Pahayag

Tuloy-tuloy na isulong ang usapang pangkapayapaan! Suportahan ang unang hakbang tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!

, ,

Binabati ng National Democratic Front of the Philippines-Laguna ang paglagda ng GRP at NDFP sa Oslo Joint Statement bilang paunang hakbang sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig.

Kinikilala ng NDFP Laguna at ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Laguna na isang makabuluhang hakbang sa masalimuot na landas na pakikibaka upang makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ang pagbukas muli ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Umaasa kami na magpapatuloy ang usapang pangkapayapaan batay sa prinsipyong katanggap-tanggap sa magkabilang panig, pantay na pagkilala sa katayuan ng bawat isa at sa seryosong paglutas sa ugat ng nagpapatuloy na armadong tunggalian sa bansa.

Napapanahon ang pagsulong ng usapang pangkapayapaan sa gitna ng lumalalang kronikong krisis na kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Sa paglalim ng krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunan, kinakailangan ang isang komprehensibong solusyon na tumuturol sa mismong ugat ng paghihirap ng masang anakpawis, pagkabangkarote at pagkaatrasado ng bansa.

Umaasa ang mamamayan ng Laguna na patuloy na gagamiting balangkas ng pag-uusap ang Hague Joint Declaration at iba pang mga naunang kasunduang napagtibay na tulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), Comprehensive Agreement for the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHIHL), at ang mga paunang pagkakasundo sa borador ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms at iba pa.

Sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan umaasa ang mamamayang Lagunense na matugunan ang matagal na nilang mga hinaing para sa disenteng pamumuhay—ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod para sa may 2 milyong manggagawa sa kabuuang 3.4 milyong populasyon ng Laguna; ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, ang pagpapatigil sa pangangamkam at palisiyang land use conversion para sa pagtatayo ng dam, relis, floating solar panel at ibang katulad na proyekto ng gobyerno na mapanira sa kalikasan at likas-yaman na nagreresulta sa labis na paghihirap ng mamamayan; ang makamit at matamasa ang disente at makataong serbisyong panlipunan; at ang pagrespeto sa batayang karapatang pantao ng mamamayan laluna ng mga espesyal na sektor ng lipunan—mga mangingisda, kabataan, kababaihan, LGBTQ+, pambansang minorya at iba pang maralita.

Napapanahon din ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa mahigpit na pangangailangang pagbuklurin ang sambayanang Pilipino upang labanan ang napipintong gyerang inter-imperyalista sa pagitan ng US at Tsina. Dapat na mabuklod ang sambayanang Pilipino upang labanan ang imbing pakana ng US na gamitin ang Pilipinas bilang piyon sa niluluto nitong gyera. Nararapat na ipaglaban ng sambayanang Pilipino na palayasin ang lahat ng pwersang militar ng US at ng Tsina sa Pilipinas kabilang na ang sa West Philippine Sea.

Ngunit, alam natin na unang hakbang pa lamang ang pagpirma ng Oslo Joint Statement. Kailangang ipakita ni Marcos Jr at ng GRP na seryoso ito sa pagharap sa NDFP para sa usapang pangkapayapaan, kabilang na ang pagtanggal sa lahat ng mga balakid sa proseso ng kapayapaan. Hindi papayag ang mamamayang Lagunense na maulit ang pasistang delubyo na naranasan nito sa ilalim ng rehimeng US-Duterte matapos na isabotahe nito ang peace talks noong 2017 at ipatupad ang madugong Joint Campaign Plan Kapanatagan laban sa rebolusyong Pilipino.

Mahalagang usapin sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ang pagkilala ng GRP sa NDFP bilang kinatawan ng isang lehitimong estadong nakikidigma sa balangkas ng isang digmaang sibil. Humaharap ang NDFP hindi bilang isang “rebeldeng grupo” kundi bilang kinatawan ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa Pilipinas na siyang tunay na kumakatawan sa pambansa at demokratikong interes ng uring magsasaka, manggagawa, malamanggagawa, kabataan, kababaihan, pambansang minorya at iba pang demokratikong uri’t sector sa lipunang Pilipino.

Kailangang baguhin ni Marcos Jr. ang pagbansag ng GRP na “terorista” ang CPP, NPA, at NDFP. Ginigiit ng NDFP Laguna na may lehitimong karapatan ang mamamayan na lumaban at maghangad ng tunay na paglaya laban sa imperyalistang dominasyon, pyudal na pagsasamantala, at pasismo. Lehitimo ang paglulunsad ng isang armadong rebolusyon dahil nakaugat ito sa lehitimong pag-aasam ng mamamayan para sa ganap na kalayaan, demokrasya at kapayapaan.

Maipapakita ng GRP ang sinseridad nito sa Oslo Joint Statement at sa usapang pangkapayapaan kung gagawa ito ng kongkretong hakbang tungo sa mga sumusunod: 1.) ang pagpapalaya sa mga NDFP Peace Consultant at lahat ng mga bilanggong pulitikal sa bansa; 2.) Ang pagtanggal ng bansag na “terorista” ang NDFP, CPP, at NPA; 3.) ang pagtakwil sa “localized” peace talks at iba pang mga “usapang pangkapayapaan” na hindi kumikilala sa sosyo-pulitikal na ugat ng tunggalian; at 4.) ang pagrespeto sa karapatang pantao ng mga sibilyan at mamamayan, pagpapatigil sa walang habas na pambobomba sa kanayunan at pagpapatigil sa panunugis sa demokratikong kilusang masa ng mamamayan.

Nananawagan ang NDFP Laguna sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa probinsya ng Laguna na ubos-kayang suportahan ang pagsulong ng usapang pangkapayapaan tungo sa paglutas ng deka-dekadang ugat ng kahirapan sa bansa. Palakasin natin ang ating kampanya tungo sa pagkamit ng tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon, at ang paglansag ng malakolonyal at malapyudal sa sistemang panlipunan tungo sa pambansang kalayaan at demokrasya. ###

Tuloy-tuloy na isulong ang usapang pangkapayapaan! Suportahan ang unang hakbang tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan!