Suportahan ang Oslo Joint Statement para muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP
Ikinagagalak ng buong Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU-NDF-ST) at ng buong masang manggagawa sa Timog Katagalugan ang Oslo Joint Statement para muling buksan ang peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP.
Ang Oslo Joint Statement ay nilagdaan ng Negotiating Panel ng NDFP at ng GRP noong Nobyembre 23, 2023 sa Oslo, Norway. Produkto ito ng ilang buwang pag-uusap, na unang pinirmahan noong Agosto 10 ng kinatawan ng Royal Norweigian Government (RNG) bilang Third Party Facilitator sa usapang pangkapayapaan.
Taas kamao naming binabati at malugod na sinusuportahan ang buong negotiating panel ng NDFP na pinamumunuan ng kagalang-galang na si Kasamang Juliet de Lima, at mga iginagalang nitong miyembro na sina Ka Louie Jalandoni, Ka Coni Ledesma at Ka Asterio Palima sa kanilang pagharap sa rehimeng US-Marcos sa hapag ng usapang pangkapayapaan. Buumbuo ang pagtitiwala ng RCTU sa pagkatawan nila sa malawak na demokratikong interes ng mamamayang Pilipino.
Napapanahon ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan upang hanapan ng solusyon ang pagwawakas ng digmang sibil sa Pilipinas. Subalit dapat kilalanin na nagsisimula ang dalawang panig sa pundamental na magkasalungat na pusisyon. Hinahangad ng NDFP na lutasin ang ugat ng gerang sibil at pagkakamit ng hustisyang panlipunan para sa mayorya ng masang api’t pinagsasamantalahan. Samantala, layon ng GRP ang pagsuko, paglansag at reintegrasyon sa armadong pwersa ng NPA nang di nilulutas ang mga saligang problema ng mamamayan.
Kagaya ng mga naunang usapang pangkapayapaan sa nagdaang mga rehimen, inaasahan natin ang masalimuot na landas na daraanan bago makamit ang matagalang kapayapaang nakabatay sa katarungang panglipunan na siyang inaasam at itinataguyod ng NDFP para sa sambayanang Pilipino.
Gayunpaman, positibong hakbang ang Oslo Joint Statement para bagtasin ang mahabang martsa at humantong sa pagpapatuloy ng pormal na negosasyong pangkapayapaan para sa pagkakamit ng mithiin ng mga mamamayan para sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Sa gayon, malalaman natin kung sinsero ang rehimeng Marcos Jr—kung magiging kaiba siya ng mga nakaraang rehimeng ginawang patibong ang peace talks para bitagin at mahulog sa pagsuko at pasipikasyon ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at buong rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino; at samakatuwid, mailalantad na hindi totoong ang layunin ng kanilang pagpasok sa usapan ay para lutasin ang malalim na ugat ng dantaong paglaban ng mamamayan sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Nakikiisa kami na wasto, makatwiran at makatarungan ang panawagan ng NDFP na ilatag ang paborableng kundisyon para hawanin ang masukal na daan pabor sa pag-uumpisa ng pormal na peace talks. Ngunit upang mas buhay na dumaloy ang negosasyon, kailangang buuin ang mutwal na tiwala ng magkabilang panig.
Sa gayon, dapat na palayain ang lahat ng NDFP peace consultant para payagan silang makilahok sa mga talakayan at negosasyon at ipawalang-bisa ang “terrorist designation” sa NDFP, kay Ka Luis Jalandoni, sa CPP at NPA, at iba pang tauhan ng NDFP. Ang mga ito ay kritikal at praktikal na mga hakbang upang magpatuloy ang negosasyon dahil kailangan ang kanilang papel sa negosasyon.
Dapat ding bawiin ang mga patakarang ipinatupad ng nagdaang mamamatay-taong rehimen ni Duterte laban sa nakikibakang sambayanang Pilipino: ilan dito ay ang pagbasura sa EO70 at MO32, pagbasura sa Anti-Terror Law at paglansag sa NTF-Elcac na walang habas na lumalabag sa mga batayan at pundamental na karapatan ng mamamayang nakikibaka para sa kanilang mga batayang karapatan.
Malaon nang naghahanap ng tunay na kalutasan at pagbabago ang mamamayang Pilipino. Ang malalim na krisis sa ekonomiya na ibayong nagpapahirap sa kabuhayan ng mamamayan gaya ng mababang sahod ng manggagawang Pilipino, mataas na mga bilihin at serbisyo na hindi na maabot ng karaniwang mamamayan, ang patuloy na paglabag sa kanilang mga pundamental at batayang karapatan habang patuloy na nagpapasasa ang iilang nasa poder ng kapangyarian ang matabang lupa na nagsisindi sa patuloy na paglaban ng mamamayan at di masasaid na bukal ng mga boluntaryo para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Sa mahabang panahon, ipinakita ng kasaysayan na walang ibang paraan ang mamamayang Pilipino kundi ang patuloy na paigtingin ang kanilang mga pakikibakang masa at rebolusyonaryong armadong pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan, mga karapatan at pambansang kalayaan, at para ihiwalay at labanan ang papet, pasista at mapang-aping mga rehimeng na ngayon ay kinakatawan ni Marcos.
Nananawagan ang RCTU sa lahat ng manggagawa at mamamayan na suportahan ang usapang pangkapayapaan. Kasabay nito, patuloy ang panawagan sa lahat ng manggagawa na malakas na bigkisin ang pagkakaisa at paglaban para magtayo ng maraming tunay-na-unyon sa maraming pagawaan, magsulong ng mga pakikibaka para sa dagdag-sahod at benepisyo, ipagtanggol ang mga batayang karapatan sa pagtatayo ng unyon, regular na trabaho, at kaalinsabay, ilantad at labanan ang panghahalihaw na ginagawa ng mga tauhan ng NTF-ELCAC at TF Ugnay sa mga lider unyunista sa Timog Katagalugan.#