Duterte, banta sa malayang midya
Kaisa ang mga mamamahayag sa buong mundo, ginunita ng mga grupo ng midya at Pilipinong mamamahayag ang Internasyunal na Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag (World Press Freedom Day) noong Mayo 3. Ayon sa mga mamamahayag, mula nang maupo si Rodrigo Duterte sa poder, prayoridad na niya ang paninira at pang-iintriga sa midya para itago ang katotohanan sa kanyang gera kontra-droga at iba pang paglabag sa karapatang-tao.
Sa nakaraang dalawang taon, tumindi ang dinanas na panggigipit ng mga mamamahayag na naglathala ng mga balitang bumatikos sa kanyang pasistang paghahari. Sinampahan ng gawa-gawang kaso ang mga mamamahayag ng Rappler, habang inaatake ang mga website ng mga grupo ng alternatibong midya upang sila ay patahimikin. Sa pamamagitan ng mga bayarang “troll”, pinalalabas ni Duterte na mga terorista ang sinumang kumukwestyon sa kanyang administrasyon. Trabaho rin ng mga troll ang pagpapakalat ng mga kasinungalingan at pekeng balita.
Nitong nakaraang buwan, naglabas ang PCIJ ng mga ulat na naglalantad sa di mapaliwanag na paglaki ng yaman ng pamilyang Duterte. Sa halip na sagutin ang isyu, inatake ni Duterte ang PCIJ at inakusahang mga bayaran ang kanyang mga kalaban. Gamit ang kanyang kampon na si Dante Ang ng pahayang Manila Times, pinakalat nito ang katawa-tawang “Oust Duterte Matrix” na nagmula diumano sa Office of the President. Alinsunod sa naturang matrix, sangkot aniya sa pagpapatalsik kay Duterte ang Vera Files, National Union of People’s Lawyers (NUPL), Rappler at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Dahil dito ay nagbitiw ang isa sa mga editor ng Manila Times na si Felipe Salvosa II. Sinalungat niya ang pasya ng pahayagan na ilabas ang matrix sa batayang galing ito sa tanggapan ni Duterte. Aniya, makaisang-panig ang paglalathala ng matrix nang hindi kinuha ang pahayag ng mga inaakusahang personahe.
Ang “Oust Matrix” ay tugon ni Duterte at kanyang mga payaso sa bidyo ng isang nagngangalang “Bikoy” na nagsisiwalat sa relasyon ng pamilyang Duterte at ng malapit na alalay nilang si Christopher Go sa mga sindikato ng droga. Sa nasabing bidyo, isinangkot ni Bikoy si Paolo Duterte, Bong Go at Manases Carpio, asawa ni Sara Duterte, sa tinaguriang Davao Group at sa Quadrangle Group, isang sindikato ng droga na nakabase naman sa Bicol. Kalauna’y nagpakilala si Bikoy bilang dating utusan ng isang sindikato ng droga sa Bicol na personal na naghahatid ng pondo mula sa pagbebenta ng droga kay Paolo Duterte at Go.
Para sa Altermidya, si Duterte ang pinakamalaking banta sa karapatan sa malayang pamamahayag at pagpapahayag. Walang pakundangan niyang ginagamit ang buong galamay ng estado upang atakehin ang mga myembro ng midya na hindi basta-bastang sumusunod sa kanyang kumpas.
Dagdag naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang ganitong pakana ay naglalatag ng kundisyon para sa higit pang mga pang-aatake. Anito, ang pagdawit kay Inday Espina Varona, dating tagapangulo ng NUJP at editor ng Manila Times, na inilistang kasapi umano ng NUPL ay isa pang patunay sa kabalighuan ng nasabing matrix. Panawagan pa ng grupo sa mga kapwa mamamahayag na magkaisa at labanan ang anumang tangkang pagsupil sa kanilang hanay.