa nagdaang mga buwan, muling nagmarka sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino at ibayong dagat ang pagbulwak ng malawak at malalaking pagkilos. Mula sa kabataang estudyante na napukaw, naorganisa at napakilos para igiit, singilin, patalsikin at ikulong ang hari at reyna ng korapsyon na sina Ferdinand Marcos Jr at Sarah Duterte at marami pa nilang kasapakat. Mga kapwa mandarambong at kurakot sa bilyun-bilyong pisong kabang-yaman ng bayan. Dahil dito tumitindi ang pangamba ngayon ni Marcos Jr at Sarah Duterte.

Malaki ang magiging papel ng mga kabataang Batangueño para tuluy-tuloy itong kalampagin, labanan at papanagutin sa kanilang pagkakasala sa taumbayan. Silang naglulustay, nagtatampisaw sa karangyaan at nagliliwaliw habang ang mga mamamayang nagpapagal at syang lumilikha ng yaman ay sobrang naghihikahos at nagugutom.

Sa Batangas, naglipana ang iba’t ibang isyu ng pangangamkam ng lupa. Pagpapalit-gamit para sa mga negosyo at libangan na magsisilbi lamang sa mga naghaharing uri tulad nina Henry Sy, pamilyang Roxas at iba pa. Katumbas nito ay mapapalayas ang libu-libong mamamayan sa malalawak na lupain. Hindi ligtas dito ang napakaraming kabataang naninirahan at nagsasaka sa lupa. Isa din ito sa madalas na maapektuhan ng mga kalamidad, bagyo at habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha kagaya ng naganap sa bayan ng Laurel, Lemery at Agoncillo.

Resulta nito ang papadaming mga kabataan na hindi na nakakapag-aral o kaya’y makakapag aral, pero hindi na makakatapos. Napipilitan silang huminto dahil sa sobrang hirap ng buhay.

Sa halip na dagdagan o palakihin ang pondo sa edukasyon ay inilaan ito sa DPWH para mas mabilis na makurakot ng mga buwaya sa gubyeno kasabwat ang malalaking kontraktor katulad ng maraming kumpanya ng mag asawang Discaya, at iba pa,

Inilantad kamakailan ni AKO BICOL Party list representative Zaldy Co sa kanyang inilabas na video na tahasang itinuro mismo ang pangulo na nag-utos ng pag insert ng halagang 100 bilyon mula sa unprogrammed fund katuwang si DBM Sec Pangandaman, House Speaker Martin Romualdez at iba pa.Lahat ng ito ay napunta sa kanilang bulsa.

Sabi nga ng mga matatanda, “Walang baho ang hindi mabubunyag”. Bulok na bulok na ang kanyang gubyerno sa pagkakalantad sa maanomalyang flood control projects. Nagkukumahog mismo ngayon si Marcos Jr para iligtas ang kanyang sarili at para pagtakpan ang kanyang kasalanan at ibintang sa iba upang matapos niya ang kanyang termino at makapangulimbat pa ng dagdag na pondo ng mamamayan hanggang 2028.

Malinaw ang tamang landas na dapat tahakin ng mga kabataan. Tularan ang panata nina Gat Andres Bonifacio at ng mga kabataang martir ng Batangas at iba pang martir ng rebolusyon! Dinilig ng kanilang sariling dugo ang lupa ng ating probinsya. Sila ang panandang-batong nakaukit na sa kasaysayan.

Panahon na upang dumaluyong at tahakin ng makabayang kabataan ang kanayunan. Buong panahong isanib ang sarili at diwa sa pangunahin at pinakamataas na antas ng pakikibaka, ang armadong paglaban.

Maging mapangahas at mahigpit na hawakan ang sandata na tanging lulutas, gagapi at magpababagsak sa sistemang mapanupil at mapang-api.
Likhain ang tunay na malaya at maaliwalas na bukas hanggang sa ganap na tagumpay!

Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mag-armas at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Rebolusyon ang tanging solusyon sa korapsyon! Kabataang batangueño, digmang bayan ay isulong!