Pahayag

Sagpangin ang paborableng sitwasyong pampulitika! Puno ng determinasyong magpukaw, mag organisa, at pakilusin ang masa upang palagablabin ang rebolusyon sa Mindoro!

,

Sa okasyon ng pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng ating pinakamamahal na Partido, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), binabati natin ang lahat ng kasapi at kadre ng Partido, mga Sangay ng Partido sa lokalidad, at mga namumunong komite ng Partido sa matatag at patuloy na pamumuno sa demokratikong rebolusyong bayan na inilulunsad sa buong kapuluan ng Pilipinas. Dahil sa wastong pamumuno ng PKP sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, napanatili natin ang mataas na dangal at prestihiyo ng Partido kaya naman lumalawak at lumalalim ang pamumuno nito sa masang Pilipino at nagdadala sa higit pang pagsulong ng rebolusyon. Binabati din natin ang magigiting na opisyal at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang mga kasapi ng organisasyong masa sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga alyado at kaibigan sa Pilipinas at saanmang dako ng mundo sa kanilang pag-aambag sa dakilang simulain ng rebolusyon.

Sa nakarang mga taon, naranasan natin ang todo-largang kontra-rebolusyonaryong gyerang inilulunsad ng rehimeng US-Marcos laban sa PKP, BHB, at NDFP at apektado maging ang mga karaniwang mamamayan ng Mindoro at buong sambayanan. Tinutugis ng reaksyunaryong estado ang buong rebolusyonaryong kilusan at higit pang sinusupil ang lumalabang mamamayan. Gayunman, dahil sa wastong gabay ng Partido, ito’y matapang at puno ng determinasyong nakapagpunyagi at sumusulong ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa okasyong ito, pinagpupugayan din natin ang mga dakilang martir ng rebolusyon na walang pag-iimbot na nag-alay ng buhay alang-alang sa sambayanan at buong proletaryo. Una sa lahat, dinadakila natin ang Tagapangulong Tagapagtatag na si Kasamang Jose Maria Sison, tatlong taon na mula nang siya’y namartir noong Disyembre 16, 2022 gayunman ang kanyang mga turo at aral ay nagpapatuloy na tanglaw natin sa pagsusulong at pagdadala sa tagumpay ng DRB. Dinadakila din natin si Kasamang Luis Jalandoni, Ka Maria Malaya, at iba pang lider ng ating Partido kasama ang iba pang martir habang gumagampan ng gawain at tungkuling iniatas ng Partido. Katangi-tangi ang kanilang kabayanihan sapagkat hanggang sa huling hininga ay taglay ang proletaryong diwa ng paglilingkod sa uring proletaryo at iba pang aping uri at sektor.

Sa Mindoro, pinagpupugayan natin sina Kasamang Jomar “Ka Jonel” Palomar, Ising “Ka Mutya” Domingo, at Ka Kardo, mga pulang mandirigmang namartir ngayong taon. Pinagpupugayan din natin ang mga kasapi ng Partido sa lokalidad, mga masa, at alyado na namartir sa iba’t ibang kadahilanan, silang mga nag-ambag ng kanilang lakas, talino, at panahon para sa pagsusulong ng rebolusyon. Ang mga rebolusyonaryong martir ay huwaran at inspirasyon ng kasalukuyang mga kadre at kasapi ng Partido’t mga rebolusyonaryo upang higit na magpursige sa mahirap na pakikibaka.

