Tungkol sa pipirmahang SoVFA ni Marcos at New Zealand
Binabatikos ng Partido ang rehimeng US-Marcos sa nakatakdang pagpasok nito sa Status of Visiting Forces Agreement, isang kasunduang militar sa New Zealand. Bibigyang-daan nito ang malayang pagpapapasok ng mga tropang militar ng New Zealand sa loob ng bansa, labag sa kasarinlan ng Pilipinas.
Gaya ng katulad na kasunduan ng Pilipinas sa US, Australia at Japan, ang kasunduang ito sa New Zealand ay itinulak ng US sa balangkas ng Indo-Pacific Strategy ng US. Nais ng US na ipagamit ang Pilipinas sa mga alyado at katuwang nito bilang pahingahan at aliwan ng mga dayuhang tropa, lagakan ng mga sandata, at lunsaran ng kanilang mga operasyon. Lalo nitong sinasagkaan ang hangarin ng sambayanang Pilipino na mapayapang lutasin ang mga sigalot sa China at makamit ang katiwasayan sa rehiyon.
Ang bagong kasunduang ito ay magsisilbi sa papatindi nang papatinding mga operasyong nabal, mga ehersisyong militar at war games na inilulunsad ng US sa Asia-Pacific sa palibot ng China. Parami nang parami ang mga bansang kinakaladkad dito ng US. Pinalalala ng lahat ng ito ang tensyong militar at ang lumalaking posibilidad na may sumiklab na armadong sigalot sa rehiyon.
Kasuklam-suklam na lahat ng pagpapakitang-gilas na ito ng US at papapalaking presensyang militar ay positibong inilalarawan ni Marcos at kanyang mga upisyal sa masmidya. Ang hindi nila sinasabi ay kung papaanong palaki nang palaki ang peligro na magkaroon ng miskalkulasyon sa harap ng napakaraming barkong nabal, eroplanong pandigma, mga misayl at iba pang sandata, at tropa ng US sa paligid at loob ng Pilipinas. At kung papaanong, sakaling sumiklab ang armadong sigalot ng US sa China, tiyak na magdudulot ito sa bansa at sambayanan ng labis-labis na kapahamakan at pagdurusa.