Serye ng mga paglabag sa karapatang-tao sa Camarines Norte, manipestasyon ng nag-uulol na NTF-Elcac na makapagtala ng mga pekeng surrender sa prubinsya

, ,

Mariing kinukundena ng Armando Catapia Command NPA- Camarines Norte ang serye ng sunod-sunod na harassment at pananakot sa mamamayan ng prubinsya. Isa itong malinaw na paglabag sa karapatang-tao at paglabag sa internasyunal na makataong batas. Bukod dito, pagpapakita rin ito na higit kailan man ay hindi seryosong tupdin ng AFP-PNP-CAFGU ang batas hinggil sa karapatang-tao.

Direktahang tinutukoy ng NPA-CN ang National Task Force To End Local Communist and Armed Conflict (NTF-Elcac) kasabwat ang berdugong AFP-PNP-CAFGU. Sila ang nasa likod ng dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa prubinsya.

Animo’y mga asong ulol na naglalaway ang NTF-Elcac-AFP-PNP-CAFGU sa kulang-kulang kalahating bilyong piso (P363,378,519.35) pondo na inilaan ng pasistang estado sa prubinsya para sa pasismo at panunupil sa mamamayan. Kaya naman desperado itong makapagtala ng mga pekeng pagpapa-surrender sa prubinsya. May kinalaman man o wala sa rebolusyonaryong kilusan basta’t napagbalingan ay inaakusahan na mga kasapi o sumusuporta sa NPA, saka pipiliting sumurender at ang masahol pa kapag hindi nila napasunod sa kanilang kagustuhan ay papatayin at gagawa ng pekeng labanan upang palabasing myembro ng NPA na napatay sa isang labanan.

Serye ng sunod-sunod na harassment, intimidasyon at tangkang masaker sa masang CamNorteño:

Agosto 11, 2023. Isang magsasakang residente ng Barangay Canawapan sa bayan ng Labo ang pinuntahan ng mga ahente ng militar at isinailalim sa interogasyon at pananakot.

Setyembre 17, 2023. Isang magsasaka na residente ng Barangay Dahican sa bayan ng Jose Panganiban ang pinuntahan ng anim na ahente ng militar. Isinailalim ang biktima sa interogasyon at pananakot na nagsimula ng alas-3:00 hanggang alas-6:00 ng hapon.

Setyembre 22, 2023. Isang mangingisdang residente ng Sitio Tabadyak, Barangay San Jose sa bayan ng Jose Panganiban ang pinuntahan ng dalawang ahente ng militar. Dinala sa kampo at iginapos. Tinakot at isinailalim sa matinding interogasyon ang biktima.

Setyembre 24, 2023. Isang residente ng Barangay Silang 2, bayan ng Labo ang pinuntahan ng anim ahente ng militar.

Setyembre 27, 2023. isang grupo ng mga tribu ang tinangkang imasaker ng mga berdugong 9th IBPA sa Sitio Mapatong, Barangay Malaya sa bayan ng Labo. Isang katribu ang hinuli at ikinulong.

Oktubre 05, 2023. Dalawang residente ng Barangay Canapawan sa bayan ng Labo ang dalawang beses pinuntuhan ng mga ahente ng militar. Ang mga biktima ay pinipilit kunin na maging asset ng militar.

Ang mga biktima ay mga residente at sibilyang populasyon ng kanilang mga Barangay na inaakusahan at pilit na pinaaamin na mga kasapi at sumusuporta sa NPA. Kasabay ang pananakot at pagbabanta sa kanilang mga buhay, pinipilit rin ang mga biktima na maging asset ng militar.

Nananawagan ang NPA-CN sa lahat ng opisyal ng Barangay at lahat ng lingkod-bayan na bahagi ng inyong sinumpaang tungkulin na protektahan ang inyong mamamayan laban sa anumang tipo ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang-tao dulot ng karahasang militar ng NTF-ELCAC-AFP-PNP-CAFGU.

Hinahamon din ng NPA-CN ang lahat ng nais maglingkod sa bayan na dalhin ninyo sa inyong mga plataporma ngayong nalalapit na eleksyong pambarangay ang sigaw ng hustisya para sa lahat ng biktima ng karahasang militar sa kanayunan. Sa mga opisyal ng lalawigan at ng bayan, ngayon ninyo ipakita ang inyong mga pangako na para kayo sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

Hinikayat ng ACC ang mamamayan ng Camarines Norte na patuloy na ilantad at ireklamo ang anumang tipo ng pang-aabusong militar sa inyong mga lugar. At sa malala at mabigat na kaso ay dapat na sampahan ng demanda ang mga militar na abusado. Ang kanilang pananahimik ay mas lalong magpapalakas ng loob sa mga berdugo at pasistang NTF-Elcac-9th IBPA ng AFP-PNP- CAFGU.

Serye ng mga paglabag sa karapatang-tao sa Camarines Norte, manipestasyon ng nag-uulol na NTF-Elcac na makapagtala ng mga pekeng surrender sa prubinsya