Pahayag

Walang mali sa paglaban, may mali kaya dapat lumaban!

Sa loob ng apat na taon, walang humpay na iwinasiwas ang napakabagsik ng pangil ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa bisa ng Exec. Order No. 70 laban sa buong sambayanang Pilipino. Gamit ang pondo ng taumbayan at rekurso ng lahat ng sibilyang ahensya ng gubyerno, itinutok ng NTF-ELCAC ang teroristang karahasan nito sa sibilyang populasyon.

Sa Bikol at buong bansa, walang humpay ang pambabansag ng mga nag-uulol na pasista. Mula sa mga aktibista, kasapi ng mga lehitimong organisasyon hanggang sa mga kongresista at mambabatas, hukom, propesyunal, taong-simbahan, kahit mga artista, bata at senior citizen – ang lahat ng mangahas magsalita laban sa mga suliraning panlipunan ay binansagang kalaban ng estado. Ang masahol pa, malimit na ang mga target ng pambabansag ay kagyat na nagiging target ng madudugong operasyon ng pulis at militar. Naging araw-araw na laman ng mga dyaryo at iba pang daluyan ng midya ang mga salitang “nanlaban-patay” at pilit na ipinatanggap sa masang pangkaraniwan lamang ang pamamaslang ng estado sa sarili nitong mamamayan.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling matatag na nakatindig ang sambayanan. Nanatili at ibayong lumakas ang kanilang diwang mapanlaban. Lalong naging malinaw sa kanilang walang mali sa paglaban, may mali kaya dapat lumaban. Sa pagsahol ng mga atake ng mismong estado sa karaniwang Pilipino, higit na tumalas ang tunggalian at pagkakaiba ng interes ng naghaharing-uri at ng inaapi’t pinagsasamantalahan. Higit na naging malinaw kung kanino lamang nagsisilbi ang estado at lahat ng pasistang makinarya nitong tulad ng NTF-ELCAC. Naitulak ang marami sa hanay ng masa na pumili ng panig at buong tatag na ipaglaban ang kanilang mga interes laban sa pang-aatake ng iilang nasa kapangyarihan.

Kaya sa loob ng apat na taong pag-iral nito, iisang bagay ang maisasalarawan: bigo ang EO-70-NTF-ELCAC at ang lahat ng pasistang pakana ng estadong pahinain at payukurin ang nakikibakang mamamayan. Lalo lamang nitong ginatungan ang kanilang pagnanais na makahulagpos mula sa isang sistemang matagal nang nang-aalipin at pumapatay sa kanila.

Walang mali sa paglaban, may mali kaya dapat lumaban!