Walang signipikanteng pagbabago sa buhay ng mga Mindoreño, kundi ang paglala ng kahirapan laluna ng 90% ng populasyon nito na binubuo ng mga magsasaka na kalakhan ay wala at/o kulang sa lupa. Pinakarami ang mga magsasaka sa palayan na taun-taon ay nalulugi dahil sa lubhang pagtaas ng gastos sa pagsasaka. Sa konserbatibong pagkukwenta sa mga sakahan sa Mindoro, aabot ng ₱50,000 hanggang ₱78,000 ang gastos sa produksyon (GsP) sa kada ektarya. Samantalang binabarat naman ng mga komersyante ang presyo ng palay na umabot ng ₱7 hanggang ₱14 sa kada kilo. Marami na sa kanila ay nawawalan ng ganang magtanim ng palay dahil lage’t lageng nalulugi at nababaon pa sa utang. Dahil walang ibang kabuhayan, nasasadlak sa pag-uuling ang maraming magsasaka at paghahanap ng iba pang trabaho. Mas masahol ang kalagayan ng mga manggagawang bukid na nagtitiis sa napakababang sahod na karaniwa’y umaabot lamang ng ₱300-₱400 kada araw. May ilan pa ngang lugar sa isla na nagpapasahod lamang ng ₱250. Malayong malayo ito sa ₱1200 na kailangan ng isang pamilya para mabuhay ng disente sa bawat araw. Ang iba nama’y lumuluwas sa mainland Luzon laluna sa Maynila at CALABARZON upang doon makipagsapalaran bilang mga manggagawa sa pabrika, construction worker, tindero’t tindera, kargador, at iba pang pansamantalang trabaho. Sa kabila nito, walang makabuluhang tulong ang mga local government units (LGU’s) sa mga naghihirap na Mindoreño. Kahit ilang beses ng hinambalos ng bagyo, baha, at iba pang kalamidad na nagpalubog sa kabuhayan at nagsapanganib sa buhay ng mga Mindoreño, tila limos naman ang ibinibigay na tulong ng mga nasa burukrasya.

Inagawan ng karapatan at kabuhayan ang maliliit na mangingisdang Mindoreño sa pagpabor ng reaksyunaryong estado sa kapakanan ng malalaking kumprador- panginoong maylupa at imperyalistang dayuhan. Hindi makapangisda ang mga Mindoreño sa saklaw ng West Philippine Sea (WPS) dahil sa paghahari-harian at pag-aagawan ng China at ng imperyalistang US sa karagatang saklaw ng Pilipinas. Nagiging war zone ang karagatang dapat ay pangisdaan dahil sa walang humpay na ehersisyong militar na inilulunsad ng imperyalistang US at AFP at iba pang kaalyadong bansa ng US. Pinagkaitan ng kabuhayan ang maliliit na mangingisda nang payagan ng Korte Suprema ang pagpasok ng malalaking barkong pangisda sa saklaw ng 15 kilometer municipal waters na kung tutuusi’y kakarampot na ngang katubigan na pinangingisdaan nila. Dagdag na perwisyo ang pagpahintulot ng mga lokal na burukrata (LGU) sa mga dredging operations at pagkwari sa mga ilog at baybayin ng Mindoro na milyong toneladang buhangin ang inilalabas ng isla para sa mga proyektong pang- imprastruktura ng mga malalaking burgesya kumprador kagaya ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang. Nawawasak ang kalikasan na kanlungan na mahalaga sa pagpaparami ng isda at naitataboy ito palayo ng munisipal waters na pumapatay sa kabuhayan ng mangingisda.

Higit na apektado ang mga kababaihan at maging ng mga bata ang lumalalang kahirapan at kapabayaan ng gubyerno sa Mindoro. Larawan nito ang datos na isa sa bawat pitong bata na nag eedad 0 hanggang limang taon (sa Occidental Mindoro) ay bansot pangunahin dahil sa malnutrisyon at kawalan ng atensyong medikal laluna sa mga pinakaliblib na mga baryo. Hindi malayo ito sa konserbatibong datos ng DSWD ng Oriental na 21% ng pamilya ay maituturing na mahirap. Sila din ang madalas na biktima ng pandarahas ng mga militar at pulis laluna sa kanayunan. Sa mga kampo militar sa Mindoro laluna sa mga interyor baryo, pinalalaganap ng mga sundalo ang prostitusyon na madalas biktima ang mga kababaihan at menor de edad.

