Walang naganap na labanan sa pagitan ng NPA at AFP sa Panaytayan noong Marso 1, 2025! Teroristang walang habas na pambobomba at pamamaril laban sa katutubong Mangyan ang ginawa ng 203rd Bde!
Tila mga asong nauulol ang mga berdugong sundalo ng 4th IBPA ng walang patumangga nilang pinagbabaril ang kaingin ng mga masa sa Sitio Lomboy, Barangay Panaytayan, Mansalay Oriental Mindoro kahapon Marso 1, 2025. Hindi pa nakuntento, bandang alas-2 ng hapon, agad nilang pinalipad ang dalawang helicopter ng 203rd Brigade upang magbagsak ng apat na bomba at nagsagawa ng istraping mula sa ere. Lahat ng teroristang aksyong ito ng 4th IBPA at 203rd Bde ay buong kabangisan nilang ginawa ng walang pagsasaalang alang sa kapakanan ng sibilyan. Ang mga lugar na “pinaglabanan” kuno at pinagbagsakan ng mga bomba ay taniman at bahayan ng mga katutubong Hanunuo Mangyan. Nakakagalit ang walang pakundangan nilang aksyon, ni hindi inisip ng mga berdugong ito na maaring may matamaang tao sa pang iistraping at pambobombang kanilang ginawa.
Para linisin ang kanilang panig, kagyat na naglabas ng pahayag ang 4th IBPA at tiniyak diumano nilang ligtas ang mga sibilyan sa saklaw ng pinaglabanan. Tila Martial law ngayon sa barangay Panaytayan sa pagdagsa ng mga sundalo sa nasabing barangay. Agad nagpasok ng kung ilang trak ng sundalo’t pulis para diumano’y hanapin ang “nakalaban” nilang NPA sa Sitio Lomboy at pinalikas din ang lahat ng residente ng Sitio Lomboy.
Sadyang kinaugalian na ng 4th IBPA at ng 203rd Bde ang paglikha ng pekeng labanan para bigyang matwid ang terorismo ng estadong inihahasik nito sa mga sibilyan. Nito lamang Pebrero 25 walang awat na namaril ang mga pasistang 76th IBPA sa Barangay Tagbakin, Pola, Oriental Mindoro saka nag padala ng mensahe sa group chat ng mga barangay captain ng Pola at iniutos ang suspensyon ng klase sa elementarya at hayskul. Nagtakda pa ng curfew at pinagbawalan ang mga residente na pumunta sa kanilang bukid. Ipinailalim din sa red alert status ang mga barangay at mga sityo ng Tagbakin, Matula-tula, Calabasanhon, at Pahilahan upang bigyang katwiran ang ibayong pag-militarisa sa mga lugar na ito. Kinabukasan mariin nilang itinanggi ang “labanan” gayong hindi mailingid sa mga residente ng mga magkakatabing barangay ang walang awat nilang pagpaputok. Noong gabi ng Pebrero 22, lumikha din ang mga sundalo ng isang pekeng labanan matapos walang awat na nagputok ng machine gun sa Sityo Agong, Barangay San Roque, Bulalacao.
Hawak ng 4th IBPA at 203rd Bde ang korona sa pagpapakalat ng fake news dahil sa mahabang rekord nito paglikha ng mga pekeng labanan. Noong Hunyo 25 at Nobyembre 2024 katawa tawang lumikha ng pekeng labanan ang 4th IBPA sa mga Sityo Balaguay at Sitio Parakasoy ng Barangay Benli, Bulalacao Oriental Mindoro gayong wala ni isang yunit ng NPA ang nasa erya ng panahong ito. Para pagmukhaing makatotohanan ang mga “labanan”, may mga iprinisinta pang mga baril, bala, at mga dokumentong nasamsam kuno sa mga labanan. Ganito din ang ginawa nila noong Oktubre 1, 2023 sa Sitio Kolitob, Barangay Panaytayan, Mansalay.
Sa lahat ng teroristang aksyong ito, ibayong perwisyo at takot ang hatid sa masang Mindoreño laluna ng mga katutubong Mangyan na siyang naging lunsaran ng mga pekeng labanan. Ang tunog pa lamang ng helicopter ay nagdudulot na ng matinding trauma sa mga katutubo, ano pa ba naman ang mga pambobomba at istraping na naranasan nila?
Wala mang deklarasyon, malinaw ang pag iral ng Martial Law sa Mindoro, sinasadyang iterorisa ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA ang masang Mindoreño para pigilan ang paglaban ng mamamayan para sa lupa at kabuhayan. Gayundin para isakatuparan ang maruming taktika ng kaaway na “lasunin at hibasan ng tubig ang isda”. Ang tubig ang simbolo ng masa habang ang NPA ang isda. Diumano para mapahina at madurog ang NPA kailangang alisan ng suporta ng masa. Ikinokondisyon at ninonormalisa ang isip ng mamamayan na kapag lumaban, may bombahan, may pagpatay, kakasuhan at ikukulong gamit ang anti mamamayang batas na Anti Terror Law.
Sa ganitong sitwasyon at pagkakataon, lalong higit na kailangang magkaisa at lumaban ng mamamayang Mindoreño para sa pagtataguyod ng lumalalang paglabag sa karapatang pantao sa isla. Harap harapang niyuyurakan ng mga pasistang ito ang ating karapatan, lagi ng ang paglaban para sa lupa at kabuhayan ay tinutumbasan ng reaksyunaryong estado ng karahasan upang tayo’y patahimikin at pahintuin sa ating pagkilos.
Sa mayamang karanasan ng kilusang masa sa Mindoro, maniningning ang mga tagumpay na nakamit sa pakikibaka sa lupa, sahod, at karapatan dahil sa sama samang pagkilos at paglaban. Magandang mahanguan natin ng aral at inspirasyon ang karanasan ng kilusang masa sa Mindoro noong panahon ng Oplan Habol Tamaraw sa ilalim ng kontra insurhensyang programang Oplan Bantay Laya ng Rehimeng US-Arroyo.
Ideneklara noong pambansang prayoridad ng AFP at PNP ang pagwasak sa buong rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro kaya naman libo libong Mindoreño ang naging biktima ng pagyurak sa karapatang tao. Marami ang minasaker, pinatay, dinukot at iwinala, binugbog, dinakip, ikinulong, ginahasa, at marami pang anyo ng paglabag. Marami sa kanila ang mas piniling magbakwit sa labas ng isla upang iwasang pinsalain ng mga pasista. Hindi sumuko ang mamamayang Mindoreño kahit itinambak sa isla ang 11 batalyon ng mga pasistang militar na naghasik ng lagim at teror sa isla, sa halip sama samang itong hinarap at nilabanan.
Mamamayang Mindoreño, sama samang labanan ang terorismo ng estado!
Itanghal ang pagiging makatarungan at makatwiran ng digmang bayan!
Lumahok sa digmang bayan!