Suportahan ang panunumbalik ng negosasyong pangkapayapaan, ipaglaban ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan!

Positibo ang mga pagsisikap ni Senador Loren Legarda at mga makabayan at progresibong kongresista sa Kamara na muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Kapuri-puri ang pagsuporta rito ng mga taong simbahan, makataong institusyon at mamamayan sa gitna ng pakana ng mga alipores ng ilehitimong rehimeng Marcos II na pigilan ito. Nararapat na ibukas ang negosasyon upang talakayin ang ugat ng armadong tunggalian at mga demokratikong repormang mahigpit na hinihiling ng taumbayan sa gitna ng malawakang krisis panlipunan.

Mariin namang kinukundena ng NDFP-ST ang iskema ng mga ahente ng US sa AFP-PNP, ng dating Senador Panfilo Lacson at iba pang mga kinatawan ng reaksyunaryong estado na pigilan ang panawagan para sa muling pagpapanumbalik ng negosasyong pangkapayapaan. Tahasan nilang ni-red-tag si Legarda at ilang kongresista na sumuporta rito. Kasuklam-suklam din ang pagbibingi-bingihan ni Ferdinand Marcos Jr. sa kahilingan ng mamamayan na ibalik ang negosasyon. Sa halip, ipinaubaya niya sa isang task force lamang sa pamamagitan ng NTF-ELCAC ang isang mahalagang pambansang usapin hinggil sa kapayapaan, kung saan localized peace talks ang isinusulong na solusyon ng mga berdugo.

Isang malaking kalokohan ang ipinagpipilitan ng reaksyunaryong gubyerno na malulutas ang krisis at armadong paglaban sa pamamagitan lamang ng localized peace talks. Sa iskemang ito, tanging anino ng reaksyunaryong rehimen ang kinakausap nito at walang nagaganap ni anumang lokal na pakikipagnegosasyon saanmang bahagi ng bansa. Ang localized peace talks na isinusulong ng rehimen at NTF-ELCAC ay isang kampanya ng pagpapasuko, panggigipit at panlilinlang sa mga sibilyang komunidad sa ilalim ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at Barangay Development Program (BDP). Malaking aksaya sa pondo ng bayan ang localized peace talks na ginagamit pangunahin para sa malawakang kampanyang pagpapasuko na karamihan sa mga biktima’y mga magsasaka, katutubo at maralitang ginipit ng militar. Ginagamit ang kampanyang pagpapasuko upang lumikha ng ilusyong “nagwawagi” ang “kontra-insurhensyang” gera ng reaksyunaryong estado.

Lalo pang lumaganap ang karahasan sa mga lugar na idineklara ng AFP-PNP na may localized peace talks. Ipinapakat sa mga lugar na ito ang mga tropang pang-retooled community support program (RCSP) upang takutin ang mamamayan at wasakin ang kanilang pagkakaisa. Kasabay nito ang pagpapatupad ng maanomalyang BDP sa mga diumano’y “nilinis” na barangay at ang pagsusulong ng mga huwad na programang pangkaunlaran bilang pantapal na solusyon sa pagiging atrasado ng kanayunan. Subalit katulad ng mga pondong inilaan para sa lokal na negosasyong pangkapayapaan at kampanyang pagpapasuko, ginawa lamang gatasang baka ng matataas na heneral ng NTF-ELCAC ang BDP.

Para pagtakpan ang kahungkagan ng localized peace talks, mapanlinlang na iniaalok ni dating heneral at hepe ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. ang pagbibigay ng “peace education” sa elementarya hanggang kolehiyo. Layunin nitong isantabi ang limang dekadang pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na kaunlaran at kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Itinutumbas nila ang kapayapaan bilang pagsuko at pagsasalong ng armas ng mga rebolusyonaryo nang hindi nilulutas ang ugat ng nagaganap na gera sibil sa bansa. Nais ng mga naghaharing uri ang isang kapayapaan ng libingan ng mga pinagsasamantalahan at inaapi. Gagamitin din itong paraan para i-red-tag ang mga progresibong organisasyon, aktibista at kritiko ng administrasyon. Nauna nang ipinatupad ang kampanya para sa “information awareness” ng 91st IB at DepEd-Schools Division Office sa Aurora para sa mga estudyante ng Grade 9, 10 at senior high school. Nais nitong kitlin ang kritikal na pag-iisip ng mga kabataan palayo sa tunay na kalagayan ng lipunan at lasunin ang kanilang isipan sa mga anti-komunista at “anti-teroristang” kasinungalingan.

