Pahayag

"Unity walk" ng mga kandidato na ilinunsad ng Comelec sa Masbate ginawang kontra-insurhensya ng militar at pulis

,

Binabatikos ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM-Masbate) ang kasundaluhan at kapulisan sa ginawang pananabotahe sa inilunsad ng Comelec na “unity walk” para sa mga kandidato sa Masbate. Layunin ng Comelec na magkaisa at magkasundo ang mga kandidato, maiwasan ang gulo at patayan sa pagitan ng mga nagpapapiling mga kandidato. Sa halip, upang maging matiwasay at mapayapa ang kampanya at darating na halalan sa buwan ng Mayo.

Subalit, sinabotahe ito ng mga kasundaluhan at kapulisan. Sa halip na para sa mapayapa at matiwasay na halalan lumalabas tuloy na kontra-insurhensya ang “unity walk” ng mga kandidato dahil ang lahat na bitbit na panawagan ng mga lumahok ay hindi naman para sa kampanya at halalan kundi laban sa rebolusyonaryong kilusan at NPA. Tahasan ding ipinakita ng militar at pulis ang kanilang pwersa sa panahon ng “unity walk”.

Hindi lang ito ang ginawang pananabotahe ng militar at pulis sa mga kandidato. May mga naitala ring mga insidente na pinipigilan ng militar at pulis ang ibang kandidato na malayang makapangampanya laluna ang mga oposisyon sa dinastiyang pulitiko sa Masbate, sa pangunguna ng pamilyang Kho.

Nagpapagamit rin ang militar at pulis bilang goons ng mga kandidato sa panahon ng kampanya hanggang sa araw mismo ng halalan. Sila ang nagtitiyak na mananalo ang kanilang pinagsisilbihang mga kandidato. Binabantaan nila ang mga tagasuporta sa kalabang kandidato maging ang mismong oposisyong pulitiko. Ilan sa mga natakot ay umatras sa kandidatura at mas piniling tanggapin ang inalok na halaga kapalit ang hindi na pagtakbo sa eleksyon.

Malinaw sa reaksyunaryong batas na hindi maaaring makialam at manghimasok ang mga militar at pulis sa eleksyon. Wala dapat silang pinapaboran o pinapanigang pulitiko.

Nagbubunsod ng higit na kaguluhan at patayan ng mga tagasuporta at kandidato ang pagsali ng militar at pulis sa pangangampanya ng nga kandidato. Taliwas ito sa kanilang pinapalabas na ang New People’s Army (NPA) ang naglilikha o tagabunsod ng gulo sa panahon ng eleksyon. Batid ng masang Masbatenyo na hindi lumalahok at walang kinakatigang kandidato ang mga NPA. Higit sa lahat, hindi tulad ng militar at pulis, hindi ito nagpapabayad sa mga kandidato o pulitiko upang tiyakin ang panalo ng mga ito.

Malinaw na isinasangkalan lang ng militar at pulis ang NPA upang makapagkamal sila ng suhol mula sa mga tumatakbong kandidato. Higit sa lahat, upang sirain ang imahe at magpakalat ng disimpormasyon laban sa NPA.

Nananawagan ang PKM-Masbate sa masang Masbatenyo na maging alerto at hindi magpapalinlang sa mga pakana ng militar at pulis. Walang pinakaapektado sa mga banggaan ng mga pulitiko na gumagamit ng dahas sa panahon ng kampanya at halalan kundi tayong mamanamayan.

Dapat tayong kumilos upang ilantad ang kabuktutan ng reaksyunaryong eleksyon at labanan ang pag-alis sa ating karapatang malayang pumili ng kandidato.

"Unity walk" ng mga kandidato na ilinunsad ng Comelec sa Masbate ginawang kontra-insurhensya ng militar at pulis