Pahayag

Rice Liberalization Law o RLL Pamatay na Saksak sa Magsasaka at Mamamayan at Lokal na Produksyon ng Palay

,

Ipinakita ng inutil at ilehitimong pangulo na si Marcos Jr. sa kanyang huling biyahe sa Vietnam na wala siyang ibang alam sa paglutas sa krisis sa bigas ng bansa kundi ang importasyon. Sinasangkalan din ni Marcos Jr. ang di maampat na pagtaas ng presyo ng bigas ng dahil sa El Niño. Walang maaasahan kay Marcos Jr na tagasunod at tagapamandila ng patakarang neoliberal. Dapat siyang singilin at papanagutin gayundin ang kanyang mga sinundang rehimen sa pagpapakatuta sa imperyalismo.

Sa pakanang importasyon, kakapal lalo ang bulsa ng mga kababata at napapaborang negosyanteng importer at mga komersyante na malapit kay Marcos Jr at Kalihim ng DA sa importasyon ng milyong tonelada ng bigas. Ganoon din, ang dati nang barat na presyo ng palay sa farmgate ay tiyak na bababa dahil sa pagbaha ng imported na bigas sa bansa. Inabandona ng gobyerno ang tungkulin nitong bilhin ang palay ng magsasaka at ipinasa sa mga pribadong negosyante ang pamimili ng palay. Sinasalamangka naman ng mga komersyante ang presyo ng bigas at palay sa merkado. Sa Laguna, nasa ₱15-17 ang bili sa palay ng mga magsasaka habang ₱14-15 sa Mindoro. Sa sobrang pagkalugi sa bentahan, may mga kaso sa Mindoro kung saan umaabot lamang sa ₱968 ang netong kita ng magsasaka sa apat na buwan, katumbas ng ₱12 kada araw.

Kapos sa malayong tanaw ni Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagpapahilab ng importasyon ng bigas, band aid na solusyon ito sa pamalagiang krisis ng bigas. Lagpas pa sa kamangmangan ang pagsalig sa importasyon para tugunan ang kagutuman at kakulangan ng bigas sa bansa. Dulot ng neoliberal na patakaran ng imperyalismo ang kawalang-kontrol na pag-iimport ng mga produktong agrikultural na nagpapabagsak nang labis na presyo ng lokal na produktong butil at bumabali sa gulugod ng lokal agrikultura. Tinatanggalan nito ng sariling kakayahang magpaunlad ng produksyon ng palay ang sariling bansa para buu-buong umasa sa imperyalismo.

Sa loob ng limang taon, ang RLL ay naging pasakit at pasang krus ng mamamayan sa pagsirit ng presyo ng bigas at nagpabagsak na kabuhayan ng mga magsasaka sa palayan at mga maliit na negosyante-magtitingé. Pakitang taong nilutas ng rehimen ni Marcos Jr sa pamamagitan ng pagtatakda ng price cap ngunit hindi ito naituluy-tuloy dahil kapos na kapos ang ayuda at umangal na ang maliliit na negosyanteng Pilipino kabilang ang mga magtitingé.

Aabot sa ₱92 bilyon ang nawala sa produksyon ng palay sa loob ng 3 taon sa bansa bunga ng napakataas na gugulin sa produksyon na ₱70,000-₱75,000 sa isang ektarya kada isang taniman.

Lahat ng ito ay nakapadron sa imperyalistang globalisasyon at lantarang pag-abandona sa pagpapaunlad ng lokal na produksyon. Ang RLL ay larawan ng napakalalim at di maampat na krisis nang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. Ipinataw ang RLL bilang pagtalima ng reaksyonryong gobyerno sa GATT-WTO, kasabwat at sa maniobra ng mga naghaharing paksyon ng malalaking burges-kumprador, panginoong may lupa at burukrata kapitalista.

Superyor ang nais makamit ng armadong rebolusyon sa buong kapuluan. Ito ay upang isulong ang kampanyang anti-pyudal at komprehensibong pagpapabuti at pag-aangat ng kalagayan ng masang magsasaka at iba pang aping uri at sektor sa kanayunan at lungsod. Kailangan ang paglahok sa pambansa demokratikong rebolusyon na sa kaibuturan ay digmang magsasaka para sa lupa at kalayaan. Kaya marapat na lumahok ang masang magsasaka bilang nagungunang pwersa at mayorya sa mamamayang Pilipino.

Hangad ng PKM-ST na mapabagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Itatayo nito ang demokratikong gubyernong bayan na magpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ititindig nito ang ekonomyang malaya at umaasa-sa-sarili. Ang mga sakuna katulad ng El Niño ay lalapatan ng kongkreto at siyentipikong mga hakbangin upang makaalpas sa krisis at kahirapan ang bayan.###

Rice Liberalization Law o RLL Pamatay na Saksak sa Magsasaka at Mamamayan at Lokal na Produksyon ng Palay