Pahayag

Sama-samang harapin at labanan ang pananalasa ng tagtuyot na dulot ng El Niño

, ,

Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Palawan (NDFP-Palawan) sa panawagan ng bayan na lutasin ang mga suliranin sa buhay at kabuhayang sinasalanta ng tagtuyot na dala ng penomenong pangklimang El Niño, kasabay ang paniningil sa palpak at pabayang rehimeng US-Marcos II at mga lokal na burukrata. Ramdam na sa malaking bahagi ng probinsya ang pagliit ng suplay ng tubig na pangunahing nakakaapekto sa mga pananim ng masang magsasaka. Pinangangambahan ding maapektuhan nito ang kasalukuyang peak season ng pangingisda at maapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa inaasahang fishkill at redtide dulot ng mainit (warm) na tubig na dala ng El Niño.

Katumbalik ng napakabilis na pag-iga ng tubig ang usad-pagong na aksyon ng lokal na reaksyunaryong gubyernong pinamumunuan ni Socrates na mistulang naghihintay pang lumala ang sitwasyon. Hindi pa man idinedeklarang nagaganap na ang tagtuyot sa probinsya, ayon sa mga ulat ay aabot na sa 1,200 magsasaka ang apektado ng El Niño mula sa mga bayan ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Quezon, San Vicente, Taytay at Bataraza. Naiulat na rin sa unang linggo ng buwan ang panunuyo ng mga bukal, sapa at iba pang pinagmumulan ng tubig sa Puerto Princesa City kaya’t naglabas na ang city council ng water crisis alert sa buong syudad. Liban dito, tagtuyot din ang itinuturong dahilan ng Philippine Statistics Authority sa mabilis na pagsirit ng implasyon na pumalo nitong Pebrero sa 4% mula sa 3.7% nitong Enero.

Kung babalikan, Setyembre pa lamang ng nakaraang taon ay inianunsyo na ng PAG-ASA ang darating na El Niño at kabilang ang Palawan sa mga tinukoy na tatamaan. Sapat-sapat sana ang panahon ng paghahanda ngunit hindi ito ang inatupag ng lokal na gubyerno. Sa halip, pinaarangkada sa kumpas ng pambansang gubyerno ang mga proyektong pakikinabangan lamang ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista kagaya ng malawakang operasyon ng mina, konstruksyon ng base militar ng US at mga huwad na proyektong renewable energy. Tila ba hindi ito natututo sa kasaysayan ng probinsya sa nagdaang mga pananalasa ng tagtuyot dulot ng El Niño kung saan matindi ang pinsalang natamo laluna ang sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Matatandaan na noong Mayo 2019, panahon din ng El Niño, nagdeklara ng state of calamity ang Puerto Princesa City dahil sa epekto ng tagtuyot sa 65,445 residente sa 21 barangay o 20% ng populasyon ng syudad. Aabot naman sa 40% ng kabuhayan ang apektado na may katumbas na pinsalang P5.7 milyon. Mayor na penomenon sa panahong ito ang krisis sa tubig.

Sa katulad ding sitwasyon, noong 2016 naganap rin ang krisis sa tubig na matinding nakaapekto sa malaking bahagi ng probinsya. Dulot nito, idineklara ang state of calamity sa buong probinsya na ang pinakamalalang tinamaan ay ang limang bayan ng Dumaran, Roxas, Taytay, Puerto Princesa City at Bataraza. Aabot sa P400 milyon ang pinsala sa pananim.

Inaasahang mas titindi pa ang epekto ng tagtuyot sa probinsya at buong bansa laluna’t inianunsyo ng PAG-ASA na tatagal pa hanggang Hunyo ang El Niño. Habang hindi pa tumatama ang matinding tagtuyot sa probinsya, dapat na itong maagap na paghandaan ng iba’t ibang sangay at lokal na gubyerno. Hihintayin pa ba nilang sapitin ng probinsya ang malalang epekto at ideklara ang state of calamity sa probinsya o alinmang bahagi nito bago sila umaksyon?

Lalong pinalalala ng kasalukuyang pananalasa ng tagtuyot ang dati nang pinapasang kahirapan ng mamamayan resulta ng lumalalim na krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at kainutilan at labis na pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos II at lokal na kinatawan nito sa probinsyang pangkating Socrates-Alvarez. Nananawagan ang NDFP-Palawan na dapat higit na magbigkis at magkaisa ang mamamayan para ilunsad ang iba’t ibang tipo ng pagkilos at kabigin ang suporta ng iba’t ibang grupo at sektor sa lipunan upang ilantad, singilin at kastiguhin ang estado sa kriminal na kapabayaan nito sa kapakanan at kagalingan ng taumbayan sa gitna ng ganitong mga sakuna. Dapat nilang igiit ang sapat at karampatang tulong at ayuda sa gitna ng pagkapinsala ng kanilang mga kabuhayan. Kasabay nito, dapat nilang ibunsod ang kanilang kolektibong pagsisikap para harapin sa sarili nilang paraan ang pasakit ng tagtuyot. Dapat pangunahing isagawa ng mga organisasyong masa ng magsasaka, mangingisda atbpng uri at sektor, ganundin ang kanilang mga kooperatiba ang mga hakbangin paano mababawasan ang pinsala ng tagtuyot. Nananawagan kami sa lahat ng alyadong organisasyon ng NDFP sa Palawan na pangunahan ang mga pagsisikap na ito.

Ang patuloy na pagdalas at papalalang tama at epekto ng El Niño, La Niña at ibang penomenong pangklima sa probinsya at buong bansa ay resulta na ng daantaon at tuluy-tuloy na pangwawasak ng kalikasan ng mga dayuhan at malalaking proyekto ng mina, logging, plantasyong monocrop para sa eksport at iba pa. Winawasak ng mga ito ang mga kagubatan at watershed na pinagmumulan ng mayamang pagdaloy ng tubig na magagamit sana ng mamamayan para sa kanilang araw-araw na pangangailangan sa buhay, kabuhayan at iba pang mga aktibidad nito. Sa gitna ng pananalasa ng tagtuyod na dulot ng El Niño, dapat higit na palakasin ang pagtutol sa pag-amyenda sa Saligang Batas laluna’t minamaniobra ng rehimeng Marcos II ang charter change na magtatanggal sa lahat ng pang-ekonomyang restriksyon at magbubuyangyang sa lahat ng rekurso ng bansa sa dayuhang monopolyo kapitalistang pandarambong. Sa pangmatagalang laban kaugnay sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayang Palaweño at buong bansa, dapat nitong paigtingin ang digmang bayan sa balangkas ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay. Hangga’t hindi nabubunot ang ugat na imperyalismo at iba pang salot sa lipunang Pilipino na burukrata-kapitalismo at pyudalismo, hindi makakamit ng mamamayan ang climate justice at tunay na mapangangalagaan ang kalikasan at maipagtatanggol ang likas na yaman ng bansa.#

Sama-samang harapin at labanan ang pananalasa ng tagtuyot na dulot ng El Niño