Uring manggagawa, pamunuan ang pakikibaka para sa demokratikong karapatan at kaseguruhan sa kabuhayan ng masang Palaweño!

,

Mahigpit na sinasaluduhan ng National Democratic Front of the Philippines-Palawan ang uring manggagawa sa buong daigdig at ang mga manggagawang Pilipino sa paggunita nito sa ika-122 Pandaigdigang Araw ng Paggawa nitong Mayo 1 na tanda ng mayamang pakikibaka at mga tagumpay ng uring manggagawa sa kasaysayan sa pagtupad sa istorikong misyon nitong baguhin ang mundo tungong lipunang walang pang-aapi at pagsasamantala.

Sa gitna ng matinding krisis ng imperyalismo sa buong mundo at papasidhing pang-aapi at pagsasamantala sa mga manggagawa at masang anakpawis sa daigdig at sa mga bayang malakolonyal at malapyudal tulad ng Pilipinas, tumindig, nakibaka at namuno ang uring manggagawa sa pamamagitan ng talibang partido nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Hinihingi ng kasalukuyang kalagayan na puspusang pamunuan ng uring manggagawang Pilipino ang pakikibaka ng sambayanan para sa demokrasya, pambansang kalayaan at sosyalismo. Dahil sa matinding kahirapan sa kabuhayan at krisis sa pulitika ng naghaharing sistema, lalong nalantad ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal, at nagpatingkad sa pangangailangang isulong ang rebolusyonaryong pagbabago na magwawakas sa kahirapan at pang-aapi sa mamamayan.

Nagdurusa ang bayan sa walang kaparis na krisis sa ekonomya bunsod ng malakolonyal at malapyudal na lipunan na kinatangian ng malawakang disempleyo, kakulangan sa trabaho, pambabarat sa sahod at krisis sa kabuhayan dulot ng walang-patid na implasyon. Ang ipinamamarali ng reaksyunaryong gubyerno na 3.0% lamang ang tantos ng walang trabaho sa Palawan at 9.5% sa Puerto Princesa ay paimbabaw lamang dahil sa katunayan ay maraming mamamayang Palaweño ang walang trabaho, mayroon man ay kontraktwal o walang kasiguruhan at hindi sapat ang kinikita o sinasahod para buhayin ang kanilang pamilya. Samantala, mas malaki ang tantos ng kulang ang trabaho o underemployed na 16.2%.

Pangunahing nakasalig sa agrikultura ang hanapbuhay ng mamamayang Palaweño kung kaya kalakhan ng tinatawag nitong “employed” o may trabaho ay mga magsasaka at manggagawang bukid. Dahil atrasado, agraryo, pre-industriyal at malapyudal ang ekonomiya, maliit ang bilang ng mga manggagawang Palaweño na nagtatrabaho sa mga minahan at serbisyong tampok ang turismo, habang ang iba pa ay nagtatrabaho sa maliit at katamtamang laking negosyo. Dahil dito, maituturing na signipikanteng bahagi ng mga manggagawang Palaweño ay nasa sektor ng serbisyo. Ang iba pang manggagawang bukid ay nakapailalim sa sahurang paggawa sa loob ng mga plantasyon, mababa rin ang pasahod na nagkakahalaga lamang ng humigit-kumulang P215 kada araw, walang benepisyo at hindi regular.

Isinasampal ng datos mismo ng reaksyunaryong gubyerno na ang rehiyon ng MIMAROPA ay kabilang sa nangungunang sampung rehiyon sa Pilipinas na may mataas na antas ng karukhaan, kung saan    20.8% o 667,900 residente nito ang kinukunsiderang mahirap. Iniulat naman ng DSWD na 10% o 130,000 indibidwal na Palaweño ang nabubuhay sa kronikong kahirapan o mas mababa sa poverty threshold. Bagama’t di hamak na malayo ito sa mas malaking bilang ng tunay na naghihirap na masang Palaweño, palatandaan ang ulat na ito ng di maitagong kahirapang dinaranas ng mayorya ng masa sa probinsya. Ayon sa IBON Foundation, kinakailangan ng P1,162 kada araw na sahod para sa isang lima-kataong pamilya sa mga lalawigan ng MIMAROPA upang mamuhay nang sapat at disente. Malayung-malayo ang P355 na arawang sahod na itinakda ng regional wage board sa rehiyon.

Hindi makaagapay ang mababang kinikita at sinasahod ng masang Palaweño sa napakataas na presyo ng mga bilihin sa probinsya. Nagtala ang MIMAROPA ng pinakamataas na tantos ng implasyon sa buong bansa na 6.9% ayon sa datos noong Hulyo 2023. Dumaraing na ang mga Palaweño sa napakalayong presyo ng pangunahing bilihin tulad ng bigas, karne at gulay at P10 na mas mataas ang singil sa produktong petrolyo kumpara sa ibang rehiyon, dagdag pa ang abot-langit na singil ng palyadong serbisyo ng kuryente.

Ang mga ito ang dahilan kung bakit malawakan ang dislokasyon sa hanapbuhay ng mamamayang Palaweño. Dumadayo sa ibang lugar o ibang probinsya hanggang ibang bansa ang mamamayan upang mamasukan bilang construction worker, kasambahay, manininda atbpng hindi regular na hanapbuhay. Nagbubunsod ito ng malaproletaryanisasyon sa hanay nila na kabalintunaang ibinibilang ng mga datos ng rehimen bilang “may regular na empleyo”.

Dislokasyon rin sa kabuhayan ang tiyak na kahihinatnan ng mga tsuper na mawawalan ng trabaho dahil sa ipinatupad ng rehimeng US-Marcos II na PUV Modernization Program. Labis na nanggagalaiti sa galit ang mga Palaweñong tsuper ng jeep, UV express at tricycle matapos na hindi pakinggan ng rehimen noong Abril 30 ang demanda ng mga drayber na ibasura ito. Bukod sa pagmasaker nito sa sektor ng pampublikong transportasyon sa probinsya at buong bansa, aaray din ang bulsa ng mamamayang komyuter sa idudulot nitong pagtaas ng pamasahe sa mga e-jeep. Paanong makakabili ang mga Palaweñong drayber at opereytor sa napakamahal na presyo nito na tumataginting na P2 milyon bawat isa! Malaking dagok din ito sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na umaasa sa jeep at UV express sa pagdedeliber ng kanilang mga produkto sa pamilihan at kabayanan.

Malinaw at higit na pinatutunayan nito na sadyang walang pakialam ang rehimeng US-Marcos II sa hilahod na kalagayan ng uring manggagawa at iba pang masang anakpawis sa bansa. Ang pinapaburan lang nito ay ang mga naghaharing uring malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa at mga dayuhang kapital. Dahil sa yamang likas ng Palawan, maraming iba’t ibang kumpanya ang naglalaway na dambungin ito sa pamamagitan ng pamumuhunan sa probinsya. Ayon sa tala ng COA, umaabot sa P11.27 bilyon ang kabuuang asset ng probinsya ngunit pawang pinakikinabangan ito ng mga naghaharing uri na may-ari o kasosyo ng malalaking kumpanya ng mina, proyektong ekoturismo at plantasyon habang nagdarahop ang mamamayang Palaweño.     

Dapat na ipaglaban ng mga manggagawa sa probinsya ang makabuluhang dagdag sahod upang mailapit ito sa pangangailangan ng isang pamilya upang mabuhay nang disente. Gayundin, dapat na ipaglaban nila ang kaseguruhan sa trabaho, pagwawakas ng kontraktwalisasyon, at tiyak na mga benepisyo para sa kanila.

Dapat patuloy na itayo, palawakin at palakasin ang mga unyon at asosasyon ng mga manggagawa sa minahan at iba pang negosyo’t kumpanya at mga manggagawang bukid sa mga plantasyon at isulong ang militanteng kilusang manggagawa sa Palawan. Hindi sila dapat magpalinlang at magpadala sa mga pakana ng mga ganid na kapitalistang gamitin sila para magsamantala sa kapwa Palaweño at manira ng kalikasan. Kailangang palakasin ng mga manggagawa ang kanilang mga unyon upang matatag na labanan ang paninibasib ng rehimen sa kanilang hanay, at upang epektibong isulong ang kagyat na kahingian ng mga manggagawa. Ang mga nagdaang tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga tsuper sa paglaban sa PUVMP ang dahilan upang ipagpaliban ang mga naunang itinakdang implementasyon ng rehimen. Hindi sila nagpatinag sa harap ng red-tagging at panunupil ng rehimeng US-Marcos II sa mga militante at progresibong samahan ng mga tsuper at opereytor.

Dapat pamunuan ng uring manggagawa ang demokratikong mga pakikibaka ng mamamayan at magsilbing pinakasolidong bag-as ng kilusang masa para wakasan ang paghahari ng teribleng teroristang rehimeng US-Marcos II. Kaakibat nito, dapat tuluy-tuloy na pahigpitin ng mga manggagawang Pilipino ang pakikipagkaisa at pakikipagkapit-bisig nila sa demokratikong mga sektor kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Dapat nilang suportahan ang demokratikong mga kahilingan at mga anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka ng magsasakang Palaweño.

Ang pagsusulong ng mga manggagawang Palaweño at Pilipino ng mga pakikibakang demokratiko at anti-imperyalista ay bahagi ng bumubulwak na kilusang anti-imperyalista at demokratiko sa buong mundo. Palatandaan ito ng pagkabulok ng pandaigdigang sistemang monopolyo kapitalista at ang iniluluwal nitong malalim na krisis sa ekonomya, at iba pang anyo ng pang-aapi at ng neoliberal na paninibasib sa mga manggagawa at masang anakpawis.

Tungkulin ng mga rebolusyonaryong proletaryong Pilipino na dalhin ang malawakang mga kilusan sa pagsusulong hanggang sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at ipatupad ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa. Tanging sa pamamagitan lamang nito maitatatag ang sosyalistang lipunan na maghahatid ng kasaganaan at katarungan at magtitiyak sa demokratikong mga karapatan ng mamamayan.#

Uring manggagawa, pamunuan ang pakikibaka para sa demokratikong karapatan at kaseguruhan sa kabuhayan ng masang Palaweño!