Pangatlong kudeta laban kay Maduro, bigo pa rin

Muling nabigo ang tangkang kudeta para patalsikin si Nicolas Maduro, presidente ng Venezuela, ng mga pwersang maka-oligarkiya at maka-US noong Abril 29.
Pangatlong tangka na ito sa nakaraang limang buwan lamang. Isang araw bago nito, nanawagan si Juan Guiado, na idineklara ang sarili bilang presidente ng bansa, sa armadong pwersa ng Venezuela na talikuran si Maduro at ilunsad ang isang kudeta na magpupwesto sa kanya bilang presidente. Kasabay nito, nanawagan si Guaido ng malawakang mga demonstrasyon sa pambansang kabisera. Liban sa ilang sundalo, nanatili ang suporta ng armadong hukbo ng Venezuela kay Maduro.
Ang mga demonstrasyong ipinatawag naman ni Guaido ay tinapatan ng malalaking pagkilos ng mga Venezuelan na sumusuporta sa lehitimong gubyerno. Isinisisi ni Guaido ang kabiguan sa mga “pangakong napako” ng ilang upisyal militar. Matapos mabigo, nanawagan pa si Guiado ng hayagang interbensyong militar mula sa US. Sa panahong iyun, positibo itong tinugunan ni Department of Defense ng bansa.
Ang serye ng mga tangkang pagpapatalsik ay bahagi ng pakana ng US na binansagang “Operation Liberty.” Noong Mayo 1, sa okasyon ng Internasyunal na Araw ng Paggawa, pinasalamatan ni Maduro ang armadong hukbo at mamamayan ng Venezuela sa kanilang paninindigan laban sa panghihimasok ng US.