Suportahan ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mga katutubong Adivasi sa India! Operation Kagaar, kundenahin at labanan!

, ,

Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Palawan sa pakikibaka ng mamamayang Indian, laluna ng mga katutubong Adivasi laban sa Operation Kagaar na inilulunsad ng pasistang rehimeng Narendra Modi. Ang magkahalintulad na kalagayan ng mga mamamayan at pambansang minorya ng malakolonyal at malapyudal na Pilipinas at India ang dahilan kaya sinusuportahan natin at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Palawan ang ilang dekada nang pagbangon at pakikibaka ng mamamayan ng India sa pamamagitan ng pagsusulong ng digmang bayan.

Sa mayaman-sa-mina na estado ng Chattisgarh, brutal na sinasalakay ng rehimeng Modi ang mga komunidad ng katutubong Adivasi na nagsasapanganib sa libu-libong buhay ng mamamayan at kanilang kabuhayan. Sinimulan nitong Enero ang pagpapatupad ng Operation Kagaar ng reaksyunaryong sentral at pang-estado na gubyerno ng India. Nakatuon ito sa Abujhmaad (Maad), isang mabundok at magubat na rehiyon sa timog ng estado ng Chhattisgarh. Ang Maad ay bahagi ng mas malaki pang kagubatan na Dandakaranya na nasa saklaw ng mga estado ng Chhattisgarh, Odisha, Telangana, at Andhra Pradesh sa Central India. Mayorya sa mga nakatira sa rehiyong ito o nasa 35,000 ay mga katutubong Adivasi ng India.

Higit 8% ng kabuuang populasyon ng India (104.2 milyon o halos kasinlaki ng populasyon ng Pilipinas) ay mga Adivasi. Sila ay mga pambansang minorya na binubuo ng higit 600 mga katutubong tribu na karamihan ay nasa Central India. Ang mga Adivasi ay nakatira sa mga kagubatan (na sangkapat ng buong teritoryo ng India) kung saan mahigpit na nakatali ang kanilang pamumuhay.

Ang lupang ninuno ng mga Adivasi ay mayaman sa iron, copper, ginto, zinc, lead, manganese, chromite at bauxite, kung saan ang malaking bahagi ng coal (90%), gubat at rekursong mineral (72%) sa India ay matatagpuan dito. Sa estado ng Chattisgarh pa lamang, matatagpuan na ang malaking bahagi ng reserbang mineral ng India, kabilang ang 38% ng tin ore nito, 20% ng bauxite nito, 18% ng iron ore nito, 17% ng coal nito at 4% ng diyamante nito. Ang pagmimina sa Chattisgarh lamang ay nag-aambag na ng halos 13% ng kabuuang halaga ng minang napoprodyus ng India. Dito rin matatagpuan ang iba’t ibang mineral na esensyal sa mga industriya at mga rare-earth metal (REME). Malaking bahagi ng mga kagubatan ng mga Adivasi ay pinagkukunan ng troso at iba pang mga produktong kahoy. Ginagamit din itong mga pastuhan at taniman ng malalaking plantasyon.

Gayunman, ang napakayamang kagubatan at kabundukan na lupaing ninuno ng mga katutubong Adivasi ay pinakikinabangan at dinadambong ng nagsasabwatang mga nahaharing pulitiko at opisyal ng India, multinasyunal na kumpanya at pribadong korporasyon sa mina at iba pang negosyo, at ng imperyalistang mga tauhan. Halimbawa nito ang mina ng coal sa Chattisgarh na hawak ng multinasyunal na kumpanyang Adani. Dati pa man, ipinatutupad na ng reaksyunaryong estado ng India ang henosidyo laban sa mga Adivasi. Naitala ang hindi na mabilang ng mga kaso ng pagpapalayas sa kanila, pang-aagaw sa kanilang lupa at pagpasok dito ng mga malalaking korporasyon. Papaliit ang eryang saklaw ng mga lupaing ninuno ng mga Adivasi dahil sa mga programang pagsasabansa ng mga kagubatan, pribatisasyon, industriyalisayon, pagpapalawak ng taniman, paghuthot sa mga likas na yaman at paglaan umano para sa widelife reserves at national parks. Ibayong tumindi ang mga ito sa ilalim ng pasismong Brahmanic Hindutva (pasismo laban sa mga minoryang relihiyon at mababang grupong panlipunan) ng rehimen ni Narendra Modi.

Katulad ito ng kalagayan ng mga pambansang minorya sa Palawan kung saan nanghihimasok at dinadambong ng iba’t ibang mga dayuhang kumpanya sa mina, kasabwat ang lokal na reaksyunaryong gubyerno sa pangunguna ng sabwatang Socrates-Alvarez, ang yamang mineral sa kanilang lupaing ninuno. Dagdag pa rito ang pagtatayo ng mga plantasyon ng oil palm at iba pang cash crops, mga proyektong pagpapalit-gamit ng lupa tungong residensyal at para sa eko-turismo. Dahil dito, napapalayas ang mga pambansang minorya at nawawasak ang kalikasan ng Palawan.

Ang Operation Kagaar sa Central India ay katambal ng ibayong korporatisasyon at pagpasok ng malalaking mga kumpanya sa mayamang kagubatan ng India. Upang maitaguyod ang neoliberal na mga patakaran, umiinog ang estratehiya ng India sa pribatisasyon, korporatisasyon at militarisasyon. Una, isinasapribado ang umiiral nang mga pampublikong sektor sa operasyon ng mina at nagbibigay ng lisensya para sa pagbubukas ng bagong minahan ng mga korporasyon. Mula 2003 hanggang 2018, pinirmahan ng estado ng Chattisgarh ang 272 Memoranda of Understanding (MoU), na mangangailangan ng halos $16.5 bilyon na pamumuhunan. Sa pagitan naman ng 2019-2021, nilagdaan nito ang bagong set ng 104 MoUs na nagkakahalaga ng $6 bilyon.

