Pahayag

Sining na Punla

,

 

Sining na Punla
ni Bukang-Liwayway

isang paalala,
kabataan, artista, kasama:
isa kang panibagong manghuhubog
at makabagong manlilikha.
sa iyong paghuhulma ng sarili, isa kang dakila,
kung kaya’t tayo ri’y mga makapangyarihang
manlilikha.

isang paalala,
kabataan, artista, kasama:
hasain mo ang mga tainga’t palawakin ang paningin,
palalimin mo ang damdamin at patalasin ang hangarin,
ang pinakadakilang akda ay iyong maililikha
sa dahon ng saging, sa masaganang lupain,
sa umiindak na luntian, sa hanging humaharana
sa ritmo ng pumapatak na ulan
na tila mga balang sumusugat sa ating tahanan.
sumilong ka sa bisig ng mga matatayog na puno,
ito’y iyong kasama, kapwa manlilikha.

isang paalala,
kabataan, artista, kasama:
ang ating sining ay isang punla na magsisibol
ng pinakadakilang akda, at magyayabong
sa masaganang lupa, sa aruga ng masang ating
dinadakila.

___
Mula sa Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas)-Balangay Deborah Stoney, isang balangay sa Southern Tagalog.

Sining na Punla