Sigaw ng mga manggagawa, nakabubuhay na sahod hindi limos at mumo
Napakalaking insulto sa mga manggagawa ang barat na P30 dagdag-sahod sa rehiyon ng Cagayan Valley. Garapalan pang ipinagmamamalaki ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB) na “timplado”, “dumaan sa provincial consultation” at “makatarungan at nararapat” lamang ang nasabing umento sa sahod batay sa implasyon sa rehiyon. Katwiran din ng RTWPB ang pagpapatupad noong Abril ng ₱30 dagdag-sahod sa ikalawang tranche ng barat na pag-umento. Ipinagmamayabang ng wage board na mas mataas ito sa ₱20 dagdag sa sahod na gustong ipatupad ng mga negosyo gayung malayo ito sa ₱100-₱150 pagtaas na iginigiit ng sektor sa paggawa, at lalong higit na malayo sa ₱1,101 family living wage (FLW) ng rehiyon o nakabubuhay na sahod para sa limang miyembro ng pamilya.
Sa kabila ng pagbaba ng tantos ng implasyon nitong Setyembre, hindi pa rin magkamayaw sa taas ng presyo ang mga pangunahing bilihin lalo ng mga produktong agrikutural matapos manalasa ang bagyong Julian. Ang mumong dagdag-sahod ay hindi kayang ipambili ng kahit isang kilo ng bigas na ngayon ay nasa ₱50-₱60 pa rin, taliwas sa mga pangakong ibababa ito tungong ₱20 kada kilo. Sa limos na umento, namumulubi pa rin ang 64,000 manggagawa sa serbisyo na may arawang sahod na ₱480 mula sa dating P450. Gayundin ang mga manggagawa sa agrikultura na sumasahod ng ₱460 mula sa dating ₱430, at non-agricultural sa ₱450 mula sa ₱420.
Sa sarbey ng market rasearch firm na Kantar mula Pebrero-Abril, lumalabas na 73% ng mga Pilipino ang pumapasok sa mga “sideline” o naghahanap ng iba pang pagkakakitaan upang mairaos ang kanilang pinansyal na kalagayan. Patunay lamang ito na kulang na kulang ang arawang kita ng karaniwang Pilipino ngunit patuloy na itinatatwa ng mga manipuladong estadistika ng pag-unlad at antas ng kahirapan.
Walang dahilan ang mga manggagawa ng Cagayan Valley upang magsaya sa insultong barat na sahod na ito ng rehimeng US-Marcos Jr. Bagkus ay nagpupuyos sila sa galit dahil tulad ng kanyang ama, siya ay kontra-manggagawa, pahirap, at inutil sa masang anakpawis. Habang isang-kahig isang-tuka ang mayorya ng mamamayang Pilipino, nagpapakasasa naman sa luho at karangyaan ang pamilya Marcos. Kontrolado ni Marcos Jr ang ₱550-bilyong Maharlika Investment Fund, umaabot sa tumataginting na ₱4.56 bilyon ang kanyang confidential at intelligence funds, natakasan ng kanyang pamilya ang mga kasong kriminal na kinasasangkutan ng hindi bababa sa ₱202.1 bilyon nakaw na yaman sa ilalim ng diktadurang Marcos, at nitong huli lamang ay nilustay ang pera ng taumbayan sa pagpapagawa ng resort at park sa Malacañang. Si Marcos Jr ang tagapagmandila ng at kumakatawan sa burukrata-kapitalismo at tagapagtanggol ng interes ng imperyalismong US, malaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Ginagamit niya ang malawak na kapangyarihan ng estado para sa pang-ekonomya at pampulitikang interes at pagsilbihan ang imperyalistang amo.
Sinasadya ni Marcos Jr na lalong hilain pababa ang tunay na halaga ng sahod at panatilihin ang mawalakang disempleyo upang patuloy na lumobo ang reserbang hukbo sa paggawa alinsunod sa dikta ng imperyalismong US. Sinisiil ang karapatan ng mga manggagawa para sa katiyakan sa trabaho, at karapatang mag-unyon at karampatang nakabubuhay na sahod dahil sa mga batas tulad ng Wage Rationalization Act, Herrera Law, at Anti-Terrorism Act.
Wala nang ibang pagpipilian ang uring manggagawa kundi ang suungin ang iba’t ibang porma ng paglaban—hayag at lihim, ligal at iligal, armado at di-armado—upang putulin ang tanikala ng kanilang pagiging aliping sahuran. Ang malawakang kagutuman at kahirapan ay matabang lupa para sa pag-igting ng rebolusyonaryong armadong paglaban sa kanayunan, sa batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka.