Pahayag

Tutulan ang plano ng rehimeng US-Marcos na ipa-escort sa mga barko ng US ang mga patrol ng Pilipinas sa WPS

, ,

Kailangang mahigpit na tutulan ng sambayanang Pilipino ang plano ng rehimeng US-Marcos na ipa-escort o magpasama sa mga sasakyang pandagat ng US ang pagpapatrulyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Ang ganitong mga plano ay ilang ulit na nagtataas ng panganib ng pagsiklab ng armadong salpukan ng US at China, kung saan ang Pilipinas ay maiipit sa umpugan ng dalawang higanteng imperyalista.

Ang panukala ay ginawa noong isang araw ng manunulsol ng gera na si Defense Sec. Gilbert Teodoro at sinang-ayunan naman ng pinuno ng US Indo-Pacific Command na si Adm. Samuel Paparo. Sinabi ng upisyal ng US na ang gayong aktibidad militar ay umaalinsunod sa Mutual Defense Treaty.

Ang pagpapa-escort sa mga sasakyang pandagat ng US ng mga coast guard at sasakyang pandagat ng Pilipinas sa sariling karagatan ng bansa, para diumano igiit ang soberanong karapatan, ay higit na magpapalakas sa dominasyon ng US sa Pilipinas at lalong magpapahigpit ng pangmilitar at pampulitikang paghawak nito sa gubyerno ng Pilipinas at sa mga armadong pwersa nito.

Dapat tuligsain ng sambayanang Pilipino ang rehimeng Marcos dahil sa kabiguan nitong itulak ang mapayapang paraan upang plantsahin ang mga alitan sa China kaugnay ng dagat at igiit ang mga soberanong karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), samantalang patuloy nitong pinahihintulutan ang interbensyong militar ng US na lalo lamang nagpapataas ng tensyon sa West Philippine Sea.

Dapat patuloy na tutulan ng sambayanang Pilipino ang eksaheradong pag-aangkin ng China sa South China Sea na sumasaklaw sa exclusive economic zone ng Pilipinas, at manawagan dito na magpigil sa paggigiit ng mga pag-aangkin na lumalabag sa UNCLOS. Ang mga ito ay dapat ayusin sa pamamagitan ng bukas na dayalogo, negosasyon o arbitrasyon.

Dapat nilang tutulan ang pagtaas ng presensya at panghihimasok militar ng US, hilingin ang pagbuwag sa hindi bababa sa siyam na base militar ng US sa Pilipinas, ang pag-alis ng mga tropa at armas ng US sa bansa, at panawagan para sa pagpapawalambisa sa Mutual Defense Treaty, Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Visiting Forces Agreement, Bilateral Security Guidelines at iba pang tagibang na kasunduang militar sa US.

Tutulan ang plano ng rehimeng US-Marcos na ipa-escort sa mga barko ng US ang mga patrol ng Pilipinas sa WPS