Ang mga kabataang Mindoreño ay madalas ding biktima ng kapabayaan ng estado. Kalakhan sa kanila ay mula sa uring magsasaka na kagaya ng kanilang mga magulang ay naipapasa ang kahirapang dulot ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Marami sa kanila ay napipilitang huminto sa pag aaral dahil sa kahirapan at napipilitang magtrabaho para makatulong sa pamilya. Ang mga nakakapag-aral naman ay dumaranas ng napakababang kalidad ng edukasyon. Kulang ang klasrum, libro, kagamitan, at maging ng mga titser. Hindi angkop ang kakayahan ng mga estudyante sa pagbasa, pagsulat, pagkwenta, at pag unawa sa binabasa sa antas na inabot nila sa paaralan. Magpapatunay lamang ito na ang DepEd mismo at ang kurikulum na nililikha nito ay hindi nakatuon sa pagpapataas ng kaalaman at kakayahan ng mga estudyante kundi sa balangkas para magsuplay ng murang lakas paggawa at magsilbing aliping sahuran sa mga kumpanya at negosyo ng burgesya kumpador at mga imperyalistang bansa. Kaakibat nito matindi din ang pagsupil sa mga kabataang nagiging kritikal na nagsusuri at bumabatikos sa mga panlipunang isyu. Biktima sila ng red tagging, harasment, at ektra hudisyal na pamamaslang dahil dito.

Sa Mindoro, ang mga katutubong Mangyan ang maituturing na isa sa pinakamahirap at napabayaang sektor na daan taon na nilang pinapasan. Madalas silang gamitin ng mga pulitiko para pabanguhin ang kanilang imahe sa publiko subalit tinatalikuran na pag upo sa poder at patuloy na dumadanas ng diskriminasyon dahil sa pagiging Mangyan. Biktima ang mga katutubong Mangyan ng patuloy na pangangamkam ng kanilang lupaing ninuno ng reaksyunaryong estado, MBK, at panginoong maylupa sa pamamagitan ng pagpapasok ng mga mapangwasak sa kalikasang proyekto at programa kagaya ng renewable energy projects (REP’s), minahan, pagbabalik pastuhan, Tamaraw Reservation Expansion Project, at marami pang iba. Sila din ang pinakamadalas biktima ng terorismo ng estado. Sa saklaw ng mga lupang ninuno isinagawa ang mga pambobomba, istraping at walang patumanggang pamamaril ng AFP-PNP. Nasa kanilang mga komunidad nakakonsentra ang pinakamaraming RCSPO, FMO, at mga kampo militar sa buong isla. Layunin nitong itanim ang takot sa hanay ng mga Mangyan upang pigilan ang kanilang pag aalsa at paglaban sa mga proyektong aagaw at magpapalayas sa kanilang lupaing ninuno.

Naitutulak sa higit na pagkabusabos, paghihirap at kaapihan ang mga Mindoreño dahil sa tinahak na neoliberal na patakarang dikta ng imperyalistang US at kasabwat ang mga naghaharing uri at gobyerno sa bansa . Pinakamatinding tinatamaan ng patakarang ito ang masang magsasaka, manggagawa at malamangagawa at mga katutubong mamamayan. Dahil sa paulit -ulit na pagkalugi sa pagsasaka, nawawala sa kamay ng mga magsasaka ang kagamitan sa produksyon laluna na ang lupa hanggang sa maging aliping sahuran o manggagawang bukid at sa pinakamalala nagiging odd-jobbers na pumapasok sa kung ano na lamang na pagkakakitaan. Dahil din sa neoliberal na patakarang ito,isinabatas ang Rice Tarffication Law na nagpabagsak sa presyo ng palay, sa walang awat na importasyon ng bigas bukod pa ang ismagling nito, na nagwawasak sa kabuhayan ng mga Mindoreño. Samantala, lubhang lumiit ang kita at bumabagsak naman ang kabuhayan ng peti-burgesya sa kalunsuran man o kanayunan ng isla. Maging ang kabuhayan ng maliliit na negosyante, mga ricemiller at traders sa isla ay nababangkarote sa ilalim ng sistemang ito. Sa paghahagilap ng mga mineral, hilaw na materyal at enerhiya para sa mga empresa at negosyo, pinalalayas ang mga katutubong mamamayan sa kanilang lupaing ninuno.

Sa kabilang banda, habang nalulubog sa kahirapan, nagugutom at namamatay sa mga sakuna ang mga Mindoreño, bundat sa dinambong na yamang nilikha ng masang anakpawis ang mga malalaking kumprador-panginoong maylupa, mga monopolyo-kapitalistang dayuhan (MKD) at ang mga kasabwat nilang lokal at pambansang burukrata-kapitalista. Nagtatampisaw sa labis na pagkagahaman, ninanakawan pa ang taumbayan sa pandarambong ng pondo ng bayan.

