Pahayag

Tagumpay ng mamamayan ang pagkakaaresto kay Rodrigo Duterte

Naganap na ang unang hakbang para papanagutin si Rodrigo Duterte sa kanyang krimen laban sa sangkatauhan matapos siyang arestuhin sa bisa ng red notice ng Interpol kaninang umaga paglapag niya sa paliparan mula Hongkong.

Inaasahang lilitisin ang dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court, kung gayon kailangang lalong maging mapagbantay ang mamamayan upang tiyakin ang pagpapatunay sa krimeng nagawa para mahatulan at kalauna’y mabulok siya sa bilangguan.

Kasabay ng tagumpay na ito ng sambayanang naghahangad sa katarungan, marami pang kailangan gawin kabilang na ang dapat na pagtutulak ng impeachment laban naman kay VP Sara Duterte.

Hindi dapat tumigil sa paniningil sa pangunahin pa ring kalaban ng mamamayan na gubyernong Marcos Jr sa patuloy na pagsahol ng kalagayang pampulitika at pagbagsak ng ekonomya sa bansa.

Ang krimen laban sa mamamayan ni Rodrigo Duterte ay hindi lamang dahil sa gera kontra-droga. Kabilang din ang gera kontra-Moro at lalo’t higit ang kontra rebolusyunaryong gera laban sa nakikibakang mamamayan. Ito ang tatlong gera na hindi dapat makalimutan bilang madugong rekord ni Digong Duterte.

Sa ating lalawigan, nagdiriwang ang mamamayan sa pagkakadakip sa sanggano at kriminal na si Duterte. Lubos na dumanas ng pasakit ang mamamayan ng Quezon lalo ang mga magniniyog matapos uyamin ni Duterte sa isang talumpati na kainin na lamang ang kopra sa halip na maghangad ng pag-unlad ng industriya ng niyog.

Sa panahon ni Duterte naghasik ng matinding teror ang 85th IBPA at 59th IBPA sa mamamayan ng South Quezon-Bondoc Peninsula dahil sa patakarang “kill ’em all” at sapilitang pagpapasuko sa nakikibakang mamamayan na tinatakang terorista.

Magsilbi dapat itong kilabot sa iba pang opisyal na duguan ang kamay katulad ng reelectionist na si Sen. Bato dela Rosa, mga Heneral ng AFP at pulisya, at lahat ng sangkot sa pasismo. Yaong mga makakatakas sa pananagutan ay tiyak na aabutin ng mahabang kamay ng rebolusyunaryong hustisya, sa malao’t madali.

Ginagarantiyahan ito ng matagalang digmang bayan na isinusulong ng pambansa-demokratikong kilusan. Ito ang maghahatid ng ganap na katarungan para sa sambayanang Pilipino.

Tagumpay ng mamamayan ang pagkakaaresto kay Rodrigo Duterte