Tangkang pagmasaker sa mga bata, panibagong pekeng engkwentro sa Masbate

Mariing kinokondina ng JRC-BHB Masbate ang panibagong pambabaluktot at pagpapakalat ng pekeng balita ng AFP at PNP matapos palabasing isang opisyal ng NPA ang kanilang napaslang sa limang minutong engkwentro nitong Oktubre 8, 2022 alas 6 ng umaga sa Palanas, Masbate.

Kinokondina rin ng JRC-BHB Masbate ang pagdamay ng mga militar at pulis sa mga bata ng pamilyang Ahina. Kung hindi nagawang palabasin ang mga ito sa kanilang bahay, malamang mauuwi sa masaker sa pamilya Ahina ang nangyaring pamamaril. Patunay rito ang pagkasugat ng kanyang isang anak na babae sa binti.

Taliwas sa ipinapakalat na balita, sinalakay ng pinagsanib pwersa ng militar at pulis ang bahay ni Carlito “Lito” Ahina sa So. Mabuhay, Brgy. Mabini, Palanas. Nasa loob pa ng kanilang pamamahay ang mag-aama ng pagbabarilin ng mga berdugong militar at pulis. Upang di madamay ang kanyang mga anak, isa-isa niya itong inalalayan para makalbas ng kanilang bahay. Itinaas rin niya ang kanyang kamay bilang palatandaan ng pagsuko. Sa kabila nito walang awa pa rin siyang pinagbabaril ng mga militar at pulis. Nadamay pa ang kanyang anak na babae matapos matamaan sa binti.

Si Carlito Ahina ay dating kasapi ng NPA. Halos mag-iisang taon nang magpasya itong umuwi at mamuhay bilang ordinaryong sibilyan. Pinaslang siya ng militar at pulis matapos tumangging magpagamit laban sa NPA at rebolusyonaryong kilusan sa Masbate.

Labag sa batas ng digma at makataong batas ang ginawang pamamaslang ng militar at pulis kay Ahina. Liban sa hindi isinaalang-alang ng mga ito kaligtasan ng mga bata ay wala na sa katayuang lumaban ang biktima.

Patunay na walang kasiguruhan ang kaligtasan sa sinumang sumuko sa militar at pulis. Isang panlilinlang ang kampanyang pagpapasurender ng ng mga ito laban sa NPA bunsod ng kanilang takot, kabuguan at desperasyon.

Nananawagan ang JRC-BHB Masbate sa mass midya, tagapagtaguyod ng human rights at mga local government units na imbestigahan at maglunsad ng fact finding mission sa mga lugar na may nagaganap na paglabag sa karapatang tao sa Masbate. Umaasa itong ayon sa kanilang propesyon at tungkulin sa mamamayan gagawin nila ang nararapat ng mga hakbang upang makatulong sa pagkamit ng hustisya ng mga biktima at mapanagot ang mga pasista at teroristang AFP at PNP.

Nananawagan din ang JRC-BHB Masbate sa mamamayang Masbatenyo na ilantad ang ginagawang pambabaluktot ng militar at pulis sa kanilang ginawang krimen. Huwag magpalunod sa takot at hayaang manaig ang kasinungalingan.

Panagutin ang AFP, Cafgu at PNP sa kanilang krimen sa mamamayang Masbatenyo!

Labanan at ilantad ang kampanyang panlilinlang at teror ng estado!

Tangkang pagmasaker sa mga bata, panibagong pekeng engkwentro sa Masbate