Sa ika-3 taon ni Marcos: Tumitinding kahirapan, panunupil, pinagdurusahan ng mga taga-EV
Makalipas ang tatlong taon sa poder ni Ferdinand Marcos Jr, kinakaharap ng mamamayan ng Eastern Visayas ang sumisidhing kahirapan, kagutuman, at panunupil ng estado. Katulad ng pinabayaang mabulok na tulay ng San Juanico, hindi ito mapagtatakpan ng makukulay na ilaw o mabulaklak na pananalitang tiyak na bibigkasin ng punong papet ng estado sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address sa Lunes, Hulyo 28.
Sinasalamangka ng rehimen ang sarili nitong datos upang pagtakpan ang kalunus-lunos na kalagayan ng bayan, kabilang ang Eastern Visayas. Sa sarili nitong pag-amin, ikalima ang Eastern Visayas sa pinakamahihirap na rehiyon sa bansa. Batay na ito sa napakababang ₱89 na pamantayan ng kahirapan (poverty threshold) sa rehiyon; kung lumampas dito ang arawang kita ng isang Pilipino ay itinuturing na siyang “hindi mahirap.” Alinsunod sa mapang-insultong pamantayang ito, lalabas na iisa lamang sa bawat limang residente sa rehiyon ay mahirap, gayong mayorya ay sadlak sa pagdurusa.
Barya pa rin ang sahod. Ang nakatakdang arawang sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor (₱435) at sa sektor ng agrikultura (₱405) ay wala pa sa kalahati ng ₱1,217 na nakabubuhay na sahod ng isang pamilyang may limang myembro bawat araw. Mas grabe pa, hindi naman ito nasusunod – ₱350 o mas mababa pa ang arawang kita ng mga manggagawang agrikultural. Sa Leyte, kumikita lang ng ₱24 kada araw ang mga agsador (tagahakot ng produktong-bukid), at minsan hindi pa ito sustenido.
Mababa ang kita ngunit walang-humpay ang pagmahal ng mga bilihin. Mapanlinlang ang sinasabing pagbaba ng inflation rate mula sa 6.6% noong 2022 patungong 3.1% noong 2024; ibig sabihin lamang nito ay nagmamahal pa rin ang mga bilihin bagama’t mas mabagal. Lubhang di-makaagapay ang sinasabi ng rehimen na ₱128,000 taunang kita ng pinakamahihirap na pamilya sa rehiyon, na katumbas lang ng ₱351 kada araw. Nabigo at patuloy lang na mabibigo si Marcos na makamit ang pangakong ₱20/kilo ng bigas. Sa mga interyor na barangay, nasa ₱46/kilo ang presyo nito.
Kalahati ng lupain sa Eastern Visayas ay agrikultural, pero 70% ng nito ay para sa cash crops gaya ng niyog at abaka (na ineeksport sa murang halaga), hindi para sa tanim na pangkonsumo gaya ng palay o gulay. Sino ang nakikinabang sa ganitong patakaran sa ekonomiya? Tiyak, hindi ang mga magsasaka: ikatlo ang Eastern Visayas sa may pinakamaraming mahihirap na magsasaka sa bansa.
At lalo pang kumitid ang mga palayan mula noong 2022 nang magsimula ang termino ni Marcos. Mula sa 244,170 ektarya naging 229,260 ektarya noong 2024. Karamihan sa mga palayang ito ay nakaasa sa tubig-ulan at kung naaabot man ng irigasyon, mahal at limitado ang serbisyo.
Gutom na gutom ang mga nagtatanim. Sa isang larangang gerilya kung saan karamihan ay mahihirap na magsasaka, 67% ng populasyon ay hindi nakakakain ng kanin nang tatlong beses sa isang araw. Laluna sa mga lugar na pangunahing produkto ang niyog, isa hanggang dalawang beses sa isang araw lang sila nakakakain ng kanin. Dinadagdagan nalang nila ito ng root crops gaya ng kamote, kamoteng kahoy at gabi.
Lalong tumitindi ang kagutuman dahil bumabagsak ang produksyon ng palay. Umabot na sa punto na mas malaki ang bolyum ng nakokonsumong palay sa Eastern Visayas kaysa sa napoprodyus nito. Noong 2024, nakapagprodyus lang ang rehiyon ng 8.3 milyong metriko tonelada ng bigas, mas mababa sa higit 10.9 milyong metriko tonelada na nakokonsumo batay sa konserbatibong pagtaya. Dagdag pa, hindi naman lahat ng naaani ng isang pamilya ay kinokonsumo nila. Para may ipambili ng ibang pangangailangan, ibinebenta nila ang naaaning palay sa barat na presyong ₱12-14/kilo sa mga komersyanteng middle-man, na ibinabalik ito sa pamilihan bilang bigas sa mataas na presyo. Sa madaling sabi, mahal na binibili ng mga magsasaka ang bigas na sila naman ang nagtanim.
