Rurok ng kasakiman ang korapsyon nina Bongbong Marcos at Sara Duterte sa gitna ng matinding krisis sosyoekonomiko

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nakikiisa ang NDF-Bikol sa mga makabayang mambabatas at sa malawak na sambayanang Pilipino sa pagkundena sa pangunguna nina Bongbong Marcos at Sara Duterte sa walang prenong pagpapasasa sa pondo ng taumbayan. Kamakailan, ipinanawagan ang imbestigasyon sa P125 milyong confidential funds na ginastos ni Duterte noong 2022 habang umani naman ng pagbatikos ang panukalang P1.4 bilyong pondo para sa mga byahe ni Marcos Jr. Ito at ang iba pang insidente ng korapsyon, pagpapakapapet, pagiging kontra-mamamayan at pasista ng dalawa ay sapat nang batayan upang ikampanya ang pagpapatalsik sa kanila sa pwesto. Sa harap ng kalunus-lunos na kalagayan ng masang Pilipino, sadyang larawan ng sagadsaring kasakiman ang pagwaldas nina Marcos at Duterte sa pondong mula sa pawis at dugo ng taumbayan.

Ngunit ang mas nakapang-iinsulto pa, ipinagkikibit-balikat lamang nila ang mga isyung ito. Hindi pa sila nasapatan sa bilyun-bilyong pork barrel na nakukulimbat nila mula sa mga discretionary, confidential at intelligence funds ng kanilang mga upisina o kahit ang P500 bilyong Maharlika Investment Fund (MIF) na rinatsada nilang maisabatas nitong nagdaang buwan.

Talagang nais nilang sairin at pigain ang kabang bayan para lalo pang pakapalin ang kanilang mga bulsa habang ang taumbayan naman ay nagdidildil na ng asin dahil sa labis na hirap at gutom. Sa kabila ng iligal na paggamit sa pondo ng bayan ipinanukala pa rin ni Duterte ang panibagong P500 milyong confidential funds para sa Office of the Vice President para sa 2024. Ito ay katumbas ng 1/5 ng buong badyet ng kanyang upisina. Hiwalay pa ang hinihingi niyang P250 milyong confidential funds bilang kalihim ng Department of Education. Samantala, ipinagtatanggol ni Marcos ang nakalululang halagang ilalaan para lamang sa kanyang mga byahe kahit na ayon mismo sa mga upisyal ng kanyang kabinete hindi pa rin nagkakatotoo ang mga proyektong resulta umano ng kanyang mga gala sa ibang bansa. Sa katunayan, siyam lamang sa 130 proyekto ang natupad mula pa noong nakaraang taon.

Sa harap ng garapalang korapsyon nila at ng kanilang mga alagad, marapat lamang na magkaisa ang sambayanang Pilipino sa pagkundena at pagtatakwil sa rehimeng US-Marcos Jr. Hindi dapat palampasin na lamang ang pagpapasasa nila sa pondong pinaghirapan ng taumbayang marapat ay napupunta sa mga proyektong tunay na pakikinabangan ng masa. Dapat ipanawagan ang nakabubuhay na umento sa sahod, dagdag na makabuluhang ayuda para sa mamamayan, subsidyo sa presyo ng mga bilihin, interbensyon ng gubyerno sa walang awat na pagsikad ng mga presyo at iba pang kongkretong hakbanging tumutugon sa mga pangunahing karaingan ng taumbayan sa kasalukuyan.

Rurok ng kasakiman ang korapsyon nina Bongbong Marcos at Sara Duterte sa gitna ng matinding krisis sosyoekonomiko