Ngayong taon, sumambulat sa buong bansa ang tindi ng korapsyong umiiral sa loob ng reaksyunaryong sistema. Nalantad sa publiko paanong sistematikong ninanakaw at pinaghahatian ng mga burukrata kapitalista, mga pinaborang kontratista, at mga opisyal sa gubyerno ang bilyun- bilyong pondo ng bayan. Numero unong salarin sa korapsyon ang ilehitimong pangulo na si Ferdinand Marcos Jr. Unang nalantad ang malalang korapsyon sa daan-daang flood control projects sa iba’t ibang probinsya kabilang ang Occidental at Oriental Mindoro. Sa mga kunwa-kunwaring imbestigasyon sa Kongreso, nabunyag na halos 50-60% ng pondo para sa mga flood control projects (FCP’s) at farm-to-market roads ay naibubulsa ng mga burukrata at kasapakat nila kaya ang resulta, mababang kalidad na mga imprastruktura at pinakamasaklap ay nagiging ghost project o nawawalang proyekto ang marami sa mga ito. Kasunod nito mabubunyag din na liban sa mga FCP’s, nagaganap ang malalalang korapsyon sa iba pang programa kagaya ng pondiong hawak ng ELCAC na nakapailalim ang barangay development projects (BDP), ECLIP at sa halos lahat ng ahensya at sangay ng reaksyunaryong gubyerno. Sa Mindoro, parehong nagmamalinis at hugas-kamay sina Gov. Bonz Dolor at Gov. Eduardo Gadiano at mga kongresista ng Occidental at Oriental Mindoro gayong napaka-imposibleng wala silang kinalaman sa mga nabunyag na palpak, mababang kalidad at mga ghost project sa kani-kanilang mga probinsya. Ang katotohanan, malaking bahagi ng kanilang yaman ay mula sa katas ng bilyun-bilyong pisong kinurakot na pondo.

Bumulwak ang galit ng taumbayan, dahil habang nagkakandakuba at halos taya-buhay para kumita ang mayorya ng mamamayan, walang matinong serbisyo at tulong na natatamasa ang mamamayan, nagtatampisaw naman sa karangyaan ang mga burukrata kapitalista at mga kasapakat nila mula sa kinurakot na pondo ng bayan. Humugos sa lansangan sa buong bansa ang daan-daang libong mamamayan para isigaw ang kanilang galit sa buong reaksyunaryong sistema. Panawagan nilang panagutin ang lahat ng sangkot mula mismo sa hari at reyna ng korapsyon na si Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte.

Lalo pang pinatitindi ang pagdurusa ng mga Mindoreño dahil sa terorismong inihahasik pangunahin ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA hindi lamang sa CPP-NPA-NDF kundi sa aping mamamayan sa isla. Pakana nilang wakasan diumano ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa pagtatapos ng 2025 at ideklarang insurgency free ang Mindoro kagaya ng deklarasyon ni Major General Ramon Zabala ng 2nd Infantry Division nitong Agosto. Para magawa ito, walang humpay na mga operasyong militar o Focused and Sustained Military operations (FSMO) at Retooled Community Support Program Operations (RCSPO) ang isinasagawa sa kanayunan at kabayanan ng isla. Sa kabuuan, kasangkapan nila sa pagpapatupad ng kontra-insurhensyang programa ang 10 at kalahating batalyon ng pinagsamang AFP-PNP-CAFGU. Kaakibat nito, kaliwa’t kanang pang aabusong militar at paglabag sa karapatang pantao ang nililikha ng mga pasista laban sa mamamayan. Mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon, naitala ang 120 na kaso ng paglabag sa karapatang pantao na bumiktima sa humigit-kumulang 16, 378 mamamayan. Kaya naman, peste ang turing sa kanila laluna ng mga magsasaka at katutubong Mangyan na madalas na biktima ng karahasang militar.

