Writ of amparo at habeas data pabor sa NUPL, inilabas ng Korte Suprema

Naglabas ng kautusang writ of amparo at habeas data ang Korte Suprema pabor sa petisyon ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) noong Mayo 3. Nagsampa ng petisyon ang NUPL noong Abril 15 para ipatigil ang Red-tagging at panggigipit ng rehimeng Duterte at ng militar sa kanilang mga myembro. Alinsunod sa kautusang writ of amparo, binigyan ng korte si Duterte at AFP nang hanggang Mayo 8 para ipaliwanag ang kanilang dahilan sa panggigipit sa mga abugadong nagtatanggol sa karapatang-tao. Alinsunod naman sa kautusang habeas data, obligado si Duterte at ang AFP na isumite sa korte ang lahat ng kanilang impormasyon tungkol sa naturang mga abugado.
Ang writ of amparo ay isang petisyon na isinasampa ng mga ginigipit para hingin ang proteksyon ng korte laban sa mga pwersang panseguridad ng estado. Ang habeas data naman ay para obligahin ang estado na ibigay sa korte o sirain ang impormasyon laban sa mga ginigipit nito.
Kasabay nito, naglabas din ng writ of kalikasan ang korte pabor sa mga mangingisda ng Palawan at Zambales para obligahin ang rehimeng Duterte na ipagtanggol ang Panatag Shoal, Ayungin Shoal at Panganiban Reef laban sa konstruksyon ng mga pasilidad at iba pang agresibong aktibidad ng China sa lugar.
Samantala, nagsampa ng hiwalay na petisyon para sa writ of amparo at habeas data ang Karapatan, Rural Missionaries of the Philippines at Gabriela noong Mayo 6. Pinatitigil nila sa korte ang paninira at malisyosong pag-uugnay ng kanilang mga organisasyon sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.