Pahayag sa ika-57 anibersaryo ng PKP Sagpangin ang paborableng kundisyon para isulong ang demokratikong rebolusyon bayan
Sampu ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan ng Eastern Visayas, ipinapaabot namin ang pinakamaalab na pagbati sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa ika-57 anibersaryo ng muling pagkakatatag nito sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Itanghal natin ngayong araw ang ginintuan nitong kasaysayan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pagpapalaya ng aping mamamayan sa Pilipinas at sa buong mundo, kasabay ng muling pagpapatibay ng ating paninindigan na isulong ang pakikibaka hanggang sa ganap na tagumpay.
Bigyan natin ng pinakamataas na pagpaparangal ang mga martir ng rebolusyong Pilipino. Bigyan natin ng natatanging pagkilala si Kasamang Jose Maria Sison, dakilang komunistang guro, at ang lahat ng martir ng rebolusyonaryong kilusan ng Eastern Visayas laluna ang mga nabuwal sa nakaraang taon. Habampanahong aalalahanin ang magigiting nilang buhay at pag-alay ng sarili para sa pagpapalaya ng sambayanan.
Lubos na kinikilala at pinagpupugayan ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa Eastern Visayas (EV) ang pagpupunyagi ng Partido na pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan (DRB). Mula nang maipunla ng Partido ang DRB sa rehiyon noong dekada 1970, hindi kailanman nagmaliw ang suporta ng masa para sa rebolusyon. Iminulat ng Partido ang mamamayan sa kanilang kadusta-dustang kalagayan, na dulot ng pang-aapi at pananamantala ng mga panginoong maylupa at komersyante, mga burukrata kapitalista at malalaking burgesya komprador kasabwat ang imperyalismong US. Niyakap ng masa ang Partido at ang programa ng DRB bilang tunay na solusyon sa kahirapan, sa kawalang lupa ng mga magsasaka at kawalan ng batayang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, at pabahay. Nakita nila ang DRB bilang daan tungo sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Sa loob ng mahigit limang dekada, kolektibong kumilos ang mamamayan ng EV sa balangkas ng DRB. Matapang nilang isinulong ang armadong pakikibaka, nailunsad ang mga taktikal na opensiba, at napalakas ang Bagong Hukbong Bayan, para sa ultimong layuning wasakin ang poder pampulitika ng naghaharing estado at itayo ang tunay na gubyernong bayan. Isinulong ng masang magsasaka ang rebolusyong agraryo upang paunlarin ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagpapasigla ng mga produksyon para sa pagkain at kita, at labanan ang mapagsamantalang relasyon sa produksyon na ipinapatupad ng panginoong maylupa-komersyante. Sa mga lugar kung saan ganap na naitayo ang Pulang pampulitikang kapangyarihan, pinagkaisahan ng mamamayan ang mga patakaran kaugnay sa proteksyon sa kalikasan at sa kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad. Dahil niyakap ng malawak na masa ang DRB, lumawak ang impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan hanggang sa mga sentrong bayan at syudad.
Ang gayong lakas na naabot at tagumpay na nakamit ng Partido sa EV ang siyang nilayong wasakin ng lahat ng papet na rehimen mula kay Marcos Sr at hanggang kina Duterte at Marcos Jr, upang panatilihin ang pang-aapi at pananamantala sa mamamayan. Ginamit nito bilang pangunahing armadong pwersa ang 8th Infantry Division habang nagsilbing tabing para sa todo-gyera ang kampanyang anti-insurhensya. Inilunsad ang iba’t ibang oplan na pawang nabigo sa ganap na pagtapos sa rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan.