Kaakibat ng lumulubhang paglubog ng kabuhayan ng mamamayang Mindoreño, ang pagtindi ng pasismo, ang malalang korapsyon, at patuloy na pagkontrol ng imperyalistang US sa bansa ay patunay na hindi kailanman maaasahang lulutasin ng rehimeng US Marcos 2 at sinumang nasa estado poder ang kronikong krisis dahil ang estado mismo ang nagsadlak sa kahirapan ng mamamayan. Salaminan ang Mindoro ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng bansa na tinakda ng mga salot ng pyudalismo, burukrata kapitalismo at ng amo nitong imperyalistang US. Sa isang banda, ang mga kondisyong ito ang nagtutulak sa mamamayang isulong ang rebolusyon upang baguhin ang bulok na sistemang umiiral.

Kumakalat ang apoy ng rebolusyon sa Mindoro!

Ngayong taon, dumanas ng hindi karaniwang sakripisyo at kahirapan ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro. Pangunahin ay dahil sa umiigting na pang-aatake ng kaaway sa buong rebolusyonaryong kilusan. Sa kabila nito, matatag na sumusulong ang rebolusyon sa isla. Sa diwa ng kasalukuyang kilusang pagwawasto, pinagsikapang lagpasan ng mga pwersa ang mga balakid at kahinaan at mapangahas na sumulong. Binasag ang konserbatismo sa gawaing masa kaya naman matagumpay na nakilusan ang 84% ng mga bayan sa isla, nabalikan ang mga baryong halos dekadang naiwanan dahil sa internal na mga kahinaan.

Ininda ng kaaway ang epektibong paglaban ng Hukbo sa 16 na mga depensibang labanan, aktibong pagdepensa at engkwentro sa pagitan ng mga yunit ng NPA at ng iba’t ibang batalyon at yunit ng AFP-PNP-CAFGU sa isla. Nag-resulta ang mga ito sa higit isang platung kaswalti sa kaaway. Kabaligtaran ng kanilang layunin na pinsalain at durugin ang ating hukbo, ang mga aksyong pag-atake ng AFP-PNP ay nasasalag at aktibong nilalabanan ng mga yunit ng Hukbo kaya napapaliit ang kaswalti ng mga kasama habang mas malaki ang tinatamong pinsala ng umaatakeng yunit ng AFP-PNP.

Seryosong kahinaan ng Partido sa isla ang suhetibismo sa ideolohiya na nagkaanyo pangunahin ng pagiging empirisista. Bilang hakbangin sa pagtutuwid ng kahinaang ito, nagpursige ang mga organo ng Partido, yunit ng BHB at mga organisasyong masa para mailunsad ang mga pag-aaral kabilang ang mga pampartidong pag aaral laluna sa 3 antas ng kurso ng Partido upang armasan at itaas ang kaalaman sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ng mga kasapi at kadre ng Partido. Matagumpay na naidaos ang isang bats ng Abanteng Kurso ng Partido(AKP) sa ilang kadre ng Partido sa isla, ilang bats ng Intermedya at Batayang Kurso ng Partido sa mga kasapi ng Partido sa lokalidad. Liban dito, naibigay ang ilang bugso ng iba pang pag-aral ng Partido, mga napapanahong memo at mga pahayag na inilalabas ng nakatataas ng organo ng Partido.

Umabante sa iba’t ibang bayan sa Mindoro ang kilusang masa at kumilos ang libu-libong Mindoreño para sa pagtatanggol sa kanilang lupa at kabuhayan laban sa mga mang-aagaw at mapanira sa kalikasang proyekto. Tampok ang pagkilos ng mga magsasakang inaagawan ng lupa sa Barangay Guinobatan, Calapan City Oriental Mindoro at Sitio Malatabako, Poblacion, Abra de ilog, Occidental. Ang pagkilos laban sa mapangwasak sa kalikasang dredging operation ng mga residente ng Barangay Silonay sa Calapan, Barangay Balete sa Gloria, Oriental at Barangay Talabaan, Mamburao, Occidental. Ang patuloy na pagkilos ng mga katutubong Mangyan para sa pagdepensa sa kanilang lupaing ninuno at paglaban sa tumitinding pasismo sa kanilang hanay. Ang pagkilos ng mga Mindoreño laban sa matinding korapsyon ng mga burukrata kapitalista sa pangunguna ng Mindoro Kontra Korapsyon (MKK) at pagkilos para sa mas maayos na serbisyong panlipunan kagaya ng hinaing sa malalang krisis sa kuryente sa isla.

