Pahayag

Walang sagupaan sa pagitan ng mga myembro ng BHB-CV at militar sa San Mariano, Isabela

Mariing pinabubulaan ng BHB-CV ang ipinapakalat ng 5th Infantry Division na “sagupaan” diumano sa pagitan ng mga myembro ng BHB-CV at operating troops ng 502nd Infantry Brigade. Inililinaw ng BHB-CV na walang naganap na anumang labanan sa Tappa, San Mariano, Isabela noong Lunes, Abril 21. Bagkus, limang sibilyan at pambansang minoryang Ifugao na nangingisda ang walang patumanggang pinaputukan ng 502nd IBde. Ligtas na nakauwi ang tatlo samantalang ang dalawa na nagngangalang “Jimboy” at “Allag” ay patuloy pa ring hinahanap ng kanilang pamilya at mga kamag-anak hanggang ngayon.

Ayon sa ulat ng mga kababaryo ng lima, taga-Libertad, San Mariano ang mga binatang nangisda na tanging ‘pandal’ o pana lamang ang dala. Nauna nang pinabulaanan ng mga residente ng Tappa at kalapit na barangay ng Cadsalan na walang nangyaring engkwentro sa kanilang lugar ngunit patuloy pa ring naglulubid ng kasinungalingan ang 5th ID na sinususugan ng midya.

Ang pekeng sagupaan na ito ay kasunod ng pekeng labanan sa Dicamay Dos, Jones, Isabela noong umaga ng Linggo ng Pagkabuhay, Abril 20. Nagpaulan ng bala sa kabahayan ang mga sundalo ng 86th IB at pinalabas na may naganap na engkwentro upang pagtakpan at bigyang-matwid ang iligal na pag-aresto sa mga kabataang aktibista na sina Andy Magno at kasama nito. Nakahimpil ngayon sa kabahayan ng Dicamay Dos ang mga berdugo at naghahasik ng takot sa mga residente upang pilitin silang baliktarin ang kanilang salaysay kaugnay sa pekeng engkwentro. Samantala, labis na pangamba naman ang idinulot ng pagpapaikut-ikot ng apat na attack helicopter sa Jones at sa mga kalapit na bayan na nagsaboy ng mga kontra-rebolusyonaryong propaganda.

Tigmak sa dugo ang rekord ng 86th IB sa buong lalawigan ng Isabela kaugnay sa pagpatay at paglabag sa mga karapatang-tao. Matatandaang pinaslang nito ang mag-amang Agta na sina Dabao at anak nito habang nangangaso noong 2021 sa Sitio Diwagaw, Barangay Tappa, San Mariano; magkapatid na Roy Mendoza at Virgilio Mendoza sa Sitio Capanaguin, Barangay Cadsalan, San Mariano na pinatay noong 2018 sa loob ng kanilang kubo; January 2019 din nang walang batayan na pinaputukan at hinuli ang anim na minoryang Kalinga na nangingisda sa bahagi ng Pinacanauan River sa Barangay Panninan, San Mariano, Isabela na kinabibilangan ng dating Barangay Kapitan na si Piding Tamang sa nabanggit na barangay; at Sammy Pukhayon, isang katutubong Ifugao na pinatay noong Setyembre 2018 habang pauwi galing sa isang lamay.

Dapat na malawakang ilantad ang laganap na paglabag ng 5th ID sa mga karapatang-tao at ang tumitinding militarisasyon sa buong Cagayan Valley sa kasagsagan ng Balikatan at pagpapupusisyon ng mga tropa at kagamitang pandigma ng US sa rehiyon. Hinihimok ng BHB-CV ang lahat ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, nangangalaga sa kalikasan at nagtatanggol sa soberanya ng bansa na maging boses at tumindig kaisa ng mga mamamayan ng Lamabak Cagayan na ngayon ay dumaranas ng panunupil, pananakot at pagbabanta.

Walang sagupaan sa pagitan ng mga myembro ng BHB-CV at militar sa San Mariano, Isabela