Walang tunay na kapayapaan habang naghihirap ang sambayanan
Gaanuman pabanguhin ni Marcos Jr ang kanyang sarili sa kanyang mga retorika ng kapayapaan, at lokohin ang sarili sa pagdedeklarang “wala nang pwersang gerilya sa bansa”, hindi niya kailanman maaani ang suporta at tiwala ng sambayanang natutulak na lumaban dahil sa labis na kahirapan. Naninindigan ang NDFP-Palawan, sampu ng lahat ng tumitindig at nakikibakang mamamayang Palaweño, na hangga’t nananatili ang tatlong salot sa bansa na siyang ugat ng paghihikahos ng mamamayang Pilipino, hindi kailanman makakamit ang tunay na kapayapaang nakabatay sa hustiyang panlipunan.
Batas ng kasaysayan na habang may krisis panlipunan, habang may pang-aapi at pagsasamantala, lagi’t laging may dahilan upang magrebolusyon ang taumbayan. Maganap man ang mga pagkatalo at pag-atras ng rebolusyonaryong pwersa sa ilang bahagi ng bansa, pansamantala lamang ito dahil muli’t muling magbabangon ang mamamayan sa gitna ng hindi na matiis na kalam ng sikmura at ligalig na kanilang nararanasan. Laging hinog ang kondisyon ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng Pilipinas para magsulong ng armadong rebolusyon.
Partikular sa probinsya, kinakaharap pa rin ng mamamayang Palaweño ang sobrang taas ng presyo ng mga bilihin sa harap ng napakababang kita, sahod at sweldo ng mamamayan. Kabalintunaan ang ibinabanderang ₱20 na bigas ni Marcos sa ilalim ng kanyang programang Benteng Bigas Meron (BBM) Na ay ni hindi pa nakakarating sa Palawan, ang pinakamalaking probinsya sa buong bansa. Napakababa ng presyo ng palay na binibili sa mga magsasaka sa halagang ₱12-₱14 kada kilo pero napakataas ng presyo ng bigas sa pamilihan na ₱55-₱60 kada kilo. Napakasakit nito sa bulsa gayong ₱404-₱430 kada araw lamang ang minimum na sahod ng mga manggagawa at empleyado sa probinsya. Higit na kagutuman ang dinaranas ng mga magsasaka, pambansang minorya at iba pang mamamayang walang regular na trabaho at/o yaong mga kulang ang kinikita.
Sinong hindi manggagalaiti sa galit kung habang lugmok at nagdarahop ang taumbayan ay patuloy naman ang pandarambong ng mga naghaharing-uri sa yaman ng probinsya at sa kaban ng bayan? Patuloy ang operasyon ng mga lokal at dayuhang dambuhalang mina na labis na nakapipinsala at nagwawasak sa kalikasan ng Palawan. Kasabay nito ang pinaiingay ngayong usapin ng flood control projects na batbat ng korapsyon at katiwalian. Bakit hindi papanagutin bilang sanhi ng malawakang pagbaha sa Palawan ang mga imperyalistang operasyon ng mina na nagkakalbo sa kagubatan na dahilan kaya nawawala ang mga punong natural na sumisipsip ng tubig-ulan at pumipigil sa baha? Dagdag pa rito, dapat ding papanagutin ang malalaking burgesya kumprador at burukrata kapitalistang nakapagpayaman ng sariling pamilya at angkan mula sa burukratikong mga operasyon na nagpapahintulot sa kanilang magnakaw ng daan-libo hanggang milyun-milyong halaga ng pondo ng bayan.
Habang nagbubuladas ng “mahiya naman kayo” sa mga kurakot sa loob ng reaksyunaryong gubyerno, higit dapat na mahiya si Marcos Jr sa kanyang sarili bilang numero-uno sa burukrasya ngayon na nakinabang at nakapagpasasa sa burukratikong dambong mula pa sa rehimen ng kanyang magnanakaw at diktador na ama at maging sa kasalukuyan niyang termino. Nasa likod ng ganitong pagpapakana ng “paglilinis sa gubyerno” ang sa katunaya’y balasahan ng tao para ipalit ang mga pulitikong susunod sa kanya at sa gayo’y higit na makonsolida ang kanyang kapangyarihan sa estado-poder.
Gutom na nga’t ninakawan, dinaranas pa ng mamamayang Palaweño ang labis na takot at pangamba sa pinatitinding presensyang militar sa probinsya. Malaon nang idineklara ng WESCOM na wala nang NPA sa Palawan at nakamit na diumano rito ang kapayapaan, pero nililigalig pa rin ang mga residente ng terorismo ng estado. Ginagambala sila ng kaliwa’t kanang mga operasyon sa kagubatan at karagatan ng probinsya dahil sa sunud-sunod at minsa’y nagkakapatung-patong na mga pagsasanay-militar kasama ang mga armadong pwersa ng imperyalismong US at iba pang alyado nitong bansa. Pinakahuling inilunsad sa Palawan ang Amphibious and Land Operations (ALON) Exercises kasama ang bansang Australia at US. Malinaw na malinaw ang paninikluhod ng rehimeng Marcos II sa imperyalistang adyenda ng US na patatagin ang dominasyon nito sa rehiyong Indo-Pasipiko at mang-udyok ng gera laban sa karibal nitong China; habang sa kabilang banda ang pagtalikod ng rehimen sa kapakanan ng mamamayang napeperwisyo ang buhay at kabuhayan dahil sa nasabing mga aktibidad militar.
Ang pagpapakasangkapan ni Marcos Jr at armadong pwersa nito para maging piyon ng US sa niluluto nitong gera ay kabilang sa nilalaman ng pasista at kontra-kapayapaang NAP-UPD ng rehimen. Upang ibaling ang tuon ng AFP tungong eksternal na depensa, desperado itong maideklara sa lalong madaling panahon ang “pagwawakas sa NPA at armadong pakikibaka”. Gayunman, ang desperasyong ito ng rehimen ay higit na nagluluwal ng mas maraming paglabag ng AFP-PNP-CAFGU sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Sa mga lugar na hindi nakikilusan ng NPA, talamak ang pampulitikang panunupil ng rehimen. Ang pakahulugan ng NAP-UPD sa “kapayapaan” ay kapayapaan ng pananahimik sa harap ng pang-aapi at pagsasamantala, at kapayapaan sa libingan ng mamamayang nakikibaka.
Sa kabila nito, tiyak na mabibigo ang rehimeng US-Marcos II na kamtin ang sarili nilang kahulugan ng kapayapaang nakabatay sa pagwawakas ng armadong paglaban ng mamamayan. Mangmang si Marcos Jr at si AFP chief of staff Romeo Brawner sa pangangarap na susuko ang NPA at magsasalong ng armas. Hinding-hindi mahuhulog sa patibong na ito ang NPA. Lalo sa kasalukuyan na naglulunsad ng kilusang pagwawasto ang buong rebolusyonaryong kilusan, tiyak ang sariling pagpapalakas nito matapos maiwasto ang mga nakaraang kahinaan, at kasunod nito, ang mga lugar na naiwanan ay tiyak na mababalikan.
Nananawagan ang NDFP-Palawan sa lahat ng mamamayang Palaweño na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa probinsya. Walang aasahang makabuluhang pagbabago sa kalagayan ng masa kung hindi babaguhin ang buong sistemang panlipunang nagpapahintulot sa kahirapan, kagutuman at kaapihan. Walang tunay na kapayapaan hangga’t binubusabos ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ang taumbayan. Sa lahat ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan, estudyante, mangingisda, pambansang minorya at iba pang uri at sektor na nakararanas ng pang-aapi at pagsasamantala, buong pangahas na hawakan ang sandata, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang armadong pakikibaka sa probinsya. Yakapin ang lahat ng sakripisyo at kahirapan ng pagrerebolusyon kung kapalit naman nito’y ang matamis na tagumpay ng pagkakamit ng tunay na kalayaan at kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.