Mula noong 2018, nasaksihan ng EV ang walang kasing-bangis na todo-gyera ng pasistang estado laban sa mamamayang nakikibaka. Hindi bababa sa 700 barangay o 16% ng mga barangay sa rehiyon ang ipinailalim ng militar at pulis sa de facto na batas militar na may iba’t ibang tabing tulad ng “lokalisadong usapang kapayapaan” at Retooled Community Support Program. Tinatayang kalahating milyong katao ang isinailalim sa gayong pasistang paghahari. Hindi bababa sa 43,947, mayoriya mga magsasaka, ang naging biktima ng pananakot, harassment, intimidasyon hanggang sa mga kaso ng pagdukot, pagpatay, tortyur, iligal na pag-aresto at detensyon. Ninakawan at siniraan sila ng kabuhayan, sapilitang ipinalikas, pinatawan ng “lockdown” ang mga komunidad at pinagbawalang magtrabaho sa bukid. Biniktima ang mga menor de edad, kababaihan, mga makamamamayang upisyal ng barangay at maging ang mga organisasyong masa sa kalunsuran. Mula noon hanggang ngayon, layunin nitong pasistang terorismo ng estado na buwagin ang napundar na kapangyarihan ng mamamayan at bigyang-daan ang pandarambong at pananamantala ng mga naghaharing-uri.
Sa gitna nito, nagtamo ng mga pinsala ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Ibinunga ito ng internal na suhetibistang mga kahinaan, pangunahin ang empirisismo, na nakahadlang sa komprehensibong pagsusulong ng digmang bayan. Ang tumitinding krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, na kundisyon sana para mapaigting ang armadong pakikibaka at mga pakikibakang masa, ay hindi nasagpangan. Hindi naging lahatang-panig ang naging mga pagsulong. Sa proseso, nagawang pinsalaan ng pasistang kaaway hindi lamang ang rebolusyonaryong kilusan kundi maging ang baseng masa. Ilan sa mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan at masa ay marahas na nilansag.
Noong Disyembre 2023, nanawagan ang Komite Sentral ng Partido na maglunsad ng kilusang pagwawasto, upang itakwil ang mga maling tendensya, at palakasin ang pamumuno ng Partido sa rebolsuyonaryong adhikan ng mamamayan. Malugod itong binati ng mga rebolusyonaryong pwersa sa EV at ginawa ang lahat ng pagsisikap para maipatupad ito sa iba’t ibang antas. Ngayon ay nagbunga ang gayong mga pagsisikap, kaalinsabay ng pag-igting ng mga obhetibong kundisyon sa loob at labas ng bansa. Gayumpaman, mayroon pang mga kailangang paunlarin at iwasto para pigilan ang pagdurugo, makabangon at ganap na makaigpaw pasulong.
Nananatili ang pamalagiang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal, na siyang parehong mga kundisyon na nagpayakap sa masa sa Partido at sa programa nito ng DRB mahigit limang dekada na ang nakalipas. Sa paglalim ng krisis at kahirapan ng mamamayan at pagsambulat ng kabulukan, pagiging papet at pahirap ng rehimeng US-Marcos, lalong kailangang isulong ang DRB. Ito ang wasto at makatarungang tugon sa naghuhumiyaw na sigaw ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Hinahamon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa EV na matapang na balikatin ang tungkuling isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan at ipaglaban ang kanilang demokratikong adhikain. Sa gabay ng Partido, lubusin natin ang kilusang pagwawasto para paghusayin ang ating rebolusyonaryong praktika at maipaabot sa pinakamaraming mamamayan ang programa ng DRB. Pahigpitin natin ang paggagap nila rito at anihin ang kanilang mainit na suporta. Itanghal natin ang DRB bilang kanilang pag-asa. Maipagtatagumpay lamang ang DRB kung tinatamasa nito ang mainit na suporta at pagyakap ng pinakamalawak na mamamayan.
Lubos ang tiwala ng rebolusyonaryong kilusan sa EV sa Partido at sa pamumuno nito sa DRB. Tinatanaw natin ang higit pang mga tagumpay sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng kilusang pagwawasto at ng DRB sa darating na mga panahon.
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Lubusin ang kilusang pagwawasto!
Lahatang-panig na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!