Sa pag-abandona ng estado sa sektor ng agrikultura, tuluyan nang bumagsak ang bahagdan nito sa regional gross domestic product (kabuuang halaga ng lahat ng produktong nilikha sa rehiyon). Malayong maliit ang bahagdan nito na 14% kung ikukumpara sa mga sektor ng serbisyo (50%) at industriya (34%, kung saan kabilang ang konstraksyon at manupaktura). Sa sektor ng serbisyo nakapailalim ang pangunahing pinagkakakitaan ng malalaking negosyante gaya ng wholesale at retail trade, real estate, at financial services. Ito rin ang sektor na hindi permanente ang nalilikhang trabaho, di kaya’y kulang ang trabaho o mababa magpasahod. Patuloy namang bumababa ang bilang ng trabaho sa manupaktura at agrikultura, kung saan pinakamababa ang sa agrikultura. Nasa 16% ng hukbong paggawa sa rehiyon ay underemployed o naghahanap pa ng dagdag na trabaho.
Ang nalilikhang malaking reserba ng paggawa ay nagiging kaakit-akit sa malalaking burgesya kumprador at dayuhang kapitalista na nais magpalobo ng tubo sa pamamagitan ng pambabarat sa sahod at mga insentibo sa pagbubuwis na iginagawad ng estado. Sa huli, walang kahirap-hirap silang yumayaman at nasusuhulan pa ang mga kurakot na upisyal at pulitikong sumasang-ayon sa kanilang kagustuhan. Sa nakaraang eleksyon, patuloy ang dominasyon ng mga lumang lokal na dinastiyang Ong at Daza sa Northern Samar, Tan sa Western Samar, Evardone sa Eastern Samar, at Romualdez, Torres at Lardizabal sa Leyte, na nagbibigay-daan at nakikinabang sa pagsasamantala sa lakas-paggawa at yaman ng bayan.
Bunsod nito, lumalakas ang panawagan ng mamamayan para sa makabuluhang pagbabago. Sa kanayunan at kalunsuran, iba’t ibang pakikibaka ang isinulong ng mamamayan upang ipaglaban ang kanilang demokratikong interes. Sa mga lugar na may impluwensiya ng rebolusyonaryong kilusan, isinulong ng mga magsasaka ang pakikibakang anti-pyudal para pababain ang upa sa lupa, pababain ang usura, pataasin ang sahod sa paggawa, pataasin ang presyo ng produktong-bukid at iba pa. Nailunsad nila ang mga bayanihan at iba pang sistema ng pagpapaunlad ng produksyon upang labanan ang kagutuman at kahirapan.
Ngunit pasistang terorismo ng estado ang tugon dito ng rehimeng US-Marcos. Alinsunod sa mapanlinang na National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD), pinangungunahan ng 8th Infntry Division sa Eastern Visayas ang maramihang “pagpapasuko” at “lokal na usapang pangkapayaan” na target sa panunupil hindi lang ang hukbong bayan kundi maging mga sibilyan. Pantasya ang sinasabi ng NAP-UPD na “umayos” na raw ang buhay ng mamamayan mula nang itayo ang NTF-Elcac at magiging “upper-middle income” na ang bansa, gayong patuloy na nagkikibit-balikat ang rehimen sa tunay na ugat ng armadong tunggalian: kahirapan, kawalan ng hustisyang panlipunan, at pagyurak sa kalayaan ng bayan. Mismong ang pasistang terorismo ng estado pa ang sumasabotahe sa mga tagumpay sa ekonomiya ng kilusang masa laluna sa kanayunan, dahil taliwas ito sa interes ng rehimeng Marcos at amo nitong imperyalismong US.
Ang tumitinding kahirapan at represyon sa Eastern Visayas sa ilalim ni Marcos ay resulta ng krisis ng naghaharing sistema, na nagsimula bago pa ang lahat ng nagdaang papet na rehimen. Sapul nang maging malakolonyal at malapyudal ang sistemang ipinataw ng imperyalismong US sa Pilipinas, hindi nakamit ng taumbayan ang tunay na kalayaan, demokrasya at katarungan. Anumang maliit na konsesyon na naibigay ng naghaharing-uri sa ordinaryong mamamayan ay layon lang na panatilihin ang kasalukuyang kaayusan. Hindi sapat na tapalan o pansamantalang ayusin lang ang naghaharing sistema dahil kalaunan ay magigiba rin ito. Ang tanging solusyon ay nasa mas makabuluhan at pundamental na pagbabago ng lipunan, na makakamit lang sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan.