Singilin ang rehimeng Marcos sa kapabayaan at kainutilan nito sa pananalasa ng El Niño! Igiit ang makatarungang ayuda, subsidyo at bayad-pinsala, at isulong ang tunay na repormang agraryo sa harap ng mga kalamidad!

,

Mag-iisang taon nang nagdurusa ang mamamayan sa El Niño mula ideklara noong Hulyo 2023. Patapos na ang kalamidad ng tagtuyot at tumutungo na ito sa panibagong kalamidad na posibleng mangyari sa panahon ng La Niña, subalit walang ginawa ang rehimen at ang mga ahensya nito upang saluhin ang matinding epekto nito sa kabuhayan ng taumbayan, lalo na ang mga pinakabulnerableng sektor na magsasaka, mangingisda at iba pang maralita.

Ayon sa tala ng Department of Agriculture-Region I noong Mayo 2024, umabot na ₱152 million ang pinsala ng tagtuyot ngayong El Niño sa mga pananim sa rehiyon. Pagtaya ng ahensya ay aabot sa 3,141.9 ektarya ng lupa at 5,968 na magsasaka ang apektado sa buong rehiyon. Siguradong mas malaki pa ito sa aktwal.

Kalunos-lunos ang epekto ng El Niño sa kalakhang sakahan at pangisdaan ng Ilocos. Dahil sa karamihang sakahan ay umaasa sa ulan para sa patubig, malaki ang ibinagsak ng kanilang ani na umaabot sa 50% hanggang 80%. Malawak na sakahan ang hindi na natamnan ng second crop sa palay, at hindi na natamnan ng mga produktong pangtag-araw kagaya ng pakwan at sibuyas. Bumaba ang ani sa mais nang hanggang 50% (mula 4-5 tonelada kada ektarya tungo sa 2-3.5 tonelada) dahil sa pagkabansot at sobrang pagkatuyo ng mga ito. Malaki din ang sira at pagbaba sa kalidad ng pananim na tabako, dahil sa kakulangan ng patubig. Sa nakuhang datos sa 49 magsasaka ng 5 barangay pa lamang, umaabot na sa 12.31 ektarya o 67% ng kanilang sakahan ang nasalanta at nawalan sila ng halagang ₱644,645 kita sa palay.

Malaki din ang pinsala ng El Niño sa kabuhayan ng mangingisda ng Ilocos. Umaabot pa hanggang 99% ang ibinagsak ng huling isda sa mga baybay, o sa dating 500 kilo na huli, ngayon ay kulang pa ng 5 kilo na lamang. Sa iba naman ay kulang pa sa 15 kilo ang nakukuhang isda. Kung kaya’t maraming mangingisda ang bihira o hindi na pumapalaot dahil sa labis na pagkalugi nila. Tuyo din ang mga ilog, sapa at ekta-ektaryang mga fish cage. Hindi man tuluyang natuyo, nangangamatay o hindi lumalaki ang mga isda rito dahil sa sobrang init.

Dahil sa El Niño, malaking dagdag pasanin sa gastos ng magsasaka at mangingisda ang krudo, gasolina at kuryente na tuloy-tuloy na nagmamahal. Lalong lumakas at dumalas ang pagbomba ng tubig gamit ang krudo at kuryente, dati ay isang beses ngayon ay tatlong beses na sa isang linggo. Mas marami ding gasolina ang ginagamit ng mga bangkang kailangang lumayo upang makapangisda.

Dahil sa pagtaas ng gastos sa produksyon at pagliit ng suplay, tumaas ang presyo sa merkado ng isda at gulay. Nasa 20% ang itinaas ng presyo ng isda, mula ₱120-₱150/kilo tungong ₱250-₱280/kilo ang low class at mula ₱250-₱280 tungong ₱400-₱5o0/kilo ang high class. Ang presyo ng sari-saring gulay naman ay tumaas nang abereyds na 40%.

Uhaw ang inaabot ng kalakhang maralitang masang Ilokano dahil sa pagkasaid ng mga bukal. Karamihang komunidad ay walang maayos at libreng serbisyo sa malinis na tubig inumin at pangbahay. Sa El Niño, lalo pa silang naghihirap at nagtitiis sa pagsalok sa malalayo, kundi man ay maruruming bukal. Ang iba ay bumibili ng mahal na ₱60/drum-₱80/drum ng tubig. Ang mga dating sumasalok lang sa malinis na bukal para sa tubig inumin ay bumibili na ngayon ng mahal na mineral water. Mas masahol pang pagsasamantala ang inaabot ng ilang komunidad na minomonopolyo ng panginoong maylupa ang tubig, para sa kanilang sakahan, pasto at negosyo kung kaya’t salat na salat na ang nakakarating sa mga komunidad.

Maraming irigasyon sa Ilocos ang sira, pero imbes na kumpunihin at magtayo ng tunay na serbisyong patubig sa sakahan ay inilalaan ang pondo sa mga malalaki at mapanirang mga dam para sa negosyong hydropower kagaya ng Ilocos Norte-Ilocos Sur-Abra-Irrigation Project at Cabacanan Dam.

Sa katunayan, ang salanta na dulot ng El Niño ay bahagi lamang ng samu’t saring salik ng pagbagsak ng ani at kita ng masang magsasaka at mangingisda ng Ilocos. Mula pa 2020, ramdam na ang lumalaking pagbagsak sa ani at kita nila na dulot ng kasalatan ng patubig, tuloy-tuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon, hindi angkop na binhing HYVs, mga kalamidad at mga peste at kasalatan ng ayuda at kawalan ng subsidyo ng gubyerno.

Sa ganitong kalagayan, salat na salat ang ayudang ibinibigay ng reaksyunaryong gubyerno sa magsasaka, mangingisda at iba pang maralitang mamamayang apektado ng kalamidad na El Niño. Noong pang nakaraang taon ay nagdedemanda na ang magsasaka at mangingisda sa Ilocos ng sapat na ayuda, subsidyo sa produksyon at ngayo’y bayad-pinsala dahil sa matinding pagbagsak ng kanilang ani at kita pero hanggang ngayon na sumirit na ang salanta ng tagtuyot sa kanilang kabuhayan ay wala pang responde ang mga ahensya ng gubyerno.

Patunay ng kainutilan at kapabayaan ng gubyerno ni Marcos, hinihintay pa na magdeklara ang mga munisipalidad ng “State of Calamity” bago maglabas ng pondo para dito, gayong idineklara na ang El Niño noon pang Hulyo 2023. Kapabayaan din sa panig ng mga LGU ang hindi kaagad pagdedeklara ng kanilang mga munisipalidad at probinsya sa “state of calamity” gayong noon pang nakaraang taon ay dumadaing na ang magsasaka at mangingisda ng laganap na salanta nito sa kanilang kabuhayan. Dahil dito, kailangan pa nilang magpetisyon sa mga LGU na ideklarang nasa “State of Calamity” ang mga probinsya para mailabas ang pondo, na mistulang hinihintay pang umamot ng ayuda sa karurokan ng kanilang kahirapan.

Makatarungan lamang na igiit ng magsasaka at mangingisda ang sapat na ayuda, subsidyo sa produksyon at bayad-pinsala sa panahon ng mga kalamidad. Dahil ang naghaharing rehimeng Marcos na kinatawan ng mga panginoong maylupa at malaking burges kumprador ay hindi maasahang boluntaryong ilabas ang pondo para dito, kailangang isustini ang militanteng pakikibaka para igiit ang paglalabas ng mga ito upang gamiting subsidyo sa produksyon at makabawi sa kanilang kawalan. Halimbawa, nandiyan ang pondo mula sa excise tax ng tabako na laan para sa subsidyo sa produksyon ng tabako na kailangang gamitin ng magsasaka, imbes na ibulsa at gamitin lamang muli ng mga kurakot na pulitiko sa eleksyon.

Ang kalamidad na El Niño ay isa lamang sa samu’t-saring suliranin na hinaharap ng masang magsasaka at iba pang maralita sa kanayunan. Higit pa sa pakikibaka para makuha ang nararapat na ayuda, subsidy at bayad-pinsala dito, kailangang isulong ng masang magsasaka at iba pang maralita sa kanayunan ang pakikibaka para sa pagtataguyod ng rebolusyonaryong programa para sa tunay na repormang agraryo. Ito ang tutumbok sa ugat ng kanilang karalitaan—ang kawalan ng lupa dulot ng monopolyo sa lupa at pyudal na pagsasamantala sa kanila ng mga panginoong maylupa, kasabwat ang kapitalistang pagsasamantala ng malalaking burges kumprador na sinusuhayan ng burukratikong kapabayaan ng estado at pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran sa agrikultura.

Laman ng rebolusyonaryong programa sa tunay na reporma sa lupa ang programa sa pagsalo sa pagbagsak ng kabuhayan ng magsasaka sa mga panahon ng kalamidad. Isinasaad dito na kung 20% ng ani o higit pa ang nasira ng anumang kalamidad kagaya ng baha, tagtuyot, peste, sunog o aksyon ng kaaway, hindi magbabayad ang magsasaka ng anumang upa sa lupa sa panginoong maylupa. Kung 50% o higit pa ang nasira sa ani, hindi magbabayad ang magsasaka ng anumang upa sa lupa para sa kasalukuyang ani at pati sa susunod. Nakasaad din na pagpapasyahan ng samahan ng magsasaka ang makatarungang kabayaran sa mga utang at puede ding burahin ang utang dulot ng pagkasira ng ani.

Kalangkap ng pakikibaka kaugnay sa kalamidad, laman ng programa para sa tunay na reporma sa lupa ang ang pagpapatupad sa makatarungang presyo ng produktong bukid at gamit sa pagsasaka, pagpawi sa usura, pagbawas sa upa sa lupa hanggang mapawi ito. Ginagawa ito ng hakbang-hakbang, mula sa minimum hanggang sa maksimum na programa sa pagsasabansa sa lupain ng mga panginoong maylupa at libreng pamamahagi nito sa mga nagbubungkal na walang lupa o walang sapat na lupa.

Tanging ang pambansa-demokratikong kilusan, sa gabay ng Partido Komunista Komunista ng Pilipina, ang nagsusulong ng programa para sa pagpawi sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at bumubunot sa ugat ng kahirapan ng nakararaming uring magsasaka at lahat ng maralitang masang Pilipino, at maisasakatuparan lamang ito sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.

Sa panahon ng kalamidad at higit kailanman, ang magsasaka at maralitang Ilokano ay nararapat na tumanaw sa pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo. Kailangan nating palawakin at palakasin ang ating rebolusyonaryong samahan, ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM), na nagsisilbing gulugod ng kilusang magsasaka. Kasabay nito ay kailangan nating palakasin ang New People’s Army na nagsisilbing pangunahing sandata natin sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Sa ating karanasan sa Ilocos, natamo natin ang mga tagumpay sa kilusang magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalakas sa rebolusyonaryong gulugod nito at armadong pakikibaka.

Kasing-init na hatid ng El Niño ang pag-aalab ng poot ng mamamayang Ilokano sa kapabayaan ng rehimeng Marcos. Kailangan nating ituon ang poot na ito sa pagpapaalab at pagsusulong ng ating demokratiko at rebolusyonaryong pakikibaka at sa pagsusulong ng armadong pakikibaka hanggang matamo ang tunay na repormang agraryo.

Singilin ang rehimeng Marcos sa kapabayaan at kainutilan nito sa pananalasa ng El Niño! Igiit ang makatarungang ayuda, subsidyo at bayad-pinsala, at isulong ang tunay na repormang agraryo sa harap ng mga kalamidad!