Dahil sa masikhay na gawaing pagmumulat, pag-organisa, at pagpapakilos, naorganisa at naipaloob ang ilang daang masa sa mga organisasyong masa ng mga magsasaka, katutubong Mangyan, kababaihan, at kabataan. Narekrut ang ilan sa kanila sa Partido, at nakapagpasampa tayo ng mabubuting elemento sa NPA.

Ngunit ang lahat ng ito ay maituturing na panimulang mga tagumpay. Malaki at marami pa ang dapat nating gawin upang maisikad ang pagsulong. Napakainam ng kasalukuyang krisis pampulitika sa buong bansa na dapat nating sagpangin upang lahatang panig na sumulong. Ang patuloy na nabubulok na sistemang malakolonyal at malapyudal, ang lumulubhang kahirapan at krisis na dinaranas ng mamamayan, ang sigalot sa hanay ng naghaharing uri laluna ng pangkating Marcos at Duterte, ang patuloy na dominasyon at paghahari-harian ng imperyalistang US sa Pilipinas—lahat ng ito ay paborableng mga sitwasyong dapat samantalahin upang ikalat ang apoy ng rebolusyon sa Mindoro at sa buong bansa.

Dapat nating tipunin at pabulwakin tungong malakas na kilusang masa ang sumasabog na galit at diskuntento ng masa dahil sa malalang korapsyon, tumitinding kahirapan, kawalang hanapbuhay, kawalan ng serbisyo at tulong ng estado, kawalang hustisya at ang patuloy na pasismo ng estado sa mamamayan. Kasabay ng pagsulong ng kilusang masa, dapat higit pang palakasin ang armadong paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa Bagong Hukbong Bayan. Kailangang itayo ang mas maraming platun at kumpanya ng BHB sa pamamagitan ng masiglang pagrerekluta ng mga mabubuting anak ng bayan. Kailangang maitayo ang mga bagong yunit ng Hukbo upang masaklaw ang mayor na bahagi ng isla. Higit sa lahat, kailangang maglunsad ng mga aksyong militar upang parusahan ang kaaway ng mamamayan. Hindi kailanman makapagpapalakas ang BHB kung hindi makapaglulunsad ng taktikal na opensiba.

Patuloy na konsolidahin sa ideolohiya ang mga rebolusyonaryong pwersa upang maiwaksi ang sakit na empirisismo sa pamamagitan ng tuluy tuloy na mga pag aaral, talakayan, pagtatasa, paglalagom at pagpupunahan upang pataasin ang kaalaman sa teorya at higit na mapaunlad ang praktika. Palalimin ang panlipunang pagsisiyasat sa lahat ng lugar at aspeto ng buhay panlipunan. Palakasin ang pamumuno ng Partido sa rebolusyon, reklutahin sa Partido ang pinakamaraming sulong na mga organisado at aktibistang masa at magpapultaym ng mga kasapi ng Partidong maitatalaga sa iba’t ibang gawain sa kanayunan man, sentrong bayan at kalunsuran. Ang pagpapalakas ng pamumuno ng Partido ay isang garantiya at pangunahing sangkap upang madala natin sa tagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan.

Malaki ang hamon sa mga rebolusyonaryo sa mga darating na taon upang higit na maging mapangahas at determinadong pangibabawan ang mga kahirapan at balakid upang sumulong. Tinitiyak nating ang paparating na 2026 ay higit na pag igting ng kontra rebolusyonaryong digma sa Mindoro. Tiyak nating seryoso at pursigido ang kaaway na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan at pigilan ang paglaban ng mamamayan sa isla. Gayunman, dahil konsolidado tayo sa ideolohiya at sa mahigpit na pamumuno ng Partido, kakayanin nating lagpasan at kolektibong harapin anumang kahirapan at balakid na dumating.

Mabuhay ang ika 57 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas!
Mabuhay ang mamamayang lumalaban!
Mindoreño, magkaisa sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan!

Sagpangin ang paborableng sitwasyong pampulitika! Puno ng determinasyong magpukaw, mag organisa, at pakilusin ang masa upang palagablabin ang rebolusyon sa Mindoro!