Wakasan ang Brutal na Operation Kagaar laban sa Mamamayang Indian! Isulong ang Digmang Bayan sa Pilipinas at India!

,

Sa mga nakalipas na buwan, pinaigting ng pasistang rehimeng Modi ang kanilang gerang panunupil at kampanyang kontra-insurhensya laban sa isinusulong na armadong pakikibaka sa India na pinamumunuan ng Communist Party of India (Maoist). Mula Enero, ipinatupad ng reaksyunaryong estado ng India ang kampanyang Operation Kagaar na kabahagi sa mas masaklaw na kampanyang Operation SAMADHAN-Prahar na sinimulan pa noong taong 2017.

Sa layunin ng estado na tuluyan nang wakasan ang armadong rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Indian, pinakilos ng gubyerno ng India sa ilalim ng operasyon ang mahigit 10,000 pwersang paramilitar kung saan 3,000 dito ay mula pa sa ibang estado ng India upang sa Maad. Hinati at ipinakat sila sa anim na kampong paramilitar sa lugar na katumbas ng tatlong paramilitar sa kada pitong lokal na residente.

Itinuon ang operasyon sa Abujhmaad (Maad) na isang mabundok at magubat na rehiyon ng timog ng estado ng Chhattisgarh na kung ituring ng estado ay “kuta ng mga Maoista”. Bahagi ang Maad sa mas malaki pang kagubatan na Dandakaranya na saklaw ng mga estado ng Chhattisgarh, Odisha, Telangana, at Andhra Pradesh sa Central India. Sa rehiyong ito, mayorya ng nakatira ay ang mga Adivasi o ang mga katutubo ng India.

Tinatarget ng Operasyong Kagaar ang mga partido, organisasyon, aktibista at indibidwal na naninindigan laban sa estado sa tabing ng pagsugpo sa mga Maoista. Sa nakaraang limang buwan ng operasyon, hihigit na sa 130 na sibilyan at mga rebolusyonaryo ang biktima ng mga ekstra-hudisyal na pagpaslang habang pinalalabas na namatay sa “engkwentro” laban sa People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) ng Communist Party of India (Maoist).

Naging talamak ang walang habas na paglabag ng estado ng India sa karapatang pantao ng mamamayan sa bansa at maging sa internasyunal na makataong batas. Barbariko ang mga militar, paramilitar, pulis at iba pang armadong pwersa ng estado sa tindi ng krimen nito sa mamamayan ng India. Nagpatong-patong na ang mga kaso ng pagdakip, panggagahasa sa kababaihan, sapilitang pagpapasuko, pambobomba at iba pang paglabag sa karapatang pantao simula noong Enero hanggang sa kasalukuyan.

Ang mga isinasagawang kampanyang kontra-insurhensya at operasyon ng pasistang rehimeng Modi sa India ay walang pinagkaiba sa mga inilulungsad na operasyon ng rehimeng US-Marcos laban sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Tulad sa India, talamak rin sa Pilipinas ang mga kaso ng ekstra-hudisyal na pagpaslang, tortyur at sapilitang pagpapasuko sa mga rebolusyonaryo, aktibista at indibidwal na dinidiktahan ng Imperyalistang US sa pamumuno ng tiranikong Biden sa hangaring wakasan ang umiigting na rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa buong daigdig sa gitna ng hindi masagip-sagip na krisis sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Mula rito, dapat tahasang kundenahin ang walang-hiyang pakikipag-ugnayan ng rehimeng Marcos sa rehimeng Modi sa pamamagitan ng mga kasunduang militar. Tulad na lamang ng pagdating ng unang bats ng BrahMos missile weapons system noong Abril 19 na mula sa India. Nagkakahalaga ang mga armas ng mahigit $375 milyon o PHP18.9 bilyon kung saan kinuha ni Marcos ang kanyang pambayad mula sa kaban ng bayan.

Ginagamit ng rehimeng Marcos ang kabang-yaman ng mamamayang Pilipino at winawaldas ito para sa mga armas pandigma na pangunahing magsisilbi sa panunupil laban sa mamamayang Indian. Habang gagamitin ang mga armas pandigma sa walang-tigil na pang-uupat ng US sa Tsina sa gitna ng sigalot sa usapin ng West Philippine Sea. Gagamitin rin ito sa pinaigting na kampanyang kontra-insurhensya laban sa mamamayang Pilipino.

Sa ganitong lagay, marapat lamang na suportahan at makiisa ang mamamayan ng Cavite sa pakikibaka ng mamamayan ng India. Sapagkat sunod-sunod ang tangkang paninira sa ating mga lupang nilinang, pandadambong at pang-aapi ng mga Imperyalista, dapat tahakin ng mamamayan ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng digmang bayan ang namumukod-tanging solusyon upang biguin ang mga mapanupil na operasyong militar ng pasistang rehimeng Modi at Marcos.

Kaya naman, ipinapaabot ng National Democratic Front-Cavite ang lubos na pagsuporta at pakikiisa nito sa rebolusyonaryong pakikibaka nito na pinamumunuan ng Communist Party of India (Maoist) at sa digmang bayang isinusulong nito sa pamamagitan ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) at sa pakikibaka ng mamamayang Indian para sa kanilang mga karapatan at kahilingan.

Ang aming panawagan sa mamamayan, wakasan ang Operation Kagaar sa India! Mamamayang Pilipino at Indian, Magkaisa! Digmang bayan laban sa pasismo ng rehimeng Modi at Marcos!

Wakasan ang Brutal na Operation Kagaar laban sa Mamamayang Indian! Isulong ang Digmang Bayan sa Pilipinas at India!