Ikalawa, pinag-ibayo rin ang konstruksyon ng mga imprastruktura para higit na mapadulas ang operasyon ng mga korporasyon, kabilang ang para sa pagmimina at transportasyon ng mga mineral tulad ng mga kalsada, riles, paliparan, iba pang lohistikal na suporta, libreng pasilidad sa tubig at kuryente para sa mga korporasyon at pagtanggal ng kanilang buwis sa loob ng ilang taon.

At ikatlo, ang buong rehiyon ay isinailalim sa militarisasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming kampo ng pulisya at paramilitar upang magsilbing bantay at sekyuriti sa mga operasyon at pandarambong ng mga dayuhang malalaking korporasyon sa likas na yaman ng bansa at supilin ang mga paglaban ng mamamayan. Kung gayon, malinaw sa mamamayang Adivasi na ang pribatisasyon, korporatisasyon at militarisasyon ay direktang banta sa kanilang buhay, kabuhayan at pamanang kultura.

Dahil sa pang-aapi at pambubusabos na nararanasan ng mamamayang Adivasi, malawak na hanay nila ang namumulat para makibaka. Pero hindi nag-iisa ang mga Adivasi sa kanilang paglaban, dahil kaisa at nasa unahan ng kanilang pakikibaka ang Partido Komunista ng India (Maoist) sa pakikibaka para sa hustisyang panlipunan at karapatan ng mamamayan para sa lupang ninuno, kabuhayan at kalikasan.

Itinuturing ng estado ng India ang mga Adivasi at ang mga Maoista bilang hadlang sa layunin nitong pandarambong sa yamang mineral na nakabaon sa kailaliman ng kalupaan ng mga Adivasi. Upang mapasakamay ang yamang rekursong ito, nagsagawa ang estado ng iba’t ibang pamamaraan at taktikang labag sa batas, kabilang ang pambobomba sa ere gamit ang mga drone. Ang brutal na estratehiyang ito ay hindi lamang nagsasawalang-bahala sa karapatan ng mga komunidad ng Adivasi kundi higit na nagpapatingkad sa pagpapauna ng estado sa interes ng mga korporasyon kaysa sa kapakanan ng mamamayan ng India.

Inilunsad ang Operation Kagaar sa desperasyon ng pasista-teroristang rehimeng Modi na durugin ang armadong pakikibaka na pinamumunuan ng PKI (Maoist) sa pagtatapos ng 2024. Para maisakatuparan ang walang-awang pagpatay, idineploy ng estado ng India hindi lamang ang libu-libong lokal na pulisya kundi pati ang mahigit 10,000 tropa at pwersang paramilitar gayundin ang mga yunit kontra-insurhensya sa unang bugso ng Operation Kagaar noong Enero. Ipinakat sila sa anim na kampong paramilitar sa lugar at nakapagtayo ng daan-daang kampo-militar sa tereyn ng Adivasi para takutin at lipulin sila. Sa gayon, mayroong tatlong paramilitar sa kada pitong lokal na residente.

Sa ilalim ng operasyon, hindi bababa sa 130 sibilyan at mga rebolusyonaryo na ang pinaslang ng estado ng India mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, o halos pito kada linggo. Patung-patong din ang mga kaso ng pag-aresto, panggagahasa sa mga kababaihan, sapilitang pagpapasuko bilang mga Maoista, walang-patumanggang pamamaril, pambobomba at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa ngalan ng Operation Kagaar. Lantarang nilalabag nito ang internasyunal na makataong batas, mga alituntunin sa digma at natatanging mga proteksyon para sa bulnerableng mga sektor sa lugar ng armadong sigalot.

Sa harap ng brutal at pasistang pag-atake at panunupil ng estado ng India, tuluy-tuloy at magiting na lumalaban ang mga Adivasi, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao at demokratikong organisasyon. Pinalalakas nila ang mga kampanya para itaboy ang mga kampo-militar sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng mga barikada at protestang masa. Pinaiigting din ng PKI (Maoist) at ng hukbong bayan nitong People’s Liberation Guerrilla Army (PLGA) ang armadong pakikibaka para bigwasan ang mga pasistang tropa at armadong pwersa ng India. Inaani nila ang malawak at hindi mapapatid na suporta ng mga Adivasi at iba pang mamamayan ng India sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan sa kanilang bansa.

Nananawagan ang NDFP-Palawan sa lahat ng mga demokratikong uri at sektor sa probinsya na suportahan ang pakikibaka ng mamamayan at mga katutubong Adivasi sa India. Maglunsad ng iba’t ibang anyo ng mga pagkilos ng pakikiisa sa kanilang pakikibaka at mga protesta ng panawagan para kundenahin at labanan ang Operation Kagaar ng pasista-teroristang rehimeng Modi. Higit pang palawakin at palakasin ang rebolusyonaryong organisasyong masa ng mga pambansang minorya sa Palawan na Supok at isulong ang mga pakikibaka para sa demokratikong interes nito tulad ng lupang ninuno at katiyakan sa kabuhayan. Puspusang itaguyod at isulong ang digmang bayan sa Palawan bilang bahagi ng pagpapaigting ng digmang bayan sa buong Pilipinas upang wakasan ang pang-aapi at pagsasamantalang dulot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas ang siyang pinakamalaking ambag at suporta ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon, bibigwas sa imperyalismo at hahawan ng landas sa pagtatatag ng sosyalistang lipunan.

Suportahan ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mga katutubong Adivasi sa India! Operation Kagaar, kundenahin at labanan!