Malinaw na walang patutunguhan ang ipinagmamaraling localized peace talks ng reaksyunaryong estado dahil ang mga suliranin ng mamamayan sa lupa, sahod, karapatan at labis na kahirapan ay hindi mareresolba sa lokal na antas lamang kundi sa pagbabago ng buong sistemang malakolonyal at malapyudal. Tinatalakay sa adyendang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), ang pangalawa sa hanay ng mga kasunduang binubuo ng dalawang panig sa negosasyon, ang mga solusyon sa suliranin ng bayan. Inihahapag ng CASER ang mga kongkreto at komprehensibong hakbangin na lulutas sa kahirapan at pagkaatrasado ng bansa—ang Agrarian Reform and Rural Development o ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pagpapaunlad ng agrikultura at kanayunan at ang National Industrialization and Economic Development o pambansang industriyalisasyon at kaunlarang pang-ekonomya.

Nababahala ang naghaharing uri na mawala sa kanila ang kapangyarihan sa ekonomiya kung isusulong ang CASER kaya ginagawa nila ang iba’t ibang pakana upang hadlangan ang negosasyong pangkapayapaan. Matatandaang nabahura ang negosasyong pangkapayapaan sa nagdaang administrasyong Duterte noong Hunyo 2017 bunsod ng pananabotahe ng mga ahente ng US na sina Lorenzana, Esperon at Año. Tuluyang nahinto ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 360 at ng deklarasyong “terorista” ang CPP-NPA-NDFP. Isinabatas ang Anti-Terrorism Act noong 2020 at binuo ang Anti-Terrorism Council noong 2021 na nagdeklara sa CPP-NPA-NDFP bilang “terorista” upang gawing katwiran para hindi na makipagnegosasyon.

Ang aktong ito ay pagsasalaula sa mga naging kasunduang resulta ng makabuluhang pagsulong ng negosasyong pangkapayapaan ng NDFP at GRP sapul 1992. Malaon nang kinilala ang rebolusyonaryong kilusan bilang isang belligerent force o isang lehitimong pwersang nakikidigma at katapat na pwersa ng reaksyunaryong gubyerno sang-ayon sa The Hague Joint Declaration. Malayo na rin ang mga tagumpay na nakamit sa negosasyon kagaya ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Tinitiyak ng una ang kaligtasan ng mga negosyador ng magkabilang panig habang ang huli ay nagtatalakay sa mga karapatan ng mga sibilyan at armadong pwersa sa panahon ng digmaan. Nakamit ang mga ito sa matatag na paninindigan ng NDFP at mamamayang Pilipino sa pakikipagnegosasyon sa nagdaang rehimeng Ramos at Estrada.

Nararapat na kundenahin ang AFP-PNP at mga ahente ng US sa pagsabotahe ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Ilunsad ang malawakang kampanyang edukasyon upang mabigyang linaw ang kahalagahan ng pagsusulong at pagtutuloy ng negosasyong pangkapayapaan. Nananawagan ang NDFP-ST sa mamamayang Pilipino na patuloy na magkaisa at igiit ang panunumbalik ng negosasyong pangkapayapaan sa harap ng mga pakana ng ilehitimong rehimeng Marcos II na ibasura ito.

Naninindigan ang rebolusyonaryong kilusan na dapat ilatag ang paborableng kondisyon upang muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan. Kung seryoso ang reaksyunaryong gubyerno sa pagkakamit ng tunay na kapayapaan, dapat nitong igalang ang mga napagtibay na kasunduan at kilalanin ang mga substantibong adyenda para sa negosasyong pangkapayapaan. Kailangang magpakita ng “act of goodwill” ang reaksyunaryong gubyerno kagaya ng pagtigil sa pang-aatake sa mamamamayan, militarisasyon sa kanayunan, pagtarget sa mga consultant ng NDFP at iba pang katulad.

Sa kawalan ng kaseryosohan ng naghaharing rehimen sa negosasyong pangkapayapaan, higit na kailangang patuloy na isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa gitna ng malawakang krisis na pinalala ng pagkakaluklok ng ilehitimong rehimeng Marcos II. Sa pagtatagumpay ng rebolusyon, makakamit ng buong bayan ang tunay, pangmatagalan at makatarungang kapayapaan na nakabatay sa hustisyang panlipunan.###

Suportahan ang panunumbalik ng negosasyong pangkapayapaan, ipaglaban ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan!