Utang na hindi na nga napakinabangan, mamamayan pa ang magbabayad

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Baung-baon na sa utang ang Pilipinas. Sa pagtatapos ng 2022, aabot na sa lampas P13.4 trilyon ang utang ng bansa. Katumbas ito ng higit P120,000 utang bawat Pilipino. Ngunit sa kabila ng nakalululang halagang ito, binigyang-prayoridad pa rin ng rehimeng Marcos II ang pagbabayad-utang para muli na namang makautang ng mas malaki pang halaga. Para sa susunod na taon, ilalaan ang P1.196 trilyon o ang halos ¼ ng pambansang badyet, bilang bayad-utang. Ang masakit, ang patung-patong na utang na ito ay hindi naman napunta sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.

Sa ilalim ng anti-mahirap na si Duterte, umutang nang umutang ang bansa para pondohan ang programang imprastrukturang nagsilbing balon ng korapsyon ng mga burukrata kapitalista at mga kasabwat na negosyante. Trilyun-trilyong piso ang linustay para sa mga kalsada at tulay na pakikinabangan umano ng mamamayan kabilang na ang daan-daang farm-to-market roads. Insulto sa masang magsasakang mayroong pondo para sa mga kalsada ngunit wala para sa agrikultura. Ano ang ibabyahe kung walang masaka ang mga pesante?

Kahit din sa gitna ng pandemya at kabi-kabilang sakuna, sa halip na bigyang-pansin ang mga proyektong pangkalusugan at sosyoekonomiko ay garapalang binuhusan ng pondo ang pasismo laban mismo sa taumbayan. Ngayong taon, P206 bilyon ang lamang ng pondo para sa pasismo kaysa sa pondo sa kalusugan. Pinakamalala ang pagkakaiba noong 2021, kung kailan nasa kasagsagan ang pandemya, kung saan P255 bilyon ang lamang ng pondo sa pasismo kaysa sa kalusugan. Ang masahol pa, todo-larga rin ang pandarambong sa kapos na ngang pondong ito. Hindi bababa sa P15 bilyon ang natuklasang kinurakot mula sa pondo ng Philhealth noong nakaraang taon.

Ngunit ang pinanakapagngangalit, sa kabila ng lantarang pagsasayang at pagbubulsa ng trilyun-trilyong piso, ang masang Pilipino ang inoobligang magbayad sa patuloy na lumolobong utang. Sa ilalim ni Marcos II, nakatakdang magpatupad ng panibago na namang serye ng mga buwis. Lalo nitong pasisiritin ang presyo ng mga batayang bilihin at araw-araw na pangangailangan ng mamamayan. At habang lalong pinipiga ang masang anakpawis, tinatanggihan naman ng rehimeng patawan ng buwis ang pinakamayayaman sa bansa. Sa katunayan, lalo pa ngang linuwagan ang mga patakaran at ginawang paborable ang sistema ng pagbubuwis para sa kanilang pagkakamal ng labis na tubo.

Sa mga susunod na taon sa ilalim ni Marcos II, dapat nang asahan ang higit pang pagkabaon ng bansa sa utang at ang higit na mabibigat na pasaning ipapabalikat sa taumbayan. Hindi dapat maglubay ang masang Bikolano at ang sambayanang Pilipino sa tuluy-tuloy na paglaban dito at paggiit na ilaan ang pampublikong pondo sa kapakinabangan ng nakararami.

Utang na hindi na nga napakinabangan, mamamayan pa ang magbabayad