Pahayag

Sa Northern Samar, mas marami pang sundalo kaysa doktor o nars

,

Hindi bababa sa anim na batalyon ng Philippine Army, katumbas ng 3,000 sundalo, ang sumasakop ngayon sa iba’t ibang baryo sa Northern Samar. Ang bilang na ito ay higit tatlong beses na mas marami kaysa sa wala pang isang libong kabuuang bilang ng manggagawang pangkalusugan sa prubinsya noong 2023. Kabilang dito ang mga doktor at nars.

Ayon sa mga ulat na nakalap ng BHB-Northern Samar, nagkakampo sa mga baryo at nagsasagawa ng tuluy-tuloy na operasyong kombat at saywar ang mga yunit ng 4th Scout Ranger Battalion, 19th IB, 20th IB, 43rd IB, 74th IB, at 78th IB, sa pamumuno ng 803rd Infantry Brigade. Sa konserbatibong pagtaya, katumbas ito ng 3,000 kabuuang lakas-tauhan, kasama ang mga tauhan ng 8th CMO Battalion, CAFGU at ibang paramilitar, at PNP na pawang pinakikilos din sa mga operasyon.

Bata-batalyon ang sundalo pero iilan lang ang manggagawang pangkalusugan. Sa datos mismo ng reaksyunaryong gubyerno, noong 2023 ay mayroon lamang 962 na manggagawang pangkalusugan sa Northern Samar, kung saan 107 lang ang doktor at 376 ang nars. Malinaw nitong nilalarawan kung paano pinabubulok ng rehimeng Marcos ang serbisyong pangkalusugan habang todo-larga ang gyerang panunupil.

Mamamayan ang direktang umiinda nito. Kamakailan ay naipabalitang lumobo sa 360 ang pasyente sa Northen Samar Provincial Hospital samantalang 150 lamang ang kaya nitong tanggapin. Bago nito, idineklarang overcapacity rin ang Eastern Visayas Medical Center, ang pinakamalaking ospital sa rehiyon, at ang Samar Provincial Hospital. Hindi nakatulong ang mga health center na naipatayo diumano sa mga baryo sa ilalim ng Support to Barangay Development Program ng NTF-Elcac, kung meron man. Nakagawian pa ng mga sundalo na magkampo sa iilang baryong may health center.

Paghaharing militar

Dose-dosenang komunidad ang hinahalihaw ng militar sa mga bayan ng Palapag, Mapanas, Gamay, Lapinig, Las Navas, Catubig, Pambujan, San Roque, Mondragon, at Silvino Lobos. Saklaw rin ng operasyong militar ang ilang baryo sa Jipapad, Eastern Samar, at Matuguinao at Calbayog City, Western Samar.

Dito minomobilisa ang nasabing mga batalyon para sa malakihan at magkakasunod na operasyong kombat. Noong maagang bahagi ng Setyembre ay isinagawa ang operasyong kombat sa Palapag, na halos kasabay ng naging operasyon sa bawnderi ng Catubig at Las Navas. Hindi bababa sa apat na kolum ang sumuyod sa tatlong baryo sa Catubig. Sa huling bahagi ng Setyembre ay naiulat naman ang operasyong kombat sa mga baryo malapit sa ilog ng Las Navas, na bawnderi ng tatlong prubinsya sa isla ng Samar. Hanggang noong Oktubre ay naibalita ang mga operasyong kombat at saywar sa Las Navas at Silvino Lobos.

Sa lahat ng ito, mga komunidad ng magsasaka ang tinatarget. Pabalik-balik o di kaya’y permanenteng sinasakop ang mga baryo sa tabing ng Retooled Community Support Program o RCSP. Karaniwang kinakampuhan ang mga bahay ng sibilyan o mga pampublikong pasilidad. Sa ilang baryo, may permanenteng kampo ang mga regular na sundalo o mga elemento ng CAFGU. May naipaulat din na detatsment ng PNP-SAF. Tuluy-tuloy ang operasyong saywar upang mangharas, sapilitang magpasuko ng mga sibilyan, magrekrut sa CAFGU, at ikulong sa baryo ang mga residente sa ilalim ng hamlet o “lockdown.”

Umaabot sa mga sentrong bayan tulad ng Catarman ang saklaw ng pasistang terorismo ng 803rd IBde. Kinundena ng mga estudyante ng University of Eastern Philippines-Main Campus ang ginawang paninindak at sarbeylans ng mga pinagdududahang ahente ng estado habang isinasagawa nila ang iba’t ibang pagkilos sa kampus kontra korapsyon at pasismo noong Setyembre 21. Nanawagan sila sa unibersidad na gumawa ng desisibong hakbang upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa pamamahayag at pagtitipon.

Sa Northern Samar, mas marami pang sundalo kaysa doktor o nars